KALAT NA sa buong mundo ang pang-iinsulto ng grupong bandido na Abu Sayyaf sa gobyerno ng Pilipinas dahil sa ipinakitang video clip ng spokesman ng grupo na si Muamar Askali, kung saan ay maraming bungkos ng perang tig-P1,000.00 ang sinasalansan ng isang hinihinalang Abu Sayyaf. Ayon kay Askali, ito ang P250 million ransom money para sa mga pinalayang German nationals na sina Stefan Viktor Okonek at Henrike Dielen, na kinidnap ng Abu Sayyaf noong October 17. Malinaw na ginawa ito ng Abu Sayyaf upang ipahiya ang gobyerno sa pagpapalabas nito ng statement na walang ibinayad na ransom money para sa kalayaan ng mga dayuhang biktima.
Dahil sa kumalat na ito sa Yahoo at iba pang mga social media networks, tiyak na malaki ang magiging epekto nito sa ating bansa. Maraming isyu ang kaakibat ng pang-iinsultong ito ng Abu Sayyaf sa gobyerno ng Pilipinas, partikular na sa turismo at ekonomiya. Bukod dito ay lumalabas rin na hindi transparent at naglilihim sa mga tao ang pamahalaan. Malaking dagok ito sa paniniwala ng mga Pilipino sa gobyernong Aquino.
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang iba’t ibang salik na nagpopondo sa pagkakaroon ng mga bandidong grupo, gaya ng Abu Sayyaf, na naglalagay sa buhay at kaligtasan ng mga Pilipino sa peligro at patuloy na dumadagdag sa pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas. Sisiyasatin din natin ang mga direktang epekto nito sa lipunan.
MAGTITIWALA PA ba tayo? Paano pa tayo magtitiwala sa ating gobyerno hinggil sa “no ransom policy” kung totoo ang video clip na ito? Ang problema ay maging ang mga international correspondent ay kumbinsido na tunay ang video clip at malaking kasinungalingan ang report ng militar na walang bayarang naganap. Patunay ito na talagang hindi transparent ang pamahalaan sa atin maging sa mga isyung ganito. Maraming beses na yata tayong pinaglilihiman ng gobyerno at panay pagpapapogi lang ang ginagawa nila.
Ang sunod na tanong dito ay bakit hindi napatupad ang no ransom policy? Sino ang nagkulang sa pagresolba ng problemang ito? Kung pangangatawanan ng gobyerno ang kanilang posisyon na wala silang alam na bayarang naganap ay nangangahulugang may pagkukulang din sila sa aspeto ng intelligence.
Siguradong may namagitan sa bayarang nangyari at tiyak na may kumita rin dito. Hindi maitatangging ang kidnapping sa Mindanao ay isa nang malawak na kalakalan. May mga kumikita rito na ang trabaho ay mamagitan at makipagtawaran sa ransom money. Kasama na rito ang lihim na pagpupuslit ng ransom money kung ito man ang nangyari o pagbibigay ng tip kung saan at sino ang susunod na biktima.
Kung talaga namang alam ng gobyerno o ng militar na may bayarang nangyari, ano kaya ang motibo nila at sila’y nagsisinungaling sa mga tao? Para sa marami sa atin, mukhang lalo nang mahirap na paniwalaan ang mga sasabihin ng gobyerno. Ang masaklap ay maaaring hindi na rin lubos na pagkatiwalaan ng mga karatig at kaibigan nating mga bansa ang gobyernong Pilipinas. Dito ay direktang maaapektuhan ang ating ekonomiya at maaaring mauwi ito sa tuluyang pagbagsak.
ANO ANG mangyayari sa bayad o ransom money? Ang isa pang nakababahalang isipin ay ang maaaring paggugulan ng kinitang pera mula sa ransom. Tiyak na darami na naman ang mga sasapi sa grupo ng Abu Sayyaf dahil malaking pera ang maaaring ipasuweldo o ibigay sa mga bagong kasapi. Habang kumikita ang Abu Sayyaf ng milyun-milyon ay lumalaki ang kanilang grupo.
Tiyak din na magkakaroon na naman sila ng mga armas na mas makapangyarihan kaysa sa mga armas na gamit ng ating mga sundalo. Malaking salik ang mga high-powered na armas ng mga kasapi ng Abu Sayyaf upang lalong mahirapan ang ating mga sundalo sa pagtugis sa kanila. Talung-talo ang mga lumang M16 riffle ng mga sundalo natin at masuwerte na kung mayroon silang assault riffle.
Paano na haharapin at tutugisin ng ating mga kasundaluhan ang mas maraming kalaban at mas makapangyarihang armas ng Abu Sayyaf? Ang mas malalim na problema rito ay nalalagasan tayo ng mga magagaling na sundalo at batang opisyal na katatapos lang sa PMA, dahil sa hindi makahabol ang mga armas na ibinibigay ng gobyerno sa ating mga sundalo kumpara sa mga bago at modernong armas ng Abu Sayyaf, kung saan ay bunga lamang ito ng kinita mula sa ransom.
SAAN TUTUNGO ang problemang ito? Hangga’t walang malinaw na solusyon ang pamahalaan para masawata ang Abu Sayyaf ay magpapatuloy lamang ito sa mga kriminalidad na gawain. Patunay ang mga nagaganap ngayon na palpak ang “no ransom policy” ng pamahalaan. Kailangan nilang mag-isip at gumawa ng mas epektibong solusyon sa problemang ito. Hindi rin sapat na umasa tayo sa mga posibleng pagbabagong maihahatid ng Bangsamoro Law dahil tila hindi na prinsipyo ang adhikain ng mga kasapi ng Abu Sayyaf. Sila’y mga kriminal na may masasamang adhikain ngunit nagtatago lamang sa relihiyong Islam.
Dapat pag-isipan nang maagi ng pamahalaan kung kailangan nang maglunsad ng mas ekstensibong pagtugis sa mga kasapi ng Abu Sayyaf. Baka makatulong ang isang all-out-war na gaya ng ginawang hakbang noon ni Pangulong Joseph Estrada. Kriminal at hindi relihiyon ang kalaban ng ating bansa rito.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo