SA ISANG larawan na inilabas ng kilalang international magazine ay makikita ang isang Islamic rebel kasama ang dalawang bata na tangan-tangan ang tig-isang malalakas na kalibre ng baril. Matagal na ang balitang nagre-recruit ang mga Islamic rebel group sa ibang bansa ng mga miyembro nitong pawang mga paslit lamang. Sa report na ito ay ginagamit ng mga rebelde ang relihiyon para mahikayat ang mga inosenteng bata na sumali at sumailalim sa training para makidigma.
Sa huling report ng sagupaan ng mga rebeldeng Muslim sa Mindanao laban sa mga sundalo ng Arm Forces of the Philippines (AFP), sinabi sa ulat na may mga binatilyong miyembro ang mga rebelde na pawang naka-marijuana at tila walang takot mamatay. Tila nagagamit na rin ang mga batang Muslim sa Mindanao ng mga rebelde.
Mahirap at magiging komplikado ang sitwasyon kung lalabas na may katotohanan ang report na ito. Una ay may mga batas na kumikilala sa mga bata bilang inosenteng personalidad sa krimen. Pangalawa ay mas nakikitang biktima ang mga batang ito dahil hindi nila tunay na pagpili ang pagkakasama nila sa grupo. Tiyak na nahikayat sila dala ng kawalang kaalamang makapagdesisyon o gamit ang relihiyon ay madali silang mapasanib sa organisasyon.
ANG RELIHIYON ang itinuturing na malaking salik ng dahilan ng pakikidigma ng mga tao kahit noong una pa mang panahon. Sa panahon ng tinatawag na medieval period, relihiyon ang sentro ng digmaan. Mas madaling makahikayat ng mga miyembrong kabataan ang isang grupo gamit ang relihiyon dahil sa kaisipang panlipunang naitanim na sa ating mga tao. Maging dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa ay ganito ang takbo ng isip ng mga tao.
Ang relihiyon kasi ay tinatanggap ng ating isip base sa tinatawag na paniniwala. Ang “faith” o paniniwala ay pinakakahulugan ng mga sociologist bilang isang untested belief. Ibig sabihin ay walang nagaganap na pagsusuri bago tanggapin ang isang relihiyon. Ipinapasa lamang ito sa isip ng tao habang sila ay bata pa. Bago pa man matuto ang isang bata ay may relihiyon na ang mga ito. Patunay lang na wala ngang nagaganap na pagpili mula sa isang pagsusuri.
Maging ang mga matatanda ay biktima ng ganitong “social determinism”. Walang masyadong magawa ang karamihan sa mga tao kundi sumunod sa mga utos ng kanilang relihiyon. Mas lalo ang ganitong sitwasyon sa mga kabataan. Kaya naman hindi nakapagtataka na madaling mahuli ang loob ng mga kabataan at ngayon ay ginagamit sila sa karahasan ng armadong pakikibaka.
ANG MGA isip ng kabataan ay sadyang madaling mabilog kaya sila ang nagiging target ng mga rebeldeng grupo. Nakakaalarma ang ganitong sitwasyon ngayon sa Mindanao. Dapat ay kumilos ang pamahalaan sa balitang ito. Magiging panghabang buhay na problema ang ganito kung hindi mapipigilan ang ganitong paggamit sa mga kabataan.
Ang mga magulang ng mga batang ito ang higit na dapat habulin at parusahan ng pamahalaan dahil sa kanilang pagpapabaya o di kaya’y pagkunsinte sa kanilang mga anak. Ang mas malaking problema ay paano kung ang mga magulang ng mga kabataang rebeldeng Muslim ay pawang mga rebelde rin. Tila hindi na matatapos ang digmaang ito hangga’t hindi maubos ang kanilang mga lahi. Ito ay labis na marahas para sa ating lipunan.
Dapat ay naging bahagi o napapaloob ang solusyon sa problemang ito sa bagong Bangsamoro State na itinatatag ng pamahalaan. Kailangan pag-aralang mabuti ang pagsasabatas ng mga polisiya at nakasasabay ang mga ito sa mga pagbabagong nagaganap sa mga prinsipyo at paniniwalang hinahabi ng mga rebelde sapag-inod ng panahon.
ANG MGA kabataang nagagamit sa karahasan ang pinakamalupit na pagkakait ng lipunan sa mabuting buhay para sa kanila. Kung mga kabataang ito ay nagagamit at nabibiktima ng mga rebelde, ito’y sa pangunahing dahilan na sila’y napabayaan ng kanilang pamilya at lipunan. Ang pamahalaan ay may responsibilidad na tiyaking nasa mabuting kamay ang mga kabataang ito.
Ang pagiging bahagi nila ng marahas na mundo ng armadong pakikibaka ay nagpapakita lamang na hindi nagagampanan ng pamahalaan ang tungkulin nito sa lipunan. May mga kongkretong batas sana para sa problemang ito na dapat ay pinag-uusapan na ngayon sa Kongreso, ngunit iba ang binibigyang halaga at prayoridad doon ngayon.
Seryoso ang problemang ito at dapat ay magtulung-tulong tayong umisip ng solusyon para rito. Edukasyon at pagkalinga ng pamahalaan sa bawat pamilya ang nakikita kong pangunahing salik ng solusyon sa problemang ito. Ang mga lider ng simbahan ay dapat ding makiisa, Muslim man o Kristiano ay may responsibilidad din na tiyaking nasa mabuting kamay ang mga kabataang ito.
KUNG ANG mga kabataan ay mapapariwara sa ganitong paraan ay tiyak na guguho ang ating kinabukasan. Ito’y isang pagtalikod sa pilosopiyang iniwan ni Rizal na ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan. Kung mawawala sila ay mawawala rin tayong lahat. Ang problemang ito ay problema ng lahat, hindi lang ng Pilipinas kundi pati buong mundo.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED
Shooting Range
Raffy Tulfo