KUNG KAYO ay isang bilyonaryo, handa ninyo bang ilagay sa a-langanin ang kapakanan ng inyong dalawang pinakamamahal na anak para lang maisalba sa siguradong kapahamakan ang dalawang hindi kakilalang kababayan?
Ito ang kuwento ni Mr. Ernie Yu, Chairman at CEO ng PAGODA Philippines, Inc. – manufacturer ng Family Rubbing Alcohol, Pagoda Air Freshener, mga health and beauty products, toiletries atbp. Si Mr. Yu ay nagmamay-ari rin ng mga mall at isa rin siyang real estate developer.
Maraming taon na ang nakararaan, isinama ni Mr. Yu sa isang cruise ship tour ang kanyang buong pamilya. Sa isang stop-over destination sa isang bansa, sakay ng isang bus naglibot ang mag-anak na Yu kasama ang isang grupo ng mga kapwa turista.
Nang bumaba ng bus, sa paglilibot sa mga shopping center, nadukutan ang kanilang kasamang dalawang bagong kasal na kababayan. Bukod sa pera, kasama sa mga nadukot ay ang mga passport ng dalawa. Napansin ni Mr. Yu na mangiyak-ngiyak sa kunsumisyon ang mag-asawa dahil hindi na sila makababalik ng barko kapag wala ang kanilang mga passport.
Mabilis siyang nakapag-isip ng plano para matulungan ang mag-asawa. Agad namang sumang-ayon ang misis niyang si Esperanza sa plano.
Bumili sila ng dalawang pang-shopping na duffle bag. Dito nila tig-iisang isinilid ang kanilang anak na sina Vohn at Dohn na parehong wala pang sampung taong gulang. Pagsakay ng bus pabalik ng barko, ipinahiram ni Mr. Yu ang passport ng kanilang dalawang anak sa mag-asawa.
Nang mga panahong iyon, para maging mabilisan ang pagproseso at pagsampa sa bus, hindi na iniinspeksyon ang mga pagkakakilanlan sa mga passport. Itinutugma na lamang ang bilang ng mga passport sa bilang ng mga sasampa sa bus.
Sa madaling salita, nakabalik ng barko ang dalawang bagong kasal. Makalipas ang dalawang araw, dumating sa isa pang stop-over destination ang sinasakyang cruise ship ng pamilyang Yu.
Sa nasabing stop-over destination, nagkataon na mayroong Philippine Consulate sa bansang iyon. Ginamit ni Mr. Yu ang kanyang koneksyon para mabigyan ng mga passport ang mag-asawa.
NANG MAGKITA kami ni Vohn kamakailan, na isa nang pamilyadong tao at may dalawa ng anak, ibinalik-alaala ko sa kanya ang pagsilid sa duffle bag sa kanila ni Dohn ng kanyang ama. Pabiro niya akong sinagot ng, “Hehehe, binaunan naman kami ni Daddy ng tinapay at corned beef habang nasa loob ng duffle bag.”
ILANG TAON na ang nakararaan din, isang “taong grasang” babae ang napansin ni Mr. Yu na araw-araw na nakatambay sa labas ng compound ng kanyang kumpanya kasama ang isang paslit – umaga, gabi, umulan man o uminit.
Nang siya’y mag-usisa, napag-alaman niyang ang nasabing babae ay dating kinakasama ng kanilang umalis ng bodegero. Matapos maanakan, iniwan ito ng bodegero at sumama sa iba. Dahil sa matinding depresyon, bumigay ang pag-iisip ng nasabing babae.
Agad inutusan ni Mr. Yu ang ilan niyang mga tauhan na kupkupin ang babae pati na ang anak nito. Tinustusan niya ang panggastos para sa mga gamot at pagkain ng dalawa.
Pagkalipas ng wala pang isang taon, nang gumaling, binigyan niya ng magandang trabaho ang nasabing babae sa kanyang kumpanya.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM. Ang WSR ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo