KAMAKAILAN LANG, nagkalat na naman ang iba’t ibang klase ng investment scams sa bansa, kung saan ikaw ay pangangakuan ng magandang buhay: maraming pera, magagarang kotse, at bahay basta’t ikaw ay mag-i-invest sa kanila. Ang pinakabagong nabalita na uri ng investment scams ay ang EMGOLDEX at ONE DREAM.
Sa EMGOLDEX, base sa mga personal kong nakausap na nagoyo ng EMGOLDEX, sila ay hinihingan ng initial na P5,000 at makaraan ang ilang araw lamang, sinabihan silang dodoble ito. Alam n’yo ba sabi ng isa kong kaibigan, ang kanyang limang libo ay dumoble nga makaraan ang isang buwan, matapos niyang makuha ang capital at income niya, sinabihan siyang i-reinvest ito uli, para dumoble at mabigyan siya ng Gold.
Buti na lang, nakatutunog na ang kaibigan ko, dahil ang dami nang masamang balita ang napaparatang sa kanila. Hindi na siya muling pumayag dahil may sabi-sabi na ganito nga ang istilo ng EMGOLDEX, paniniwalain ka sa umpisa, hinuhuli nila ang kiliti mo dahil nga dumoble ang capital mo nang mabilisan, ikaw naman ay maeengganyo na maglagay ng mas malaki pang halaga at ito na nga ang kanilang tinatangay.
Sa One Dream naman, sa halagang 800 pesos lang, makasisimula ka nang makapag-invest sa kanila. Aba, murang-mura; abot-kaya pa. Pangangakuan ka rin ng halos 40% na balik ng capital mo makalipas lang ang apat na araw, instant yaman ano po? Paniniwalain nila ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang Facebook page kung san ang mga investors sa One Dream ay nakakuha na ng kotse, bahay, at malaking pera.
Pero kung tutuusin, modus lang nila ito at hindi naman totoo ang mga larawan na pinagpo-post nila. Bagung-bago ang One Dream, pero alam n’yo ba, mahigit dalawang bilyon ang natangay ng One Dream at kay raming tao ang nagoyo nila. Ang One Dream sana ay naging Dream On na lang, mangarap ka na lang.
Bagets, ano ba ang pinaparating nito sa atin? Maging matalino sa mga ganitong bagay lalo na kung may perang pinag-uusapan. Sa investment, hindi ito instant success o instant yaman. Dahil may tinatawag tayong “risk-reward trade off” na the higher the risk, the higher the potential return will be.
Ang dapat n’yo pang malaman sa investment, ito ay hindi dapat nagbibigay ng garantiya ng return dahil hindi naman ito PDIC o Philippine Deposit Insurance Corporation covered gaya sa mga bangko, kung saan P500,000 ng pera mo ay protected.
Kung pinangakuan kayo ng pagdoble ng pera n’yo sa loob ng isang buwan, matakot at kabahan na kayo dahil wala naman talagang ganito at tiyak investment scams lang iyan!
Sa investment, ang maituturing na isa sa pinaka-conservative outlet ay money market, kung saan sa loob ng isang taon, hindi garantiya pero base sa historical performance, halos nasa isang porsyento ang kikitain mo. Mas malaki sa savings at time deposit account sa bangko. Kaya imposibleng-imposible na maging instant milyonaryo nang walang kahirap-hirap at sa saglit na panahon lamang.
Ano pa ba ang paraan para ‘di magoyo ng investment scams? Kung gustong mag-invest, sa bangko na lang lumapit at magpakonsulta sa kanilang investment specialists, um-attend ng investment basics na ibinibigay ng bangko para kayo ay magkaroon ng sapat na kaalaman. At, huwag basta-basta maniwala sa mga pangakong instant yaman!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo