HELLO! KUMUSTA kayo mga magigiting na mga mambabasa ng Pinoy Parazzi!
Una sa lahat, ako po ay nagpapasalamat sa management team ng mahusay na mag-bloid na ito at ako ay nabigyan ng pagkakataon na mag-share tungkol sa isang paksa na marami sa atin (kasama na po ako roon) ay nangangailangan ng wastong payo – ang “financial literacy”.
Para sa karamihan ng mga kababayan natin, kapag napag-uusapan ang mga bagay ukol sa “financial literacy”, kadalasan hindi natin masyadong pinapansin, lalung-lalo na sa ating mga kalalakihan. Mas type nating pag-usapan ang ating mga “sexual exploits” sa ating mga barkada, kumpara sa kanilang mga eksperyensa at tagumpay sa pag-iipon at pagpapalago ng naipon. Nangyayari rito, dahil kadalasan ay wala talaga tayong maipagmamalaki.
Isa pang rason kung bakit marami sa atin ang financial illiterate ay ang pananaw na kapag tayo ay nag-ukol ng pansin sa kaperahan, tayo ay nababansagang mukhang pera at materialistic.
Hindi masamang pag-usapan ang ating buhay-pinansyal, as long as nalalaman natin na hindi pera at paghahanap lang ng pera ang ating pangarap at tinatamasa. Ang tamang paggasta, pag-ipon at pagpalago ng pera ay isa lamang pamamaraan upang matamo natin ang isang masaya at masaganang buhay.
Sa mga susunod na installment sa column na ito, magbabahagi ako ng mga kaunting kaalaman kung paano natin maaaring matamo ang ating munting mga pangarap sa pamamagitan ng “financial literacy” at konting diskarte.
Ang PERA TIPS column ay mamamahagi ng mga simpleng money principles at tips na maaari n’yong sundan step-by-step para matugunan ang inyong financial concern. Paminsan-minsan, magkukuwento rin tayo ng mga eksperyensa ng mga sikat at ‘di sikat na tao na naging matagumpay sa paggamit ng financial tip o principle na kasalukuyang tinatalakay para magsilbing ehemplo na maaari nating gayahin.
Ang PERA TIPS ay alay ko sa mga mambabasa ng Pinoy Parazzi na nagsusumikap na kumita ng pera at nangangarap din ng masaya at masaganang buhay, katulad ng masaya at masaganang buhay ng mga iniidolo nilang mga artista rito sa mag-bloid na ito.
—————————————-
Si Joel Serate Ferrer ay co-author ng bestselling book na PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY. Ang libro na ito ay currently available sa National Bookstore, Pandayan Bookshop, at iba pang mga tindahan.
Pera Tips
by Joel Sarate Ferrer