Intriga

‘DI IILAN ang nagtaas ng kilay sa pahayag ni Comelec Commissioner Grace Padaca na impeachment lang ang maaaring magpatalsik sa kanya sa posisyon.

Ito’y matapos siyang mag-plead ng “not guilty” sa graft charge sa kanya sa Sandiganbayan nung siya ay gobernador.

Sabi nila, ang pahayag ay pagpapamalas ng pagka-arogante ni Padaca. Binatikos din si P-Noy sa paghirang sa gobernador gayong ito’y may nakabinbing kaso. Kinantiyawan din ang pagbabayad ni P-Noy ng bail bond ni Padaca.

Ayon sa iba naman, double standard of justice ang ipinatupad ni P-Noy sa isyu ni Padaca. Bakit ‘di siya nahuli agad? At bakit siya nahirang kung may kaso siya? Ito ba ang matuwid na daan?

Si Padaca ay magiging liability sa posisyon. ‘Di siya abogado; isa siyang accountant.

Umiikot din ang intriga sa pagkahirang ni Rene Almendras bilang Cabinet Secretary. Si Almendras ay pinalitan ni Gov. Petilla bilang Energy Secretary. At ano ang intriga?

Maaari raw on the way out na si Exec. Sec. Paquito Ochoa o na-kick upstairs. Rason ay magiging duplikasyon na ang tungkulin ng dalawa. Ang paghirang diumano ni Almendras ay pagpapakita ng pagkainis ni P-Noy sa pag-usad ng maraming projects sa mesa ni Ochoa. Para bang gustong ipalabas na “do-nothing” si Ochoa. Abangan.

Pagkatapos ng 2013 eleksyon, siguradong may massive cabinet revamp. Panahon na upang magbalasa. Maraming non-performing assets na nakasisira sa imahe ng administrasyon.

Totoo ba na si Superstar Nora Aunor ay lilipat na sa Kapamilya Channel dahil no-pansin na siya sa TV 5? Mga teleserye niya ay nilalangaw. At ito ‘di dapat mangyari sapagkat sa lahat ng teleserye stars, walang makapapantay pa kay Nora. Ano kaya ang jinx ng TV 5? Maliban sa Wil Time Bigtime at Talentadong Pinoy, walang ibang programang nagki-click sa manonood. Napabalita rin na ang tinayong Media Center ng TV 5 sa Mandaluyong ay bumagal na ang construction. Nag-iisip-isip na kaya si MVP na mali ang investment niya sa istasyon? At si Nora Aunor, buong-puso pa kaya siyang tatanggapin sa Channel 2? Abangan.

SAMUT-SAMOT

 

HARINAWANG DUMATING ang panahong ‘di na tayo mag-export ng human resources sa ibang bansa. Mangyayari lang ito kung marami nang available jobs sa atin. Tayo lang yata ang bansa na ang biggest exports ay tao at ‘di produkto. Malaking social costs ito sa pamamagitan ng pagkakalayo ng pamilya at iba pa. Ito ang dapat asikasuhin. Job opportunities.

ARAW-ARAW HALOS nakababalita tayo ng OFWs sa Middle East na inaabuso, sinasaktan ng employer at ‘pag minsan, pinapaslang. Bilang isang Pinoy, ‘di ko maiwasan ang masaktan at magdamdam. Ganyan kahirap ang buhay sa bansa. Ang iba, napipilitang mag-drug mules at ‘pag nahuli, bitay. Dala lahat ng kahirapan.

AMAZING MAGIC ang computer technology mula sa katatapos na U.S. election. Sa loob ng 12 oras, alam na ang resulta – at clear winner. Significant number of electoral votes ang lamang ni Obama at ito’y projected ng poll surveys. Kung sa atin, maaaring 3 o 5 araw pa ang conclusive results. Subalit umasenso na tayo sa paggamit ng Smartmatic. Sa susunod na Mayo, tayo naman ang sasabak sa isang local election. Sa pagdating ng Smartmatic, nabawasan na ang dayaan at bumilis ang resulta.

MAGINOO SA pagkatao si Republican candidate Mitt Romney. Kinapos siya subalit nagbigay ng magandang laban. Ganyan sa Amerika. Basta sa national interest, lahat ay nagkakaisa. Very mature na ang kanilang demokrasya. ‘Di bale. Bata pa naman tayong Republika. Darating din tayo riyan.

MALAKING SELEBRASYON sigurado ang ginawa ng Fil-Am millionaire Loida Nicolas Lewis sa pagkapanalo ni Obama. Siya ang handler ng Fil-Am community for Democrats. Napanood ko sa ANC ang series of debates niya laban sa Republicans. ‘Di masyadong articulate subalit convincing ang mga argumento niya. Democrats o Republicans, mananatili tayong kaibigan ng Amerika. Ngunit tandaan natin, ang Amerika ay sumusunod lang sa dikta ng kanilang national interest.

MATAGAL NA akong nawalan ng ganang magbiyahe sa Amerika. Pare-pareho ang nakikita. Kung ako’y muling maglalakbay, balak ko sa Japan at Europe lalo na sa Switzerland o Austria. Kakaiba ang kanilang tanawin at kultura. Magpunta ka lang sa Global City, para ka nang nakarating sa Amerika.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleAnak, Ipinagbibili!
Next articleIsang Mapagsamantala at Isang Balasubas

No posts to display