WINNER SA KATEGORYANG Breakthrough Performance by an Actor si Martin del Rosario sa pelikulang Dagim sa nakaraang 8th Golden Screen Awards ng ENPRESS dahil sa mahusay niyang pagganap sa nasabing indie film.
Sa launching ng BNY na si Martin ang signature model, tinanong namin siya kung may pressure ang pagkakapanalo niya ng award dahil nakatutok ngayon ang publiko sa kanyang performance sa teleseryeng Minsan Lang Kita Iibigin. “Hindi naman pressured, mas inspired ako ngayon. Malaking karangalan ‘yun para sa akin kasi first acting award ko ito. Mas lalo kong pagbubutihin ang craft ko. Deserving naman po ang award na ibinigay nila sa akin kasi ibinigay ko talaga ang best ko. Noong ginawa ko ‘yon, nahirapan po talaga ako. Parang seven days akong nasa Bataan, everyday nakikita ko ang bundok, puro putik palagi ang katawan ko. Feeling ko ang dumi-dumi ko, tapos mahihirap talaga ang mga eksena.
“Pero nawala lahat ang hirap nang malaman ko na nanalo ako. Nag-tie po kami ni Rocky Salumbides. Nakaka-inspire na ipagpatuloy, pagbutihin ang bawat project na gagawin ko,” say ng young actor.
Abot-kamay na nga ni Martin ang tagumpay na kanyang pinapangarap. Kahit gaano ka-hectic ang schedule ng binata, ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang pag-aaral sa UP, second year college
sa kursong Business Administration.
Naka-focus muna si Martin sa teleseryeng MLKI. Busy rin siya sa mga out of town commitment at mall shows. “Kahit pagod ako sa taping at hinang-hina, wala akong magagawa kina Mama. Kailangan kong pumasok sa school. Kasi ang first class ko, 8:30 am, ang taping natatapos ng 7:00 ng umaga, diretso na ako, tapos matatapos ang school ko 4:00 pm na. Parang nalilipasan na lang ako ng tulog. Ayaw ko totally na mawala ‘yung school kasi, sabi ng ibang artista, nakakabobo raw kapag hindi ka na bumalik, tatamarin ka. Ako, kahit eight years pa akong nasa UP, basta masasabi kong nag-aaral ako,” banggit ni Martin.
Iniidolo pala ni Martin si Coco Martin. “Bago pa lang ako lumabas at mabigyan ng break sa MMK, idolo ko na si Coco sa pag-arte niya. Magaling po kasing actor si Coco, tinuturuan niya ako sa mga eksena namin, kung paano ang blocking. Pinapanood ko ang mga teleserye po niya sa TV, bilib po ako sa husay niyang umarte.”
Willing kaya si Martin na magpaka-daring tulad ng mga indie films na ginawa noon ni Coco? “Sabi nga nila may mga daring films si Coco pero hindi ko alam kung gaano ka-daring dahil hindi ko pa nakikita.”
Kung may offer na dumating na magpaka-daring ka sa movie, tatanggapin mo? “As long na hindi naman ‘yung nudity ang da-ting, hindi bastos, okey lang. Parang ‘yung ginawa ko sa MMK, ni-rape ako ng dad ko, medyo sensitive ‘yun with Derek Ramsay, “Boarding House” ang title. Ni-rape ako ni Emilio Garcia. “
Okey lang kaya kay Martin gumawa ng indie film na ang tema ng istorya kabaklaan? “Hindi ko alam sa parents ko. Hindi pa po siguro sa ngayon but I’m willing to try kung kinakailangan sa istorya at maganda naman ang execution at magaling ang director. For now, concentrate muna po ako sa TV para lalo akong mahasa sa acting,” aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield