Invitation From A Lady

NAPAKATAGAL NANG pinaaabot sa akin ang kanyang paanyaya. Ngunit sa ingay at bilis ng takbo ng mundo at buhay, ‘di ko masyadong narinig. Maraming bagay ang nagpapaalala sa akin ng kanyang paanyaya. Subalit gumon ako sa kinang ng mundo, sa uhaw ng laman.

Sa mga gumagalaw na anino ng mga dahon sa aking veranda ‘pag gabing mahangin at umuulan. Sa kislap ng bahaghari bago magdapit-hapon. Sa haplos sa aking ulo ng aking apo at tinig ng isang nanlilimahid na batang paslit sa kalye.

Halos walong oras ang tinakbo ng aking old Volks, ang well-cemented highways , baku-bakong daan at zigzag roads patungo sa Piat, Tuguegarao. Habang naglalakbay, malakas ang pintig ng aking puso at bayo ng pulso. Parang tumutugon ako sa isang matagal na tawag. Matagal nang inaasam-asam. Sa buong buhay ko, may hinahanap ako na ‘di ko alam. Humahanap ng gamot sa bagabag at takot na ‘di ko rin alam.

Isang pinaghalong malamig at mainit na alas-6 ng umaga ako dumating. Bumungad sa gitna ng plaza ay isang wari ko’y mahigit isang siglong taong simbahan, itim at berde na sa lumot ng panahon. Sa paligid ay may lima o apat na kiosk, nagbebenta ng native na kakanin at kandila. Isang grupo ng mag-aaral ang naglalakad habang sa itaas ng mga punong akasya ay nagsisibulan ang mga maya at kuliglig.

Amoy ng kandila ang sumalubong sa akin sa loob ng simbahan. Ilang mangingisda, sampung matatandang babae at tatlong magsasaka ang taimtim na nagdarasal. Sa itaas ng kisame, isang malaking chandelier ang kumikinang habang nagliliparan sa paligid nito ang ilang ibong maya. Kalagitnaan na ng misa. Isang batang-batang pari ang tinataas ang chalice para sa consecration. Nagbara ang aking dibdib. Butil ng luha ay unti-unting dumaloy sa aking mga mata.

Minasdan ko mga devotees — simpleng nilikha, mukha at katawan, sunog ng araw — ngunit sa kanilang taimtim na pananampalataya kumikislap ang isang kaligayahan at katahimikan ng kaluluwa.  Minasdan ko ang 10 feet statue ng Our Lady of Piat, balot ng puti at asul na kapa, parang bituin na nangingislap ang kanyang korona. Tila nakangiti, natutuwa.

Sa unang pagkakataon – pagkatapos ng mahabang panahon – may taimtim na dalanging namutawi sa aking labi. Biglang naglaho ang ‘di maipaliwanag na takot at pangangamba. At sa unang pagkakataon sa aking buhay, napuno ang aking puso at kaluluwa ng banal na katahimikan.

Natugunan ko ang matagal nang paanyaya ng Our Lady of Piat. ‘Di na ko maghahanap. Matatakot. Ma-ngangamba.

SAMUT-SAMOT

 

SA ULAT ng COA, nu’ng nakaraang taon, umabot kulang-kulang sa P2-B ang ginastos ng dating Pangulong GMA sa huling taon ng kanyang panunungkulan. Pinakamalaking bahagi ng halaga ay ginugol sa biyahe sa ibang bansa. Sa mahigit P940-M ginastos sa biyahe, P594-M ‘di na mali-liquidate. Ayon sa COA, walang record ang Malacañang sa mga detalye ng mga biyahe pati kung sino ang mga kasama niya. Iimbestigahan ito ng Senado.

NADINIG NAMIN na si dating Manila Congressman Benny Abante ay nagbabalak tumakbo bilang senador sa 2013. Medyo uphill ang laban subalit kung siya ay matiyaga at masipag, maaaring may tsansa. Ang problema ay name recall.  Wala pa siya nito. Ngayon pa lang, dapat umikot na siya sa buong bansa at ilako ang kanyang advocacy para sa kapakanan ng senior citizens. May panukala rin siyang alisin ang EVAT dahil ito’y sobrang pabigat sa taxpayers. Mahusay ang

naging record ni Abante. Tsampyon siya ng mga exploited OFWs at kasambahay. Nararapat siyang ilagay sa Senado. We wish him luck.

ARAW-ARAW, MAY reports ng road accidents sa buong bansa. Kamakailan, 26 ang namatay at 50 ang nasugatan sa banggaan ng bus at kotse sa Baguio. Sa Pangasinan, isang runaway truck ang bumangga sa isang palengke na ikinamatay ng 10 tao at ikinasugat ng 15 pa. Ang dahilan ng mga banggaan, kalimitan ay defective brakes. Ang pagkukundisyon sa mga public transports ay dapat tuunan ng pansin ng mga operator at LTFRB.

HOY, DILG Sec Jesse Robredo, magtrabaho ka naman! ‘Di ka na nariringgan nitong mga nakaraang araw at linggo. Samantalang ang daming problemang nangyayari na sakop ng responsibilidad mo. Pagtuunan mo ng pansin ang moralidad ng kapulisan. Daming nasasangkot sa away at korapsyon despite the press releases of PNP Chief Nick Bartolome. Subalit tama ang warning mo sa mga absentee mayor. May alam akong mayor na buong buwan ay nasa Maynila. Bihirang umuwi at remote control ang ginagawang pamamalakad.  Parusahan sila for gross negligence of duties.

SALUDO KAMI kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Bilis-bilis ngayon ang andar ng mga kaso. Magagawa pala naman ito. Bakit ‘di nagawa ng former Ombusdman? Subalit maraming nagtatanong kung ano na ang nangyari sa Joc-Joc Bolante case. This is a big scam na maaaring sangkot ang dating Pangulong GMA. Kayo naman sa BIR, bilisan ang kaso ng tax evasion case ni Mikey Arroyo at kanyang maybahay. ‘Wag patulugin. Aksyunan agad.

PAGKATAPOS NG repatriation ng ating OFWs sa Syria, ano na ang magiging kapalaran nila pagbalik sa ating bansa? May maayos bang programa ang ating gobyer-no sa kanila habang sila’y nag-aabang ng panibagong deployment sa ibang bansa? Dapat ay may maayos na plano ang DOLE at OWWA para sa kanilang kapakanan.

SALBAHE ANG isang major TV network. Sa kasagsagan ng impeachment trial kamakailan, pino-focus ang camera sa tila natutulog at humihikab na dalawang senador. Mukhang ang mga ito, asar na asar na sa ‘di nila maintindihang proceedings. Ay naku, paulit-ulit kong sinasabi, dapat matuto na tayo. Sa isang taon, ihalal ang experienced at brilliant senators na ‘di nag-aaksaya ng taxpayers’ money.

NU’NG DEKADA ‘80, ang pagtaas ng gasolina kahit isang pera ay pinagsisimulan ng violent demonstration at init ng ulo, ‘di lamang ng mga tsuper, kundi maging ng karaniwang mamamayan. Ngayon, linggo-linggo halos tumataas ang presyo ng langis. Ngunit wala tayong marinig na malakas na reklamo maliban sa reklamo ng ilang jeeepney transport groups. Wala na bang magawa ang pamahalaan sa suliraning ito?

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePO1 Bokingkito ng Cavite at Sampulan si Panganiban
Next articleWalang Record ng Kasal

No posts to display