MAY MGA kakilala akong nagtatanong bakit tahimik daw ngayon si Vice President Jejomar Binay tungkol sa isyu ng Scarborough Shoal. Noong kasagsagan daw kasi ng isyu tungkol sa mga kababayan nating drug mule na bibitayin sa China, maingay si Binay at pumunta pa ito ng Beijing para magmakaawa sa mga opisyales doon upang huwag nang ituloy ang pagbitay.
Bakit daw hindi rin gawin ito ni Binay sa kaso ng Scarborough Shoal at subukan niyang arborin ito sa Beijing? Ngunit kapag ginawa niya ito, maaasa-hang hindi pagbibigyan ang kanyang kahilingan at mapapahiya lang tulad sa kaso ng mga drug mule.
Pero at least dito sa kaso raw ng Scarborough Shoal, lilitaw raw siyang makabayan sa halip na makadroga. Ayan Mr. Binay, sabak na po. Malay n’yo baka lalong mas tataas pa ang iyong popularity ratings kapag ginawa ninyo nga ito. Hindi ako nang-uuto, Sir, ha? Alam ko namang sobra ang pagseseryoso ninyo sa inyong popularity ratings.
KAMAKAILAN, SA isang press release, sinabi ng Comelec na inaasahan nilang maraming bagong party-list group ang lalahok sa darating na eleksyon. Kapag nagkatotoo ito, may mga tao sa Comelec na kikita na naman ng limpak-limpak na salapi. At may mga marginalized sector ang magagamit at mauuto na naman.
Bagama’t marami sa mga party-list group na nabigyan ng representante sa Kongreso ngayon ang nagagampanan ang kanilang naipangakong adhikain sa kanilang constituents, may ilan sa kanila ay matatawag na “hao shiao” dahil ang pansariling interes lamang ng mga taong nasa likod nito ang napagsisilbihan.
Ang madalas na namo-modus ng ilang party list group sa kanilang pang-uuto ay ang mga pobreng security guards. Ipinangalandakan ng mga party list na ito na sila ay grupo ng mga sekyu samantalang ang kanilang mga nominee ay saksakan ng yaman at ni minsan ay hindi man lang nakatikim na maging sekyu.
At kapag naluklok na sila sa puwesto, nagiging mas lalong kawawa ang mga sekyu. Bakit ‘ika n’yo? Ang mga malalaking campaign contributors kasi ng mga grupong ito ay mismong mga may-ari ng mga security agency na matagal nang nang-aapi sa mga sekyu.
MAYROON PA akong alam na isang saksakan ng yaman na Chinese businessman na nagbuo ng party list group noong nakaraang eleksyon para raw sa kapakanan ng kanyang samahan. Sa tunog pa lang ng pangalan ng kanyang samahan halata na agad na hindi sila marginalized.
Pero tulad ng inaasahan, dahil nagpamudmod ng salapi, nanalo ang kanyang grupo at siya ngayon ay isang kongresista na. Lubos na napakasuwerte naman ng taong ito. Ayon pa sa kanyang mga kaprobinsiya na kapwa rin niyang mga negosyante, lubog sa utang ang taong ito at halos bangkarote na gawa ng biglang paglakas ng dolyar kontra sa piso maraming taon na ang nakakaraan.
Ngunit laking gulat nila nang biglaan na lamang itong nakabangon – halos overnight – at labis na dumami ang kayamanan. Malakas ang ugong-ugong sa kanyang lugar na na-kinabang siya umano sa isang malaking shipment ng cocaine at shabu noon.
Sa darating na eleksyon tiyak na maraming mga hao shiao na namang grupo ang mabibigyan ng party-list accreditation ng Comelec. Huwag kayong magugulat kapag mayroong nakalusot na party list group na ang pamagat ng kanilang grupo halimbawa ay “Samahan ng mga Aping Durugista (SAD)”.
Walang imposible sa Comelec kapag kumilos na ang mga fixer dito lalo pa kapag if the price is right.
Shooting Range
Raffy Tulfo