IKALAWANG ARAW NG taping ito ng isang programang magpa-pilot pa lang sa darating na July. Nauna raw duma-ting sa dressing room ng studio si Cherie Gil, agad sinubsob ang sarili sa pagkakabisado ng kanyang script.
‘Di nagtagal, pumapasok naman ang co-star ni Cherie na si Jean Garcia with her PA (personal alalay), make-up artist at ilan pang kasama. Tinatalakan daw ni Jean ang mga ito.
“Quiet,” mahinahong pakiusap daw ni Cherie na inaaral nga naman ang kanyang dayalog, pero hindi raw tumalima si Jean, sige pa rin ang pag-alingawngaw ng boses ng co-star.
Nakaapat o nakalimang “Quiet” daw si Cherie, pero ayaw pa rin daw paawat sa katatalak si Jean gayong puwede naman niyang sabihin kung bakit niya binubungangaan ang mga tauhan.
End of scene.
Ang sumunod na tagpo ay nang kunan na ang confrontation scene na pagsasamahan nina Cherie at Jean. Ang blocking: kakabigin ni Cherie ang braso ni Jean, no more, no less. Nag-ready for take na sa set, nagsimula nang gumiling ang kamera.
Eksakto naman daw ang pagkaka-execute sa naturang eksena. May palitan ng maaanghang na dayalog kina Cherie at Jean, sabay sa sobrang galit ay ki-nabig nga ni Cherie ang braso ni Jean as instructed. Pero hindi roon natapos ang eksena: sinampal ni Cherie si Jean, at tinotoo ‘yon!
Isang nagulat na Jean ang rumehistro sa kamera, pina-ngatawanan na rin niya ang eksenang ‘yon kahit wala naman ‘yon sa usapan. Hindi sumigaw ng “Cut!” si Jean upang ireklamo sa direktor ang tagpong ‘yon.
Sa halip ay ang staff ng programa ang pinagbalingan ni Jean, dito niya isinumbong ang inasal ni Cherie. “Wala namang ganu’nan, binigla naman niya ‘ko, eh! Naghihimutok na sabi raw ni Jean sa staff.
Habang tinitipa namin ang kolum na ito ay hindi pa nakukunan ang continuation ng paghaharap nina Cherie at Jean, pero sa takbo ng kuwento ay torno na ni Jean para rumesbak sa karakter ni Cherie. So, ano ang posibleng mangyari?
An eye for an eye, a tooth for a tooth… a slapping hand for a slapping hand? Humanda ka, Ms. Cherie Gil!
SA BAYAN NI Mayor Enrico Roque sa Pandi, Bulacan magaganap ang edisyon ngayon ng Face To Face, Miyerkules, na akmang pinamagatang Barako, Syota Ay Tatlo… Nang Magkaharapan, May Ibubu-king Na Totoo!
Isang rebelasyon ang pasasabugin ni Roland kung sino sa kanyang tatlong dyowa—Eloisa, Cheng at Joan—ang pipiliin niya. Pero ang ending, NOTA as in none of the above pala ang mahal ng damuho! Eh, NOTA pala naman talaga ang hanap ni Roland na umaming bading, kaya hayun, binato siya ng sapatos ng isa sa mga girlalung natanso niya!
Pero ito ang hindi kakayanin ng powers mo, Kuya Dan. Call-in ang boypren ni Roland na bumeso pa sa kanya… talbog!
Kabaklaan pa rin ang hatid ng episode bukas, Huwebes, ng Face To Face kung saan makikisawsawan sila sa kuwentong Misis Binuhusan Ng Hasang Si Mister Na Mas Malansa Pa Sa Isda Dahil Mapula Ang Hasang? Inirereklamo ni Aling Anecia ang asawang si Mang Orlando dahil sa pana-nakit nito bunga ng bisyong pag-inom at pagsasabong.
So, saan pumapasok ang “fish gills” angle dito based on the title, aber? Kaya naman pala raw binuhusan ng hasang ng isda ni Mang Orlando si Aling Anecia ay dahil natuklasan nitong nakikipaglaplapan ang dyowa niya sa kainumang kapwa lalaki! Panalo!
Pepperoni
by Ronnie Carrasco III