INAMIN MISMO ng Department Of Justice (DOJ) sa mga mamamahayag na palpak ang intelligence ng PNP, AFP at DOJ, dahilan kaya hindi pa rin nahuhuli ang tatlong wanted na matataas na opisyal ng pamahalaan o maituturing na malalaking isda.
Sina Ret. Gen. Jovito Palparan, Palawan Ex-Governor Joel Reyes at Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo, Jr. ay patuloy na nakikipag-“hide and seek” sa mga alagad ng batas hanggang sa kasalukuyan.
Pare-parehong kaso ng pagpapapatay ang kinasasangkutan ng tatlo.
Si Palparan ay itinurong utak sa pagdukot at pagpatay ng kanyang mga tauhan na sundalo sa dalawang babaeng UP student.
Si Reyes naman ang inihablang utak sa pagpatay sa isang mediaman na si Dok Jerry Ortega sa Palawan.
Ang dalawang nabanggit ay parehong nasa Regional Trial Court ang kanilang mga kaso.
Samantalang si Ecleo ay convicted na sa pagpatay sa kanyang sariling asawa at convicted na rin sa isa pang kaso ng graft and corruption.
In fairness, parekoy, sa buong intelligence community, partikular na ang mga intel ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at Department of Justice, masasabi kong sila ay epektibo sa kanilang trabaho.
Kaya nga, with all due respect sa pahayag ni Sec. De Lima, tuwiran kong sasabihin na hindi palpak ang mga nabanggit na ahensya.
Katunayan, sila ay epektibo at malakas makiramdam!
Ang ibig kong sabihin, parekoy, kapag nararamdaman nilang desidido ang Palasyo sa isang bagay o tao ay agad nila itong naipo-prodyus.
Pero sino nga naman ang lokong magkukumahog sa paghanap at pag-huli sa malalaking isda kung nararamdaman mo na hindi naman ito ang prayoridad ng Palasyo?
Malay nga naman nitong magagaling nating sekreta na kung sakaling hanapin nga nila at hulihin sina Palparan, Reyes at Ecleo… sa halip na grasya ay disgrasya ang kanilang matamo!
‘Ika nga, sa halip na promotion ay demotion ang kanilang makuha!
Hak, hak, hak, magagaling po ang ating intelligence community sa pagbasa ng “body language” ng nasa Palasyo!
NAMAMAYAGPAG SA lungsod ng Makati ang pangalan ni Toto Lacson pagdating sa usapang sugal.
Operasyon ng Bookies at Lotteng, parekoy, ang kanyang pinaghaharian kaya naman mabilis ang pagputok ng kanyang pangalan dito sa prime city of the Philippines.
Ang masakit, hindi kayang galawin ng kapulisan ang operasyon ni Toto Lacson, dahil sa pangamba na baka sila pa ang uminit kay Mayor Junjun Binay.
Madalas raw kasing ipangalandakan nitong si Lacson ang sobrang lakas niya sa mga Binay!
Ganu’n? ‘Di nga! Ows? Talaga?
Sige nga Mayor Binay, isang sampol nga rito kay Toto Lacson!
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303