HINDI SA NAKIKIALAM kami sa buhay ni DJ Mo Twister, ha? Kahit pa wini-wish niya sa twitter na mamatay ang nanay namin, kahit walang kinalaman sa isyu naming dalawa ay positibo pa rin ang tanaw namin dito.
Palagay namin, merong isyu si Mo sa sarili niyang ina na hindi pa rin nare-resolve hanggang ngayon. Kasi, kung mahal niya ang nanay niya at mataas ang respeto niya rito? Siguro, itong nilalang na ito ay meron ding mataas na paggalang sa ibang nanay.
Kung iba siguro ang sinabihan niya ng wish niyang mamatay na sana ang ina, siguro, hindi siya sinanto at kahit saang lupalop siya magtungo ay hahanapin siya para bigyan ng leksiyon.
Kaso, hindi sa gusto naming sumuko sa laban namin sa kanya, dahil katuwiran namin, mas gusto namin siyang tulungan kesa lalong lumala ang “sakit” niyang kademonyohan sa ibang tao, lalo na sa mga inang wala namang kinalaman sa isyu.
Sinabi pa niya na, “’Wag idamay ang nanay? Sana, ‘wag niya idamay ‘yung anak ko. At least, ‘yung nanay, may kasalanan na konti, she gave birth to that troll.”
O, sige na nga, troll na kami kung troll. Si Ate Cristy (Fermin) nga, sinabihan niyang “pangit” at “shrek” nu’ng araw, eh. So, iintindihin na lang namin siya.
Pero idinamay ang anak? Para sinabi lang na-ming ‘wag siyang magpakalunod sa isang babae, dahil nandiyan lang ang anak niyang babae na naghihintay lang sa yakap niya at ‘yung anak niyang ito ang isang babaeng totoong nagmamahal sa kanya.
‘Yun ba ang ‘wag idamay ang anak?’ at susuklian kami ni Mo na sana’y mamatay na ang nanay ko?
Kung addict siguro ‘tong si Mo, p’wede pa nating intindihin, eh. At least, me pinanggagalingan siya. Droga. Nakasama. Kaya ayun, wala sa huwisyo ang pinagsasasabi.
Normal namang tao ito, ewan kumba’t lagi niyang pinupuntirya ang nanay ko noon pa. Hindi naman kami makaganti na gaganu’nin namin ang nanay niya, dahil una, hindi tama at hindi namin masikmurang bastusin ang nanay niyang hindi namin personal na kilala.
Pangalawa, ano’ng kinalaman ng nanay niya sa isyu naming dalawa?
KAYA ANG TANONG namin ngayon: Saan ba nanggagaling ang ganitong “angst” ni DJ Mo sa buhay niya?
Kung kilala lang namin ang nanay nito, baka pinuntahan na namin at tinanong: “Mommy, meron ba kayong sariling isyu ng anak mo na up to now, hindi pa po nare-resolve?
“Meron po bang pinagdaanan nu’ng childhood ang anak n’yo, kaya ganu’n ang ugali sa ibang tao? Battered child po ba ‘to nu’ng araw?”
Kung alam lang namin ang number ng mommy niya, ‘yun ang tutuklasin namin para lalo naming maipaintindi sa mga tao kumba’t gano’n ang ugali ni Mo sa nanay niya at sa nanay ko na rin.
Kasi, kahit siguro sa nanay ni Rhian Ramos, matatakot din itong balang-araw, ‘pag nagka-misunderstanding ito at si Mo, posible ring ganu’nin siya ng manugang niyang hilaw, ‘di ba?
Kaya, Mo, kahit ano pang sabihin mo tungkol sa nanay ko, hindi para masaktan kami. Kasi, doon lang napaghahalatang hindi mo mahal ang nanay mo at hindi mo rin siya nirerespeto.
SABI NGA NU’NG isang artistang common friend namin ni Mo, “Ganyan si Mo ever since. Sinabihan ko nga siya dati, ingat-ingat siya, eh. Kasi, pag me nakatapat siyang hindi gusto tabas ng dila niya, baka batukan na lang siya o sapakin.
“Saka ang weird pa diyan, ‘pag in love, in love talaga. ‘Yung sa kanila ni Rhian Ramos, sobrang na-depress siya nu’ng inisplitan siya. Nawirduhan pa nga ako nu’ng gumawa pa siya ng blog na nami-miss niya si Rhian, pero ibinubuko niya na nag-live-in sila nu’ng araw.
“Na sabi ko nga, parang hindi tama. Kasi, kung tunay na lalake ka, hindi mo gaganu’nin in public ang babae. ‘Andu’n pa din ang respeto.
“Saka nu’ng nag-split sila, sinolo niya. Ang weird nga, dahil imbes na puntahan niya mga friends niya, hindi ‘yun ang nangyari. Ayaw niya ng kausap. Ayaw niyang makarinig ng unsolicited advice.
“Dahil alam ni Mo na sasabunin lang siya ng mga friends niya, dahil meron siyang mga maling moves na hindi dapat ginagawa ng isang lalake ‘pag broken-hearted.”
Honestly, kung tatanungin n’yo kami ngayon, mas awa kesa galit ang nararamdaman namin dito kay Mo. Kasi, me pinagdadaanan talaga si Mo.
Sana, ‘yung parents niya, gabayan siya. O, puwede rin namang hindi nagkulang ang mga parents, kaso, matigas lang talaga ang bungo ni Mo at me sari-ling desisyon sa buhay.
Nagkabalikan sila ni Rhian Ramos. Hindi lang daw puwedeng ipagsabi uli, dahil gusto nilang maging pribado.
Hindi rin daw puwedeng ipagmalaki, dahil totoo nga ba ‘to? Ayaw ng parents at manager, dahil hindi nakakatulong sa career ng dalaga?
Sino ba naman kami para manghimasok sa lovelife nila, ‘di ba? Sila lang ang makakahanap ng happiness nila, hindi ang ibang tao, kaya we’re happy for both of them.
Kung hindi naniniwala si Mo na sincere kami sa aspeto ng buhay pag-ibig nila, eh, hindi ko na problema ‘yon.
Ang kaso nga lang, talk show host ka ng Juicy at Paparazzi. Celebrity ka rin in your own right, kaya subject to intriga at tsismis ka rin.
Kung TV host ka at masaya kang pinagpipistahan ang lovelife ng ibang artista, dapat, open ka rin ‘pag ikaw naman ang nasa hot seat.
Kung ‘yun ngang ibang hosts ng Juicy, nilalaglag mo, tapos ikaw, napipikon? Fair ba ‘yon?
Inglisero ka. Natatalinuhan ka sa sarili mo. Sana, alam mo ang kasabihang “if you can’t stand the heat, you get out of the kitchen.”
Oh My G!
by Ogie Diaz