Isang Kagat: Pangmatagalan at Matinding Hirap
(In observance of Filariasis Awareness Month)

DENGUE, MALARIA, Chikungunya. Ilan lamang ito sa mga sakit na alam nating sanhi ng virus na nakukuha ng mga tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, may isa pang matinding sakit na laganap na rin sa mahihirap na lugar sa ating bansa. Ito ay ang Filiariasis o mas kilala sa tawag na Elephantiasis. Kung nakakita ka na ng isang taong nakararanas ng sobrang pamamaga ng mga binti o braso, posibleng nagtataglay siya ng sakit na lymphatic filariasis, isang pangmatagalang sakit na naisasalin sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Nagdudulot ito ng pagkasira ng sistemang lymphatic at ng mga bato (kidney), at paghina ng immune system. Maaari itong humantong sa pagkabalda at pagkasira ng anyo ng taong apektado nito.

Ang buwan ng Nobyembre ay Filariasis Awareness Month. Layunin nito na ipaalam sa publiko ang ganitong uri ng sakit upang maiwasan ito. Nadiskubre ang sakit na ito sa Pilipinas noong 1907 at kadalasan nakikita sa mga pinakamahihirap na bayan sa 43 na lalawigan sa bansa. Ito ang ikalawang sanhi ng “permanent and long term disability”.

Ang filariasis ay dulot ng mga malasinulid na parasitikong bulate na Wuchereria bancrofti at Brugia malayi. Sa loob ng kanilang mula apat hanggang anim na taong buhay ay nananahan ang mga magulang na bulate sa sistemang lymphatic ng tao. Ang kanilang mikroskopikong larva na tinatawag na microfilariae ay nananahan naman sa dugo.

Kapag kinagat ng lamok ang isang taong may filariasis ay nasisipsip nito ang mga microfilariae. Mananahan ang mga ito sa loob ng katawan ng lamok nang mula isa hanggang tatlong linggo hanggang umabot sila sa yugtong maaari na silang makapagdulot ng impeksyon. Matapos nito ay lilipat sila sa bahaging pangagat ng lamok. Kapag nangagat uli ang lamok ay maisasalin ang mga microfilariae.

Karaniwang nakukuha ang impeksyon sa pagkabata, at maaaring lumipas ang mga taon bago kakitaan ng anumang sintomas ang taong apektado.

Kabilang sa pinakamalalang sintomas ng filariasis ang labis na pamamaga ng panlabas na henitalia, binti, o braso. Karaniwang nakikita ito sa matatanda, at higit sa mga lalaki kaysa mga babae. Maaari ring magkaroon ang isang taong may ganitong sakit ng matinding pamamaga ng mga bahagi ng balat, lymph nodes at lymph vessels, na karaniwang dulot ng impeksyong bakteryal.

Maaaring hindi kakitaan ng panlabas na sintomas ang ilang may filariasis. Mistulang malusog ang mga ito ngunit may sira na pala ang kanilang sistemang lymphatic at mga bato. Upang maiwasan ang pagkakakagat ng lamok na maaaring may microfilariae, ipinapayo ang paggamit ng pantalon at damit pang-itaas na may mahabang manggas, gayundin ang paggamit ng kulambo kapag natutulog, lalo na sa mga lugar kung saan may mga kaso ng filariasis.

Napatunayang napapatay ng mga gamot sa diethylcarbamazine (DEC), albendazole at ivermectin ang mga microfilariae. Pinaiinom ng kombinasyon ng DEC at alinman sa dalawa pang nabanggit na mga gamot ang mga nakatira sa pamayanan kung saan may mga kaso ng filariasis upang pigilan ang pagkalat ng sakit. Kailangan ang taunang pag-inom ng naturang kombinasyon ng mga gamot sa loob ng apat hanggang anim na taon.

Upang lubos na magamot ang impeksyon ay kailangang mapatay ang mga magulang na parasitikong bulate. Bagaman nakitang epektibo ang DEC at albendazole sa pagpatay sa mga ito, kinakailangan pa ang higit na masusing pag-aaral tungkol sa pinakamainam na pamamaraan ng gamutan gamit ang mga ito.

Ang PhilHealth ay patuloy na tumutulong matugunan ang pangangailangang medical ng isang miyembrong may filariasis. Ang benepisyong makukuha para sa ganitong karamdaman ay nagkakahalaga ng P8,900.00.

Pinaaalalahan lamang namin ang aming mga miyembro na panatilihing aktibo ang kanilang kontribusyon at datos sa kanilang Member Data Record upang hindi magka-aberya kung sakaling dapuan ng sakit na filariasis.

Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag sa aming Call Center sa (02) 441-7442, mag-email sa [email protected], o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth.

Lagi po nating tatandaan, sa Alagang PhilHealth, kayo ang Number 1!

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleFEU, 1-0 na sa UAAP Finals Series
Next articleThe Game Changer

No posts to display