ANG MUNDONG ginagalawan ng kabataan ngayon ay hindi maitatanggi na sobrang nalalayo sa henerasyon noon. Maraming mga bagay na mayroon ngayon na wala noon. Pero sa panahon ngayon kung aalisin mo ang mga bagay na mayroon ngayon, hindi natin kayang mabuhay nang wala ang mga iyon. Ang mga bagay na tinutukoy ko ay mga produkto ng teknolohiya.
Dati ang mayroon lamang tayo ay simpleng beeper, typewriter, camera na de film, brick game, walkman. Pero ngayon lahat ng nabanggit ko ay puwede mo na makamtan sa iisang gamit lang, iyon ay ang smartphone. Bakit? Dahil ang isang smartphone, may camera na, dual camera pa nga – isa sa likod at isa sa harap – may mp3 player na rin na kahit sabayan mo pang maglaro ng mga na-download mong apps puwedeng-puwede pa. Puwede ka ring gumawa doon ng assignment mo at mag-research basta’t may apps ka lang tulad ng Docs 2 go na pahihintulutan kang gumawa ng document, powerpoint at excel. At siyempre hindi mawawala ang pinakaimportanteng bagay na naitutulong sa atin ng smartphone o ng kahit anong cellphone, ang komunikasyon sa pamamagitan ng text at tawag. Isama mo na rin ang ‘pag-FaceTime, Skype, WeChat, Kakao Talk, Facebook, Twitter at Instagram.
Totoo nga ang aking mga nabanggit. Pero aking napagtanto, bale-wala rin ang mga kagamitan na ito dahil hindi mo mapakikinabangan nang husto ang mga produkto ng teknolohiya kung walang Internet.
Imbes na manood tayo ng telebisyon o magbasa ng mga dyaryo para makakalap ng balita, atin nang tinitignan ang Twitter. Natatandaan mo ba noong panahon kapag may laban sa boxing si Pacquiao, karamihan sa atin nakasubaybay sa live tweets at hindi sa TV, dahil kung minsan mas updated pa ang nasa Twitter. Hindi ka rin naman gaanong nanghihinayang kung hindi mo mapanood ang balita sa TV o kaya mabasa sa dyaryo dahil sa tweets pa lang, kumpleto ang detalye. At alam naman natin na sa pamamagitan ng Internet, gagana ang Twitter mo.
Kapag hindi mo naabutan ang paborito mong television series o kaya teleserye, hindi ka nagmamaktol dahil hindi mo napanood. Hindi ka na maghahanap ng tao na puwedeng magkuwento sa iyo ng na-miss mo. Gagawa ka lang ng account sa iWant TV lalo na kung ang seryeng napalagpas mo ay palabas ng ABS-CBN, pero kung hindi naman tulad ng international series gaya ng Walking Dead o How I Met Your Mother, YouTube agad ang takbo mo. Kung minsan nga mas nagagawa mo pa ang gusto mo sa YouTube kaysa sa telebisyon. Sa TV, kapag hindi mo napanood, sorry ka. May remote ka nga para makapili ng mga channel, pero hanggang doon na lang ‘yun. Samantalang sa YouTube, ikaw ang hari. Basta type mo lang lahat ng gusto mong panoorin. Dapat nga lang, may Internet ka pa rin.
Kung dati bumibili pa tayo ng CD ng mga paborito nating kanta, ngayon hindi na. Isang download mo lang sa Internet tulad sa iTunes o MP3 skull, mapapasa ‘yo na ang mga kantang nakae-LSS! Hindi mo na kailangang mag-abang na may magre-request sa radio ng paborito mong kanta para mapakinggan ito. Hindi mo na rin kailangang gumastos sa mga plaka. Pero, makapagda-download ka lang kung may Internet ka.
Tanungin mo ang sarili mo, ikaw ba ang nagpapatakbo ng Internet o ikaw ang pinatatakbo ng Internet?
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo