NU’NG ISANG araw, nagkalkal ako ng mga album ko ng mga birthday parties ko sa pag-asang meron akong makukuhang picture kasama si Rico Yan. Si Rico na namatay sa bangungot nu’ng March 29, 2002 at sampung taon na pala ‘yon. How time flies, ‘no?
‘Eto na nga, nakakuha rin ako ng picture namin together.
Tinulungan na rin siguro ako ni Rico mismo na makahanap agad para hindi na ‘ko mahirapan. Kasi nga, gagawa ako ng entry tungkol sa kanya, eh.
Sabi niya siguro, “Ogs, ‘eto na. Talagang magkaibigan tayo, dahil magkakulay pa tayo ng shirt.”
Juice ko, aminan na ‘to, crush ko si Rico Yan noon pang una ko siyang makita bilang si 1/4 German, 1/4 Ilonggo bilang Eskinol Master commercial model.
Sobrang kilig ako nu’ng i-guest siya sa Martin After Dark at interbyuhin ni Martin Nievera. Nanganak ang pagha-nga ko nu’ng maramdaman kong bukod sa gandang lalaki, matalino rin si Rico. May sense kausap.
Reporter na ‘ko no’n, eh. Tinutuklas ko talaga kung sino ang manager. Isang talent agency ang may hawak sa kanya no’n. Sa loob-loob ko, baka hindi ko ma-achieve maging friend si Rico.
Hanggang sa si Biboy Arboleda na ang may hawak, ‘yun na ang aming tulay para magkakilala at magkatsikahan hanggang sa maging close.
First fans day ni Rico, pinakiusapan ako ng manager niyang si Biboy na mag-emcee. Sabi ko, sure! Love ko ‘yan, ‘no! Go! At nu’ng nag-host ako, du’n ako lalong minahal ni Rico. Abut-abot ang pasasalamat niya. Para na ngang sirang plaka sa kapapasalamat. Ganu’n siya ka-appreciative.
Pero bago ang lahat, ha? Baka ‘yung iba, nagtataas ng kilay. At sasabihin, ganu’n talaga. ‘Pag patay na, du’n na nagkakaroon ng tribute. Pinakamabait na sa lahat ng mababait kung ituring, dahil patay na nga.
Pero may mga kakilala rin naman akong namamatay, hindi ko sinasabing mabait kung alam ko namang hindi talaga mabait. Patay na, paplastikin ko pa ba?
Love ko lang talaga si Rico.
Minsan, kumakain ako sa canteen ng ABS-CBN. Nakita niya ‘ko. Sabi niya, “Sino kasama mo?” Sabi ko, wala. “Sige, samahan kita.” Na-Charo Santos Conscious tuloy ako that time.
Imbes na ipahinga na ni Rico ‘yung oras na ‘yon, dahil galing ng school at galing daw siyang rehearsal, sinamahan niya ‘kong kumain kahit nanonood lang siya sa pagkain ko. Niyaya kong kumain, ang sagot: “Makita lang kitang kumain, busog na ‘ko.” Sabi ko sa sarili ko, okay makisama ‘to.
Kuwentuhan kami. Sabi ko sa kanya, ituloy lang niya ang Rico Yan Foundation niya, dahil ang ganda ng objective: ito ang tutustos sa edukasyon ng mga less-privileged students pero deserving naman.
“Magiging presidente ka ng Pilipinas, Corricks!”
“Hahaha! Gutom lang ‘yan, Ogs. Sige lang, kain ka lang!”
Bihira sa mga artista ‘yung ‘pag nakikipagkumustahan, kukumustahin niya ‘ko, ang nanay ko, ang buhay ko, lalo’t higit kung may problema raw ba ako na puwede siyang makatulong?
Madalas kasing nangyayari, kaming mga reporter ang kukumusta sa artista. Pero si Rico, ikaw ang kukumustahin niya.
‘Yung gano’n lang, sobrang ang la-king bagay sa akin, kaya love ko ‘yang si Rico, sobra talaga. Para na tuloy akong sirang plaka, paulit-ulit.
Hindi ko rin magawang magkaroon ng “pagnanasa” kay Rico kahit “yummy” at “papalicious” ang aktor. Siguro nga, dahil sa respetong siya rin ang nagtanim sa puso ko.
Ang galing ding makipagbiruan. Hindi KJ. Sabi ko sa kanya, iniilusyon ka ng mga bading, ha? “Ilusyon mo lang ‘yon, hahaha! Pero friends natin ‘yan.”
Ganyan siya. Minsan nga, may nanggulat sa akin sa isang dressing room sa ABS-CBN. Nakabukas ang pinto kasi, ako lang mag-isa.
Nagbabasa ako ng script nang nakatayo para sa sitcom na kinabibilangan ko noon, ‘yung Puwedeng-Puwede.
Eh, nakabukas ‘yung pinto ng dressing room. Nalokah na lang ako nu’ng bigla na lang me yumakap sa akin sa likuran at nagdayalog ng parang kontrabida ang boses, “’Eto naman ang gusto mo, ‘di ba? Okay ba, ha? Okay ba?”
Paglingon ko, nagulat ako! “Nakakalokah ka, hindi ka nagsasabi. Nakapag-prepare sana ako! Hahaha!” Otomatik na, yakapan na kami. ‘Yan si Rico.
“Naramdaman” ko siya sa likod ko. Ramdam na ramdam. At ipinagmamalaki ko nga ‘yon sa mga bading kong friends, eh. Hindi lahat ng bading, bibiruin ng gano’n ni Rico, ‘di ba?
Eh, gano’n si Rico, eh. Kahit isang La Sallista, kaya niyang makibagay sa kahit kaninong tao. Kahit bading ka pa. Ibig sabihin, secure sa seksuwalidad niya si Rico.
And I remember, talagang tinapos niya ang kolehiyo niya, dahil gusto niyang maging isang magandang halimbawa sa mga kabataan, lalo na sa mga bagets na artista.
Meron din siyang ugali na kapag kaibigan ka niya, ine-expect n’ya na ‘pag may problema ka sa kanya, didiretsuhin mo siya. Hindi mo isusulat o sasabihin kahit kanino, kundi sa kanya lang, dahil siya ang concerned.
Kaya ‘pag nagkikita kami, lagi siyang nagpapaalala na ‘pag may problema raw kami, sabihin lang sa kanya. Ganu’n siya. At na-appreciate ko ‘yong effort niyang ‘yon.
Ang dami pa naming “good memories” ni Rico na ‘yung iba na ipinagkatiwala sa amin ni Rico, nasa “baul ng alaala” na namin.
March 29, 2002, Biyernes Santo no’n, hinding-hindi ko makakalimutan. Katatapos lang ng annual Pabasa na-ming magkababata sa Loreto, Sampaloc. Ang init-init na nga nu’ng time na ‘yon, nakakapaso.
Bigla akong parang binuhusan ng malamig na tubig nang matanggap ko ang balita thru text brigade na patay na si Rico.
Hindi ko pa alam kung ano’ng irereak ko. Kung maniniwala ba ‘ko o gusto kong murahin ‘yung nag-text brigade. Pero sunud-sunod ang dating ng message, eh. Lahat ba sila, mumurahin ko sa text?
Eh, that time, naalala kong malungkot na si Rico bago pa siya mag-Holy Week sa Dos Palmas, Palawan, dahil nga nag-split sila ni Claudine Barretto at nabalitaan na lang ni Corricks na sina Claude at Raymart Santiago na pala.
Sa Dos Palmas si Rico that time, kasama niya ang magdyowa dating sina Janna Victoria at Dominic Ochoa kasama ang ibang friends. Nakainom daw si Rico at nu’ng makatulog, hindi na nagising. Bangungot daw ang ikinamatay.
Sabi ko nga sa sarili ko no’n, ke ba-ngungot ‘yan o anupamang cause, ang bottomline: patay pa rin si Rico.
Kahit off-air ang lahat ng TV networks noon, dahil nga Biyernes Santo, nagbukas ang Channel 7 at Channel 2 para ihatid ang mga huling balita sa pagkamatay ni Rico.
Si Karen Davila ang naalala kong masigasig na nagre-report kung saan ‘yung helicopter ng ABS-CBN ang siyang kumuha sa mga labi ni Rico kasama ang ama at kuya nitong si Bobby Yan.
Kaya pagdating dito ng bangkay ni Rico from Palawan, nu’ng naiburol na sa La Salle, papunta pa lang ako du’n, umiiyak na ‘ko sa kotse.
Pahinto-hinto ako para umiyak, tapos, maya-maya, tutunganga. Nu’ng ‘andu’n na ‘ko sa La Salle, hindi ko alam kung ubos na ba ang luha ko o kinakaya ko lang maging matapang o in denial lang ako at ‘andu’n pa rin ang ilusyon kong buhay pa rin si Rico at nananaginip lang talaga ako. Nang gising.
Alam n’yo, namangha ako, dahil sobrang haba ng pila ng mga taong gustong magbigay ng huling respeto kay Rico. Du’n ako mangiyak-ngiyak na natutuwa. Well-loved si Rico talaga.
Ganu’n yata talaga. ‘Pag nagtanim ka nang maganda sa kapwa at nagbuo ka ng magandang imahe sa mata ng publiko, kahit hindi ka nila kaanu-ano, may nakalaan silang totoong luha at pagdamay anuman ang mangyari sa ‘yo. ‘Yan si Rico Yan.
Kahit sa araw ng libing ni Rico, ramdam kong sobrang love ng mga tao si Rico. Kasi, parang hindi maputol ang chain na ginawa ng mga tao kahit nagkasya na lang silang casket lang ang makita habang patungo sa Manila Memorial Park ang pila-pilang mga sasakyan sa Edsa na gustong makipagli-bing.
Dalawang bagay kumba’t kami lumuluha nu’ng mga sandaling ‘yon. Una, dahil ang hirap-hirap sa kalooban ko na huling araw ko na lang makikita ang kaibigan kong si Rico.
Tapos, pangalawa, pinababa pa ako ng executive producer sa coaster kung saan nandu’n lahat ang cast ng noo’y nooontime show na “Magandang Tang-hali, Bayan” na kinabibilangan ni Rico.
“Ba’t nandito ka? Hindi ka puwede dito, baba ka. Bumaba ka. Ipara n’yo riyan para makababa siya.”
Since napahiya ako sa mga naka-rinig ng pagpapababa sa akin sa coaster ng naturang EP (sobrang nahiya talaga ako kina Willie Revillame, John Estrada, Randy Santiago, Ai-Ai delas Alas, at kung sinu-sino pa na nandudu’n), itinawag agad ni John Estrada sa driver niya na saluhin ako pagbaba at pasakayin sa naka-convoy na sasakyan niya patungo sa sementeryo.
Galit ako sa EP that time. Kaso, ‘pag inisip ko siya nang inisip, mapuputol naman ang emote ko sa pagkamatay ni Rico eh, ilang sandali na lang, nasa sementeryo na’t kukunin na si Rico ng nitso.
Nu’ng burol, hindi ako nakaiyak. Pero nu’ng ilibing, du’n na ‘ko nagpaka-best actress. Inilabas ko na ang umaapaw nang luha na inipon ko nang ilang araw.
Kung magpi-feeling okay lang ako at kaya ko pa, baka naman sumabog na ang dibdib ko at ang ending – ma-comatose ako.
Meron kasi akong kakilala na hindi umiyak nu’ng mamatay ang isang kaanak. Hanggang sa mailibing, hindi rin umiyak. Nagtibay-tibayan. Kaya ang ending, bumigat ang dibdib, ayun, na-comatose hanggang sa hindi na talaga magising. Natulog na forever.
Anyway, mga ilang linggo rin bago ako naka-recover at natanggap sa sariling wala na talaga si Rico Yan. Nag-aabang ako ng kaluluwa ni Rico na magpaparamdam sa akin, kaso, wala, eh.
‘Yung sinasabi nilang lamig ng hangin na hahampas sa katawan ko para ibintang kong si Rico ‘yon? Wala rin, eh.
Alam ko, kahit hindi sinasabi ni Rico, baka batukan ako no’n kung hindi pa rin ako nakaka-move on. Baka sabihin no’n, ang OA ko na sa kae-emote sa pagkawala niya, kaya dapat ko pa ring ituloy ang buhay.
‘Yung EP, matagal kong hindi nakabatian. Kaisnaban ko everytime magkikita kami sa loob ng ABS-CBN. Pero eventually, sakto rin ‘yung tsikang time heals all wounds.
Me ganu’ng factor talaga, kaya one time, walang pride-pride sa amin ng EP, bigla na lang kaming nagkayakapan at nagkumustahan.
Hindi pinag-usapan ‘yung dating eksena namin. Naisip ko nga bigla si Rico nu’ng time na ‘yon, eh. ‘Eto ang gusto ni Rico. Reconciliation. All’s well that ends well ang drama. Tuloy ang buhay.
Hay… ba’t gano’n? Ang dami nang nagsulputang artista, hindi ko pa rin makita ang “replica” ng isang Rico Yan? Pinakamalapit siguro si AJ Perez na for sure, magbarkada na rin sila sa heaven.
Pasensiya na, Rico, alam ko, ayaw mo ng gano’n at alam nating may kani-kanyang personalidad at karakter ang bawat artista at hindi ko dapat ikaw hanapin sa kanila.
Alam ko naman, naka-move on na ‘ko, eh. In denial nga lang.
Huh? Naka-move on na, pero in denial pa rin? Hahaha! Ang gulo ba?
O, basta. Kung anuman ang interpretasyon n’yo, kayo na ang bahala. Basta ang isang sigurado ko ngayon at habang nabubuhay ako, mahal ko si Rico Yan.
Oh My G!
by Ogie Diaz