NAGKITA NA rin sa wakas ang Kapamilya comedian na si Jobert Austria (a.k.a. Kuya Jobert) at ang biological mother niyang si Armanda Villanueva. Naging emosyonal ang kanilang pagtatagpo noong May 7, 2021 dahil hindi pa pala sila nagkikita sa loob ng halos 50 taon.
Mapapanood ang paghaharap ng dalawa sa Youtube channel ng komedyante na Kuya Jobert TV na in-upload niya nitong Sunday, May 9, na tumaon pa sa mismong Mother’s Day.
“Itong araw na ito ang pinakaimportante sa akin dahil kikitain ko ang nanay ko — ang totoong nanay ni Kuya Jobert. Ilang taon kaming hindi nagkita ng nanay ko,” simula ni Jobert sa kanyang vlog.
Patuloy niya, “Nagpapasalamat ako sa Diyos kasi nabigyan ako ng pagkakataon na makita ang nanay ko, ang totoong nanay ko. Mayakap, mahalikan, matanong yung mga bagay na gusto kong tanungin mula nung bata pa ako hanggang ngayon na tumanda na ako.”
“Dito ko alam kung anong mararamdaman ko. Medyo kinakabahan ako. Medyo masaya ako. Medyo may tampo pa rin ako, di ba, kasi marami akong tanong. Pero nagpapasalamat ako sa Diyos kasi ito na yung araw nahinihiling ko. Pinagkaloob na Niya sa akin,” tuluy-tuloy pa niyang pahayag.
Inamin din ni Jobert na masama ang loob niya sa ina dahil ipinaampon siya nito nung sanggol pa siya.
“Isipin mo, 50 years old na ako. Ilang taon din akong nagtampo doon, eh. Hindi n’yo pala malalampasan yung nakaraan n’yo. Hindi kayo makaka-move on hangga’t hindi n’yo naaayos yung relationship n’yo kahit kanino lalo na yung mabibigat sa buhay n’yo. Maaapektuhan talaga yung future n’yo,” sabi pa ni Jobert.
Ayon pa Banana Sundae star, nakatanggap siya ng mensahe sa Facebook mula sa isang Jeremy Minorca at sinabing hinahanap siya ng inang nakatira sa San Jose Del Monte sa Bulacan. Hindi rin daw maitatanggi na nanay niya talaga ang kanyang nakaharap dahil kahawig niya talaga ang matanda.
Aniya, “Kamukha ko din, eh. Lagyan mo lang ako ng wig na kulot tsaka salamin, nanay ko na ako.”
Excited namang ibinahagi ni Nanay Amanda ang excitement sa pagkikita nila ni Jobert.
“Ang tagal ko siyang hindi nakita. Biruin mo, 50 years siguro. Tagal na kasi bagong panganak pa lang yon binigay na siya ng nanay ko don sa nag-ampon,” sabi pa niya.
Nang magkita ang dalawa ay kaagad na niyakap si Jobert ng ina hanggang magkaiyakan sila. Nagpaliwanag din ang matanda na dahil sa matinding kahirapan sa buhay kaya niya ipinaampon si Jobert. Tiniis din daw niya nang matagal na panahon ang pangungulila sa nawalay na anak.
Sa kabilang banda ay pinasalamatan pa rin ni Jobert ang ina sa naging desisyon nito noon na ipaampon siya.
Ani Jobert, “Salamat Nay, kasi kung hindi nangyari ‘to hindi ako naging artista. Basta mag-iingat ka lagi. Dadalaw ako doon kapag nakaluwag-luwag na bago ako pumunta ng Canada.
“Ang importante, nagkita tayo. Hindi aksidente ‘to, nagkita tayo. Para kung saan man tayo mapunta, nagkita tayo. Nagkapatawaran tayo.”
“Pinapatawad na kita kahit na hindi kita niyakap nung mga panahong mag-isa lang ako. Ang hirap-hirap kaya nu’ng bata pa ako. Minsan umiiyak ako, hindi ko alam. Iba yung pakiramdam ng totoong nanay, di ba?” humihikbing pahayag ng komedyante.
Hangad din ni Jobert na sana ay humaba pa ang buhay ng kanyang ina.
“Sana humaba pa ang buhay mo. Sana makilala mo ang Diyos. At sana maging malakas ka pa. Sana malaman mo na pinatawad na kita doon sa mga dating nangyari sa atin nung ako ay binigay mo. Ngayon, okey na. Eto na ako. Napagdaanan na natin lahat ng kailangan nating pagdaanan.
“Mag-aasawa na ako. Nagpapasalamat ako dahil bago ako pumunta sa Canada ay nagkita tayo. Bayaan mo. Kapag nandu’n na ako, palagi kitang kakamustahin,” pangako niya kay Nanay Amanda.