Dear Atty. Acosta,
NAIS KO lang po itanong kung kanino po ba mapupunta ang kotseng naipundar ko. Kasi po ay naghahabol ang dati kong live-in partner. Siya po ay matagal nang hiwalay sa kanyang asawa nang kami ay magkakilala. Wala po siyang trabaho at sa bahay lamang po siya palagi. Sa akin po lahat nanggagaling ang perang ginagastos namin sa pang araw-araw. Ano po ba ang karapatan niya sa kotse?
Gregorio
Dear Gregorio,
IPINAPALAGAY NG batas na ang ari-ariang naipundar sa panahon ng pagsasama ng dalawang tao bilang mag-asawa kahit hindi naman sila kasal ay pag-aari nilang dalawa. Subalit ang bahagi o parte sa ari-ariang ito ng isa’t isa ay nakabase o nakadepende sa isang kundisyon noong sila ay nagsasama pa. Ito ay kung sila ba ay maaaring magpakasal sa loob ng kanilang pagsasama nang walang legal na hadlang.
Ayon sa batas, kung walang legal na hadlang sa pagpapa-kasal ang dalawang taong magka-live-in, ang kanilang relasyon patungkol sa mga ari-ariang naipundar ninuman sa kanila ay itinuturing na pag-aaari nilang dalawa, kahit na walang naiambag o naibigay ang isa sa kanila para maipundar ito (Article 147 Family Code of the Philippines). Sa kabilang banda naman, kung mayroong legal na hadlang sa kanilang pagpapakasal habang sila ay nagsasama, itinuturing ng batas na eksklusibong pag-aari ng sinumang nagbigay ng halaga o gumugol sa pagbili o pagpundar ng ari-arian. Kung pareho nila itong naipundar, ang hatian ay nakadepende sa halaga ng naiambag nilang dalawa para mabili o mapundar ito (Article 148 Family Code of the Philippines).
Kaugnay nito, ang kotseng hinahabol ng dati mong ka-live in ay mapupunta sa iyo. Ito ay sapagkat ikaw lamang ang mag-isang nagtaguyod ng pambili o nagpundar nito. Isa pa, siya ay kasal na sa ibang lalaki kung kaya hindi kayo maaaring magpakasal noong kayo ay nagsasama pa, dahil dito ang kaparte ninuman sa inyo ay nakabase sa halaga ng inyong naibigay para mabili ang nasabing sasakyan.
Nawa ay naliwanagan ka sa opinyong ito.
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta