ISA SA paborito kong kaganapan sa buhay ko ay tuwing tag-init o summer vacation ko sa eskuwela. Bakit? Dahil sa mga panahong ito maraming kapana-panabik ang mga nangyayari. Nariyan ‘yung kabilaang summer outing. May outing kasama ang pamilya, may outing din kasama ang buong angkan, may outing din kasama naman ang barkada. Ito rin ‘yung mga panahon na nagaganap ang mga family at barkada reunion.
Libreng-libre rin akong nakagagala to sawa dahil nga wala naman akong kailangang intindihin na assignments, projects, exams, at groupworks sa eskuwela. Ngunit, subalit, datapwa’t, tila ang tag-init ngayon ay sumusobra na at hindi na nakatutuwa. Bakit? Panigurado akong ramdam na ramdam n’yo ang intense na init ngayon.
Kakaiba ang init na nararamdaman natin ngayon. Mayroon tayong tinatawag na Body Heat Index. Ito ‘yung init na nararamdaman natin sa ating katawan. Halimbawa, kung ang temperatura ngayon ay nasa 38 degrees, mas mataas pa rito ang init na ating nararamdaman at ito nga ay ang Body Heat Index na tinatawag.
Ayon nga sa mga balita, ang average body heat index natin ngayon ay umaaabot ng 40 hanggang 41 degress! Jusko, napakainit nga nito, para na tayong nasa disyerto.
Ang sobrang init ay may dalang negatibong epekto sa atin at sa ating kapaligaran. Sa kapaligiran, nariyan ang pagkatuyo ng mga pananim at pagkalat ng mga peste, dahil tuwing tag-init ang breeding season ng mga ito. Nariyan din ang pagbaba ng tubig sa mga dam. Ayon sa pinakahuling balita, kahit bumababa ang tubig sa dam, hindi pa naman ito umaabot sa critical level kaya hindi ito problema. Salamat sa Diyos!
Sa ikalawang banda, nariyan din naman ang mga nagetibong epekto sa ating mga mamamayan. Nariyan ang pagkasunog ng balat o sunburn sa Ingles. Sa panahon ngayon, kahit ubod ng init, tuloy pa rin ang pagkakaroon ng outing. Natural lang naman ang sunburn lalo na kung fresh from swimming, ngunit mas malala ang sunburn sa pagkakataong ito dahil hindi na healthy ang tindi ng init para sa ating mga balat. Kaya ugaliin na magpahid ng nararapat na sunblock na may tamang SPF sa ating mga balat. Tip lang, magpahid ng sunblock bago at pagkatapos mag-swimming. Lalo na kung mae-expose sa araw. Mag-apply ng sunblock kung kinakailangan. Huwag tipirin ang sariling balat.
Nariyan din ang mga iba’t ibang sakit na puwedeng makuha sa tag-init. Nariyan ang mga iba’t ibang skin diseases gaya ng bungang araw at skin rashes. Kaya kung sensitibo ang balat, mas mainam na manatili na lang sa bahay kaysa maglalamyerda pa sa labas kasama ang Haring Araw, dahil mas lalala lang ang iyong skin diseases. Kumonsulta rin sa doktor para sa paggamot nito.
Bilang konklusyon, mayroon naman tayong ultimate pangontra sa negatibong epekto ng intense tag-init. Ugaliing uminom ng maraming tubig.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo