GUMISING KAMI KAHAPON nang umaga na punumpuno ng mensahe sa text ang aming inbox. Nakakatawa, pero totoo, kahit isang personal na pangungumusta ay wala kaming nabasa sa dinami-dami ng text messages na tinanggap namin.
Wala man lang nagtanong kung kumain na ba kami, kung kumusta na ba ang takbo ng aming buhay, puro patungkol kay Willie Revillame ang laman ng aming cellphone.
Ang tanong, “Magso-show ba si Willie today? Darating ba siya sa Wowowee? Babalik pa ba siya? Kailan ba namin uli siya mapapanood, miss na miss na namin siya.”
Hindi namin kayang sagutin ang tanong sa pamamagitan lang ng personal naming kaalaman, kailangan naming humingi ng saklolo sa mga taong nakakaalam ng mga galaw ngayon ng aktor-TV host, hindi naman nagdamot ang aming mapagkatiwalaang source.
“Hindi siya darating today, indefinite leave ang pagkakaalam ko. Walang nakaaalam kung kailan siya uli babalik sa Wowowee, naka-hang ang lahat ngayon tungkol sa pagre-report niya,” malinaw na pahayag ng aming kausap.
‘Yun ang isinagot namin sa mga nagtatanong, hindi darating si Willie sa Wowowee, kung kailan siya uli mapapanood sa noontime show ay walang nakakaalam.
Mula sa sagot na ‘yun ay mas marami at mas mahahabang mensahe ang tinanggap namin, naglalabas na ng saloobin ang mga ka-text namin, ganito ang takbo ng kanilang mga mensahe.
Sabi ng isa, “Ano ba naman ‘yan? Kung meron mang mga nagagalit sa ginawa ni Willie dahil sa pagpapatanggal ng footage sa funeral rites ni President Cory, bakit naman pati kaming mga regular viewers ng show, e, kailangang madamay?
“Kung anuman ang move ng station, dapat, alam din ng mga televiewers nila kung ano ‘yun! Kailangang alam din namin kung babalik pa ba si Willie o magpapalit na kami ng panonoorin tuwing tanghali,” saloobin ng isa naming ka-text.
Ang isa naman ka-text namin ay ganito ang naging opinyon, “Kung maagang nagpalabas ng official statement ang ABS-CBN about the issue, hindi na sana lumala pa nang husto ang nangyaring ‘yun.
“Kaso, pinabayaan nilang lumaki nang lumaki ang problema, pinabayaan nilang birahin si Willie sa Internet, hindi man lang nila naisip na mas kailangan sila ngayon ni Willie dahil sila lang ang makapaglilinaw tungkol sa totoong nangyari!” emosyon naman ng isa pa.
KUNG ILALABAS NAMIN ang lahat ng mga mensaheng pabor kay Willie ay kakapusin ang espasyong ito. Kung may mga hindi nakaiintindi sa kanyang ginawa ay balanse naman ang sitwasyon, marami ring nakauunawa sa kanyang punto.
Pero totoo ang opinyon ng marami naming nakakausap, kung ‘yun ba naman ay kusang-loob na lang na ihinandog ng ABS-CBN ang limang araw ng kawalan nila ng kikitain sa kabuuang coverage ng pagyao-burol-libing ng dating Pangulong Cory, di sana’y walang ganitong kontrobersiya.
Ano nga ba naman ang limang araw ng kawalan ng revenue mula sa mga programang masasagasaan ng coverage kumpara sa habambuhay naman nilang pagsahimpapawid na ang naging dahilan naman ay si Tita Cory?
Ngayon ay nalalagay sa alanganin ang Wowowee, inuupakan at hinuhusgahan ang kanilang host, anong hakbang ang gagawin nila para isalba ang host na pinupupog ng negatibong komento ngayon?
Babalik pa ba si Willie sa Wowowee, sinuspinde ba nila ang host, ano ba ang totoong nagaganap ngayon?
Kung ayaw ipagtanggol si Willie ng kanyang network, kahit man lang sana tungkol sa totoong nagaganap ngayon sa programa ay ipaalam naman nila sa publiko.
Tutal naman, publiko ang nagluklok sa Wowowee sa ituktok ng tatsulok at publiko rin ang dahilan kung bakit nandiyan ang ABS-CBN. Huwag na sana nilang ipagkait ang katotohanan.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin