BLIND ITEM: Sino itong isang “instant celebrity” na produkto ng isang search ang sinabi ng aming friend na, “Ang baho ng buhok niya.”
Akala raw niya, siya lang ang nakaamoy, pero may iba pa pala. “At hindi lang ‘yan, Mama Ogie,” patuloy pa ng aming kausap, “’Pag bine-beso siya, alam mo ‘yung ‘di ba, ‘pag cheek to cheek, parang ang lapit ng bibig mo sa tenga niya?
“Ilambeses nang nangyayari na may amoy ang bandang tenga niya. Alam mo ‘yung amoy tulok?” napangiwi kami, “Wa exaj, ‘yun na ‘yon.”
Ang kinis daw ng mukha, mestiso, “Pero nakakalokah, ang baho ng buhok at ‘yung sa bandang tenga niya.”
Hindi muna namin ito huhusgahan, ha? Bumebeso rin kasi sa amin ito, eh. Baka naman hindi nakaligo that time!
“Naku, teh, ano ka ba? Dalawa na nga kaming nakaamoy sa magkaibang araw, eh. Ano ‘yon, parehong araw na hindi nakaligo?”
Hindi muna kami magbibigay ng clue, dahil baka magalit ang hukbong sandatahang lakas ng mga tagahanga nito, mahirap na. Hindi rin naman kami mapanghusga, ‘no!
SA EDAD NA 82, bibilib ka rin kay Tito Dolphy, dahil nakakagawa pa ng full-length movie, huh! Heto’t ang kanyang Father Jejemon ay kasali pa pala sa Metro Manila Filmfest.
Kahit hindi kakinisan ang trailer na napanood namin ay naaliw naman kami du’n sa isang eksena kung saan nu’ng sumubo ng ostsa ang isang nagsisimba ay sumabit ang pustiso nito, laugh kami nang laugh.
Ang nakakatuwa, si Ms. Zsa Zsa Padilla mismo ang line producer ng naturang pelikulang kasama sina EJay Falcon, Moymoy Palaboy, Tony Mabesa, Maja Salvador at iba pa.
Sana nga, hindi ito ang huling pelikula ni Tito Dolphy, dahil kahit maisip daw niyang mag-retire, “’Pag may nag-o-offer pa, nakakalimutan kong magretiro!”
Long live, Tito Dolphy!
ALAM NAMAN NAMING si Kuya Germs ang nasusunod sa kung sino ang bibigyan niya ng “star” sa Walk of Fame sa Eastwood, Libis, dahil project naman niya talaga ‘yon.
Pero sana lang, “pinagpapaguran” ang star na ‘yon na parang “national artist” ang dating, ‘di ba?
Love namin si Coco Martin at kahit sina Gerald Anderson at Kim Chiu, pero baket? Ano’ng rason, ba’t ang aga naman yatang mabigyan ng “star”?
Kaya nga si Ai-Ai na tatlong beses pinuno ang Araneta, maging ang Folk Arts Theater at lampas 200M pa ang total gross ng kanyang unang “Tanging Ina Mo” na dapat ay noon pa binigyan, ba’t up to now, wala pa?
Kung hindi pa bigyan ng idea ni Ai-Ai mismo si Kuya Germs during the presscon ng Filmfest entry ng Star Cinema, ang Ang Tanging Ina Mo (Last Na ‘To!), hindi pa magda-dayalog si Kuya Germs na next year sa December uli, saka lang mabibigyan ang Concert Comedy Queen?
Hanggang ngayon nga ay kinukuwestiyon pa rin kung paanong nangyari na pati si Jacky Woo ay nabigyan din ng “star” sa Walk of Fame?
Kami na ang sasagot: Project ‘yan ni Kuya Germs at karapatan ng Master Showman kung sino ang gusto niyang bigyan ng star.
Oh My G!
by Ogie Diaz