NAIMBITAHAN KAMI sa ginanap na ASEAN Puppetry Exhibit noong March 21 sa Resorts World Manila. Ito ay isang exchange program sa kahusayan sa puppetry ng Philippines, Indonesia, Vietnam, at Singapore. Kasabay ng exhibit ay ang seminar sa puppetry na ginanap sa Tanghalang Manuel Conde sa CCP noong March 19-21, 2015. Sa Resorts World Manila ko nakita si Jun Urbano, ang batikang komedyante na kilala sa tawag na ‘Mr. Shooli’ ng political TV spoof na Mongolian Barbecue. Ang aming pagkikita ay dahilan sa personal na imbitasyon ng sikat na ventriloquist na si Wanlu na siyang nag-facilitate ng nasabing proyekto rito sa Pilipinas.
Narito ang aking panayam.
Sir, tagahanga po ninyo ako, eh. Lagi ko kayong pinanonood sa Mongolian Barbeque. Parang may pagka-politics ‘yung theme n’yo noon po, ‘noh?
“Ah kaya ako nag-Mongolian Barbeque dahil gusto ko lang punahin ‘yung mga masasamang nangyayari sa lipunan natin at sa pelikula. Pero ayokong punahin ng galit o nagle-lecture ka. Kailangan kong punahin ito na parang comedy. Ah, na tumatawa ka, pero alam mo kung ano ang ibig sabihin.”
Ayon kay Mr. Shooli, naging effective sa loob ng 13 years ang programa at hanggang ngayon ay naaalala ng mga tao. Ito ay ayon sa kanilang istilo na daanin sa tawa ang mga itinuturo nito sa pamamagitan ng pagpapatawa. Hanggang ngayon, mapapanood ito sa cable TV ng GNN. Gayundin naman ay nagnanais niyang subukan ang temang ito sa ibang network.
Naging kaklase niya ang isang Intsik noong college na hindi diretsong mag-Tagalog. Ito ay kanyang ginagaya at napansing natatawa ang mga kaklase niya. Dagdag pa niya, ginawa niya itong ‘tool’ para sa isang show. Ginawa na lamang niyang Mongolian ang kanyang suot para hindi magalit sa kanya ang mga Intsik.
Si Jun Urbano ang panganay na anak ng National Artist for Film and Broadcast na si Manuel Conde na siyang gumawa ng film na Genghis Khan.
Tanong ko, ‘ah, mismo? Ang tindi. Sir, kamay muna tayo! Ang galing. Sir, sana tuluy-tuloy ang paggawa ng programa ninyo.
“Ah, hindi ko rin alam kung ano ang interes ng mga magbabasa ng article mo? Hehehe!”
Nadale ako doon, hahaha! Napatawa ko rin sa wakas ang mahusay na papilosopong magpatawa ng dekada ’80 at ‘90.
“Sa totoong buhay, ako’y seryosong tao. Hindi ako nagpapatawa. Nagpapatawa lang ako kapag ako ay naka-costume na ng Mr. Shooli. I’m playing character noon.”
Nag-aral si Jun Urbano sa Ateneo at kumuha ng kursong Bachelor of Science in Journalism. Dagdag pa niya ay ni hindi siya tagahanga ng tatay niya. Mas humanga siya sa mga artista ng tatay niya katulad nina Nestor de Villa, Nida Blanca, atbp. Kapag may shooting ay kasama niya ang tatay niya. Ang hindi ninya alam ay natututo na pala siya rito. Inamin niyang siguro ito ay nasa dugo niya o genes.
Mga Masterpiece Ni Botong Francisco
AYON SA anak ni Jun Orbano, kaibigang matalik ng kanyang Lolo Conde (Manuel Conde) ang pinakakilalang pintor sa bansa na si Botong Francisco. Ito diumano ang gumagawa ng mga design ng damit na isusuot ng mga artista sa pelikula ni Manuel Conde. At tuwing matatapos ang drawing ay ibinibigay ito sa asawa ni Manuel Conde upang tahiin sapagkat isa itong mananahi. Sa dahilang napakaraming mga dibuho at estilo ang drawing bagama’t may pirma ni Botong, pinaglalaruan lamang ito ng mga anak ni Manuel Conde kabilang si Jun Urbano at ginagawa lamang itong mga papel na eroplano. Kung kaya’t wala man lamang silang naitabing mga mahahalagang dibuhong ito sapagkat wala naman silang ideya na magiging tanyag na pintor si Botong Francisco. Wala ring naitabing orihinal na film ng pelikulang Gengis Khan ang pamilya ni Manuel Conde. Kamakailan, natagpuan ito at ni-restore ng L’Immagine Ritrovata, isang kilalang laboratory sa Bologna, Italy.
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia