PAANO BA kayo naapektuhan ng usap-usapan ngayon sa social media hinggil sa “isa pa raw hirit” para kay PNoy sa 2016 Elections? Ano ba ang unang pumasok sa isip ninyo nang marinig ang usapang ito sa social media? Maaari ba itong mangyari kahit isinasaad sa 1987 na Saligang Batas ng Pilipinas na isa lamang ang termino ng pangulo at pangalawang pangulo? Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang mas malalim na kahulugan ng “isa pang hirit” na panawagan sa social media ngayon ng mga sumusuporta kay PNoy.
Naaalala n’yo pa ba na sinabi ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hindi na siya tatakbo sa darating na eleksyong 2004 noon? Sinabi niya ito sa kanyang SONA noong papatapos na rin ang kanyang termino na minana kay dating Pangulong Joseph Estrada. Hindi na raw mahalaga ang pamumulitika at siya raw ay tututok na lamang sa ekonomiya ng bansa sabi ni Arroyo. Kaya naman wala na raw sa isip niya ang pagtakbo bilang pangulo o “humirit pa ng isa”.
Ngunit, pakalipas lang ng isang taon ay umugong ang usap-usapan na maraming tao ang nagnanais at humihimok kay Arroyo na tumakbo para pagkapangulo muli sa 2004 Presidential Elections, kung saan makakatapat niya ang popular na aktor na si Fernando Poe. Jr. Sa kabila ng kanyang sinabi na hindi na siya tatakbo sa eleksyon ay tumakbo siya muli sa pagkapangulo at tinalo ang aktor na si FPJ na kalaunan ay lumabas na dinaya ang pagkatalo ng aktor, dahil sa lumabas ang “Hello Garci Tape”.
MAAARI KAYANG mangyari ulit ang ganito sa kabila ng hindi na pinahihintulutan ng kasalukuyang Saligang Batas si PNoy na tumakbo muli sa pagkapangulo sa 2016? Paanong paraan ito mangyayari? Kung pagbubuuhin natin ang mga bagay-bagay na umiiral sa administrasyong Aquino ay makakikita tayo ng imaheng magpapabago sa sitwasyon, kung saan ang pangulo ay magkakaroon ng pagkakataong makatakbo sa 2016 Elections.
Simulan natin sa sigaw ng mga tagasuporta ni PNoy sa social media na diumano’y aabot sa 3 million ang nagsasabing gusto nila si PNoy na magkaroon pa ng isa pang termino. Totoo kaya ito? Maaari kasing isa lamang itong propaganda mula sa Palasyo para palutangin ang ideya na gusto ng nakararami na magkaroon pa ng “isang hirit” si PNoy. ‘Ika nga ay “the voice of the people is the voice of god” o sa salitang Latin ay “vox populi, vox dei”.
Maaaring gusto ng tao, pero sapat na ba ang kagustuhan ng tao para makatakbo si PNoy sa 2016, kung totoo man ito? Dito papasok ang pangalawang salik na magpapabago ng sitwasyon sa 2016. Ang tinutukoy ko ay ang ipinangakong pagsasabatas ng Bangsamoro State bago pa matapos ang termino ni PNoy. Para bang magkakaroon ng “default” ang pagtatapos ng termino ni PNoy sa 2016.
Para lang ‘yung nangyari kay dating Pangulong Ferdinand Marcos. Dahil sa pagkakalikha niya ng bagong Konstitusyon noong 1973, kung saan nagdisenyo siya ng isang “Modified Parliamentary form of Government”, nagkaroon ng default ang pagtatapos ng kanyang ikalawang termino sana noong 1973 din. Dahil dito ay hindi na bumaba sa puwesto si Marcos at nagtuluy-tuloy na ito hanggang 1986.
HINDI KO sinasabi na mag-aala-diktador si PNoy na katulad ni Marcos. Gaya ng matagal ko nang teorya sa likod ng Bangsamoro State, maaaring ang kapayapaan na inaasam-asam ng mga Pilipino sa Mindanao na bunga ng Bangsamoro ay isang panlabas na anyo lamang o ‘di kaya ay ang pagkakataon o “circumstance” ang magtutulak para baguhin ang Saligang Batas.
Ang simpleng lohika rito ay kung magiging estatdo ang Bangsamoro, hindi maaaring manatiling isang “Unitary government” ang Pilipinas gaya ngayon, kung saan ang kontrol at kapangyarihan sa buong bansa ay nakasentro pa rin sa gobyerno. Mapipilitan ang Kongreso ng Pilipinas na baguhin ang Konstitusyon at gawing isang “federal system” ang pamahalaan kung saan maaaring magkaroon ng hiwalay na estado ang Bangsamoro.
Mananatili tayong isang “democratic” na bansa ngunit, gaya ng sa U.S. ay magiging “Federal form” ang pamahalaan. Kasunod na nito ay maaaring pag-usapan ang dalawang termino sa pagiging pangulo ng bansa gaya rin ng sistema sa U.S. Maaari rin silang gumamit ng argumentong nagmamakaawa, na para sa kapayapaan sa Mindanao ang pagbabagong ito sa Kontitusyon at pamahalaan. Hindi si PNoy ang magdidikta ng pagbabago gaya ng ginawa ni Marcos, kundi ang pangangailangan sa pagsasabatas ng Bangsamoro ang magdidikta sa pagbabagong ito.
NGAYON AY may dalawang malinaw na posibleng salik ang pagkakaroon ng pagkakataon ni PNoy makalahok muli sa eleksyon. Una, ay ang “kagustuhan” umano ng mga tao na magkaroon pa si PNoy ng pangalawang termino. Pangalawa, ay ang “circumstance” o pagkakataong dala ng pagsasabatas ng Bangsamoro State. Ngunit, tila hindi pa rito nagtatapos ang mga dahilan na magbibigay kay PNoy ng “isa pang hirit”.
Ang tinutukoy kong huling dahilan ay ang pagsasama ng dalawang salik na ipinaliwanag ko kanina. Kung magpupursige ang panawagan sa pagkakaroon ni PNoy ng ikalawang termino at ipag-iisa ito sa pagsasabatas ng Bangasamoro State, madaling mananalo ang pagsasabatas ng Bangsamoro State sa pamamagitan ng isang referendum, kung saan ang pagbabago ng Konstitusyon ang magiging malaking hakbang para sa pagsasabatas ng Bangasamoro.
Babaguhin nito ang sitwasyon sa 2016 at ang lahat ng mga naghahandang tumakbo sa 2016 ay walang magagawa kundi labanan si PNoy sa eleksyon. Mahalaga ang pagbabalangkas ng Kongreso sa inihaing budget ng gobyerno para sa taong 2015 dahil maaaring dito kunin ng administrasyong Aquino ang pondong kakailanganin para sa eleksyon sa 2016.
Sinong kakandidato para sa pagkapangulo ang maaaring magpatuloy ng mga proyekto at pamamalakad ni PNoy, na walang bahid ng korapsyon, walang isyu sa pagnanakaw, hindi pa nakakasuhan o inirereklamo sa kasong korapsyon? Kung wala, ay baka ang sarili ni PNoy ang kanyang tinutukoy, na magpapatuloy ng kanyang gawain! Papayag ka ba sa posibleng isa pang hirit na ito?
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo