MAKAILANG ULIT ko na rin isinulat ang mga isyu sa K-12 ng Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ni Secretary Armin Luistro. Hindi nga lang nagiging maingay ang kapalpakang ito ng DepEd dahil mas maingay kasi ang madugong bakbakan sa Mamasapano at mga isyu ng korapsyon na ibinabato kay VP Jejomar Binay. Halos wala ring tigil ang iba pang mga kontrobersiya, problema, at pati ang paglagpak ng grado ng Pangulo. Sa huli, hindi tuloy marinig ang mga tinig ng mga guro sa kolehiyo na pinagkaitan ng hutisya dahil sa K-12 na ‘yan.
Pati ang Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema sa pagpapatupad ng K-12 ay hindi rin naging matunog, ngunit sa kabila ng TRO na ito ay tuluyan na ring pinagtatanggal ang maraming guro sa kolehiyo sa iba’t ibang pamantasan sa Kamaynilaan. Pinag-aaralan man ng Korte Suprema ang constitutionality ng K-12 ay marami nang mga guro sa kolehiyo ang nawalan ng trabaho.
Sino pa ba ang dapat sisihin dito kundi ang kasalukuyang kalihim ng DepEd na promotor ng K-12. Inisip ba niya ang epekto ng K-12 sa kolehiyo? Inisip ba niya na ang pinaniwalaan niyang magpapaganda ng sistema ng edukasyon sa elementarya at sekondarya ay magtatanggal sa trabaho sa maraming guro sa kolehiyo? Gaano ba siya kasigurado sa tagumpay ng K-12 at isinugal niya ang buhay ng mga gurong ito?
ANG MIRIAM College halimbawa at halos lahat ng mga pribadong paaralan sa kolehiyo ay nagpatupad na ng pagbabawas sa kanilang mga college faculty. Pati ang mga permanenteng faculty members ay pinagre-resign o pinagreretiro nang maaga. Masasama ang loob ng mga gurong ito dahil natapos nang maaga ang kanilang ng karera sa buhay. Ngayon ay patuloy at parami nang parami ang libu-libong mga guro sa kolehiyo ang nawalan ng trabaho dahil sa K-12. Dito nga nakabase sa pagkaka-displaced ng mga guro sa kolehiyo ang TRO na ipinalabas ng Korte Suprema.
Wala naman din kasing puwedeng gawin ang mga private schools na ito dahil wala na ring ituturong mga subject ang mga faculty na naghahawak ng General Education subjects kung tawagin. Ang mga General Education subjects o “G.E.” subjects ay ibinaba sa elementary at high school. Kaya nagkaroon ng grade 11 at 12 sa high school ay dahil lumalabas na ito na ang ipinalit sa first at second years ng mga college students. Sa mga una at pangalawang taon kasi sa kolehiyo kinukuha ng mga college students ang G.E. courses.
Hindi rin malinaw ang sinasabing solusyon ni Luistro na sa high school magtuturo ang mga na-displaced na college professors dahil sa maraming dahilan. Una ay magkaiba ang kultura sa kolehiyo kumpara sa high school. Pangalawa ay mukhang mahihirapan ang mga principal na utusan ang mga professors na may PhD at ‘di hamak na mas matalino sa mga principal. Pangatlo, maraming mga professors ang hindi gustong magturo sa high school dahil may kaakibat na research activities ang mga ito bilang pagpapaunlad nila sa kanilang mga sarili at napiling espesyalisasyon. Hindi nila magagawa ang mga research activities na ito sa high school dahil karaniwang 8 working hours a day ang trabaho rito.
LUMALABAS NA ipinusta ni Luistro at ng administrasyong Aquino ang trabaho ng mga college professors na na-displaced dahil sa K-12. Ang tanong ay magtatagumpay ba ang K-12? Ang pangunahing mithiin ng K-12 ay ang mabigyan ng trabaho ang mga estudyanteng magtatapos sa high school sa ilalim ng K-12. Sa K-12 ay lalabas na nasa 18 years old na ang mga magtatapos ng high school dahil sa dalawang taon ang naidagdag sa dating programa nito kung saan ay 15 at 16 ang edad ng mga nagsisipagtapos.
Kung magtatapos nga sila sa edad na 18 at may diploma na K-12 certified, makakakuha nga ba sila ng trabaho? Mukhang pangarap lamang at purely theoretical lang ang tagumpay ng K-12. Isipin natin na sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa Pilipinas, kahit marami ang nakapagtatapos sa kolehiyo taun-taon ay pataas pa rin ng pataas ang bilang ng mga college graduates na hindi nakakukuha ng trabaho. Ipinapalagay ba ng DepEd na kukunin ng mga kompanya ang mga K-12 graduates kaysa sa mga college graduates? Hindi yata makatotohanan ito.
Ang mga K-12 graduates ng DepEd ay mas mababa pa rin ang kuwalipikasyon kaysa sa mga kasalukuyang college garduates sa bansa. Kaya papaanong inaasahan ng pamahalaang Aquino na makakukuha ang mga K-12 graduates ng trabaho. Kung ang mga college graduates ay tumatambak lang sa listahan ng mga unemployed, tiyak na dadagdag pa ang mga K-12 graduates dito. Idagdag pa natin ang mga nawalang trabaho na college faculty, lumalabas na pinalobo lang ng DepEd ang problema sa unemployment dahil sa K-12 na ‘yan.
NGAYON NA tila hindi rin naman handa ang mga high school at DepEd sa K-12 dahil sa kakulangan pa rin sa classrooms at mga guro, nanganganib na ang papalit na administrasyon sa gobyerno ni Aquino ay sasakit ang ulo sa ginawa ni Luistro. Noon pa man ay talagang palpak na DepEd Secretary itong si Luistro. Ang malungkot sa lahat ay sa loob ng halos anim na taon ay wala namang pagbabago sa bulok na sistema ng edukasyon sa elementarya at high school sa Pilipinas.
Ang inyong lingkod ay napanonood at napakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa Aksyon TV Channel 41 at 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Napanonood din ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa bago nitong oras na 11:30 am-12:00 nn.
Abangan din ang inyong lingkod sa T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo