PAANO NGA ba sumaya? Sa totoo lang, maraming paraan para maging masaya. Kaya imposibleng ni minsan sa buhay mo ay hindi ka naging masaya o imposible rin na lumagpas ang isang araw nang ‘di ka sumasaya. Kasasabi ko nga lang, maraming paraan maging masaya, kaya napakadaling sumaya.
Nariyan ang mga mahal mo sa buhay, basta’t kasama ang pamilya at barkada, sasaya ka na. Nariyan din ang paggawa ng gusto o hilig mo, magiging masaya ka na. Ang mga Pinoy pa naman napakababaw ng kaligayahan, konting kibot lang at sa konting bagay lang, sumasaya na. Lalo na ang mga bagets! Ni-like lang ni crush ang DP o ang status mo sa Facebook, sumasaya ka na! Sa katunayan nga, sinasabi mong pang nabubuo na ang araw mo.
Magkaroon lang ng wifi connection, aba, abot-langit na ang saya ng mga bagets. Dinagdagan lang ni Mommy o ni Daddy ang allowance, sumasaya na rin agad. Kaya naman paniguradong ang ika-20 ng Marso ay naging araw ng mga bagets. Alam n’yo ba na ipinagdiriwang natin ang International Day Of Happiness tuwing March 20?
Siguro kakaunti lang sa inyo na may ganitong kaganapan, ano po? Sa bagay, kung araw-araw ka naman may dahilan para sumaya, hindi mo na kailangang hintayin ang March 20 para ipagdiwang ito. Pero para sa mas ikakasaya ng buhay natin, ating alamin pa nang mabuti ang International Day of Happiness.
Ang International Day of Happiness ay ipinagdiriwang sa buong mundo tuwing ika-20 ng Marso. Ito ay simulang ipinalaganap ng United Nations General Assembly noong ika-28 ng Hunyo taong 2012.
Ayon sa United Nations General Assembly Resolution, ang maging masaya ay importanteng sangkap sa buhay ng tao. Nilarawan nila ito bilang “fundamental human goal”. Pero karagdagan ng UN General Assembly, hinihikayat nila na i-celebrate ang International Day of Happiness nang may kabuluhan. Paano? Sa pamamagitan ng tamang edukasyon at pagsali sa mga public raising awareness programs. Sa paraan na ganito, makikita mo na ang kasiyahan ay hindi dapat makasarili, kumbaga dapat may pinapasaya ka rin. Nararapat lang na ibahagi mo ang kasiyahan mo. Mas masaya nga naman ito, tama?
Paano nga ba ipinagdiwang sa bansa natin ang International Day of Happiness? Ito ay sa pamamagitan ng pag -upload ng sangkatutak ng groupie o group selfie kasama ang pamilya at barkada. Naging in na in nga ito sa social media sites. O ‘di ba, mas masaya talaga kung ang kasiyahan ay ibinabahagi sa iba?
Mga bagets, ang kasiyahan ng isang tao ay nakadepende rin sa tao ‘yan. Kumbaga, nakadepende ‘yan sa iyo. Hindi ‘yan nasusukat sa materyal na bagay; hindi rin ‘yan nasusukat sa dami ng likes sa Facebook. Hindi rin ‘yan nasusukat sa dami ng followers sa Twitter.
Para sa akin, ang pagiging masaya ay pagiging kuntento sa kung ano ang mayroon ka at sa pagiging proud na ibahagi ito sa lahat.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo