HALOS MAGTATATLONG taon na nang pumanaw ang nasa likod ng tagumpay ng Apple, si Steve Jobs. Kayraming nalungkot sa pagpanaw niya noong ika-5 ng Oktubre taong 2011. Sa edad kasi na 52, siya ay namatay matapos ang pakikipaglaban niya sa sakit na cancer. Simula nang siya ay pumanaw, kitang-kita ang mabilis na pag-angat ng Samsung, ang numero uno na katunggali ng Apple.
Sa pagkamatay ng utak ng Apple, naapektuhan talaga nang husto ang Apple. Marami na rin namang nailabas na bagong produkto ang Apple kahit wala na si Steve Jobs. Halimbawa na lamang ng iPhone 5c, iPhone 5s at iPad Air. Ngunit, maraming bumatikos sa mga produkto na ito kasi para bang hindi na raw napag-isipan nang husto. Sa iPhone 5c, ang tanging pinagkaiba lang naman daw nito mula sa mga naunang version ng iPhone ay makukulay ito at in sa mga bagets, ‘yun lang. Sa iPhone 5s naman, ito ay mas payat, mas magaan at pahaba ang itsura nito. May kulay ginto rin at may retina display ito. Para bang paghawak mo ito, lakas maka-mukhang mayaman. Ngunit, masyado yatang mababaw na ‘improvements’ ito. Sa iPad Air naman, ang tanging laban nito ay ang pagiging magaan sa timbang na 1 pound. Kaya hindi maiiwasan na agad-agad itong maikumpara sa kanilang katunggali na Samsung na nag-release ng Samsung Note 3 at Samsung S4 na talaga namang may baong maraming hi-tech features.
Anyare sa Apple? Makababawi pa nga ba ito ngayon na may bali-balita nang ilalabas na nila ang iPhone 6 ngayong taon?
Malamang sa malamang kung kayo ay Apple baby, pinagtitiyagaan n’yo na ang inyong mga lumang iPhones. Tinitiis n’yo rin ang temptasyon na bumigay at bilhin ang iPhone 5c o kaya iPhone 5s dahil hinihintay n’yo ang pagdating ng iPhone 6. Bulung-bulungan na enggrande ito at ito ang tataob sa Samsung S5. Totoo kaya ito?
Ang isang YouTuber na si Tom Rich ang nagbigay ng pinakabagong review ng iPhone 6 noong June 30 ngayong taon. Ayon sa kanya, magiging mas malaki nang kaunti ang iPhone 6 kumpara sa iPhone 5s. Ang sukat ng iPhone 6 ay 4.7 inches, mas maliit lang nang kaunti sa Samsung Galaxy S5. Sabi pa sa review na ang iPhone 6 ay may round off edges at may glass front panels. May tatlong kulay rin ang nasabing phone. Available ito sa kulay na gold, black at grey.
Pagdating naman sa camera quality, may sabi-sabi na kaparehas lang din ito ng iPhone 5s. Ngunit, may naglalabas din ng reviews na nagsasabi na magtataas ng megapixels ang iPhone 6. Ito ay magiging 10 megapixels na raw. May haka-haka rin na magiging ‘ultrapixel’ na ang camera quality ng iPhone 6. Ang ibig sabihin lang nito ay mapagaganda pa ng iPhone 6 ang quality ng inyong mga larawan kahit nakunan ito sa madilim na lugar.
Kahit na marami nang naglalabasan na mga reviews ng iPhone 6, wala pa ring opisyal na review na galing mismo sa Apple. Kaya magpasa-hanggang ngayon, palaisipan pa rin ang iPhone 6.
Mga Apple Babies diyan, hintay-hintay lang baka iPhone 6 na nga ang pinakamalaking pasabog ng Apple ngayong taon.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo