NOONG MARCH 22, ipinarada ni Genaro Lope ang kanyang delivery van sa isang kanto sa Balut, Tondo habang ipinapa-recharge niya ang kanyang cellphone sa isang kalapit na sari-sari store. Makalipas ang ilang sandali, dumating ang isang mobile car lulan ang dalawang pulis – ang isa ay nakauniporme, samantalang ang isa naman ay nakasibilyan at nakilalang si PO1 Benedict Allan Prado.
Sinita ni Prado ang pagkakaparada ni Genaro ng kanyang van. Inutusan niya si Genaro na buksan ang likuran ng van. Nang makita ang mga lamang paninda, hiningan ni Prado si Genaro ng mga resibo para rito.
Pero hindi nakuntento si Prado sa mga nakita niyang resibo at lalo pa nang mangatuwiran si Genaro at tanungin siya kung bakit ito naninita. Hiningan din ni Prado si Genaro ng kung anu-anong klaseng mga dokumento para sa van. Kabilang sa mga dokumentong hiningi ni Prado ay ang mga papeles para sa transmission at engine ng van.
Siyempre, walang ganoong klaseng mga dokumento, kaya ito ang ginawang dahilan ni Prado para kaladkarin si Genaro patungong presinto habang nakaposas. Sa presinto, kinapkapan ni Prado si Genaro at kinalkal ang kanyang dalang bag.
Nang makita niya ang lamang P5,000 sa wallet ni Genaro na nakasilid sa loob ng bag, agad niyang ibinulsa ito. Pagkatapos noon, dinala ni Prado si Ge-naro sa Ospital ng Tondo para ipa-medical. Kasunod, pinakawalan na niya ito. Pero bago niya pinakawalan si Genaro, dinuru-duro muna niya ito, nilait-lait at binatuk-batukan pa.
Nakausap ng inyong SHOOTING RANGE ang amo ni Prado sa Station 1 na si Col. Marvin Marcos. Tinanong ko ang opisyal na ito kung bakit nakasibilyan si Prado habang naka-duty sakay ng mobile car.
Halatang kinakampihan ni Marcos ang kanyang tauhan. At kung bakit niya ito kinakampihan, siya na lamang ang tanging nakakaalam.
Sinabi ni Marcos na puwede raw sa isang pulis na naka-duty ang sumampa sa mobile car at rumonda’t mag-checkpoint na rin nang hindi nakauniporme – basta ito ay hindi raw nagmamaneho at pasahero lamang.
Ngunit nang tawagan ko si Col. Jose Dueñas, ang hepe sa tanggapan ng Isumbong Mo Kay Chief PNP, kinontra ni Col. Dueñas ang lahat ng mga sinabi ni Marcos. Dapat daw na nakauniporme – at all times, ang lahat ng mga pulis na naka-duty at nakasakay sa mga police marked vehicle. Kailangan din daw na nakasuot ng proper uniform ang lahat ng mga pulis na nagtse-checkpoint, dagdag pa ni Col. Dueñas.
Ang aking pakiwari, absent siguro si Marcos sa klase nang ituro sa PNPA ang police operation procedures.
SA KABILANG BANDA, si Col. Dueñas ay isa sa mga opisyal ng PNP na labis na iginagalang at hinaha-ngaan ng inyong SHOOTING RANGE. Siya ang nagiging panabla sa mga dagok na natatanggap ng PNP mula sa mga nagsusumbong na mamamayan sa WANTED SA RADYO (WSR) na inaabuso at inaapi ng kapulisan.
Dahil sa kanyang mga patas na pahayag at mabilis na aksyon sa mga problemang inilalapit ng WSR, nakakabawi ang PNP sa pananaw ng ating mga mamamayan.
Ang WSR ay napapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2:00-4:00 pm. Kasabay na napapanood ito sa Aksyon TV sa Channel 41. Sa Destiny Cable ito ay nasa Channel 7 at Channel 1 naman sa Cignal.
Shooting Range
Raffy Tulfo