SA AMING patuloy na pagresponde sa mga hinaing ng mga naaapi, isang Andres Cabatuando ang lumapit sa WANTED SA RADYO upang isumbong si PO1 Rolando Jose ng pangongotong.
Gabi ng Disyembre 1 nang nagkaroon ng alitan ang mag-asawang Andres at Michelle Canto sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Pineda, Pasig City. Isang case ng beer ang inihagis ni mister at nagdulot ng kaunting eskandalo sa lugar, ngunit wala namang nasaktan.
Isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon sa barangay at agad namang rumesponde si PO1 Rolando Jose. Tanggap ni Cabatuando ang pataw na alarm and scandal, ngunit sa kasamaang palad, nahanginan itong si PO1 Jose ng masasangsang na hangin at dinagdagan ang kanyang kaso ng resisting arrest, samantalang mahinahon naman siyang sumama. Mukhang matalino nga itong si SPO1 Jose dahil alam niya na sa kulungan kaagad ang bagsak nitong si Cabatuando dahil sa idinagdag na kaso.
Sa takot ni misis na makulong si mister, kanyang inalok sina PO1 Jose at PO3 Rustom Valdez na aregluhin na lamang ang problema. At pumayag naman itong dalawang balahura at mapagsamantalang pulis. At nagawa pang makipagtawaran, mula P20,000 ay bumaba na lamang sa halahagang P7,000 ang kalayaan ni Mang Andres.
Aming nakausap si PO1 Jose at mariin niyang itinanggi na siya ay humingi ng ganoong halaga mula sa mag-asawa. Sa halip, ang mag-asawa raw ang siyang nag-alok ng pera para aregluhin ang kaso.
Ito ay aming idinulog kay Sr. Supt. Mario Rariza, ang chief police ng Pasig City, at kanyang sinabi na humingi o kusa mang binigyan ang isang pulis ng pera o anumang bagay na may halaga ay parehong bawal. Kanyang inanyayahan ang mag-asawa sa kanyang tanggapan at nangakong aaksyunan kaagad ang nasabing kabulastugan ng dalawang pulpol na pulis na ito, at titiyaking maibabalik sa mag-asawa ang kanilang pera.
Kung iisipin, mga Kapatid, dapat sa barangay pa lamang ay naayos na ang gusot. Dahil una, ito ay away-mag-asawa, at pangalawa, wala namang humarap na concerned citizen sa barangay upang doon ay magreklamo patungkol sa eksena na ginawa ni Andres. Ngunit dahil nga sa mga mapagsamantala, lalo pang lumalaki ang gulo.
SAMANTALA, ISA pang sumbong na natanggap ng WSR ay ang tungkol sa EMB Trading na pinamumunuuan ng isang balasubas na Jack Tan. Ayon sa mga nagsumbong, P100 lamang ang kanilang sinasahod sa labing dalawang oras kada araw na trabaho.
Aming nakausap si Tan ngunit sinabi ng mokong na ito na kausapin na lamang namin ang kanyang abogado.
Dahil dito, inilapit namin ito kay Department of Labor and Employment Undersecretary Lourdes Trasmonte, at agad naman siyang nangako na aaksyunan at agarang sasampahan ng kaso ang mga nagkasala.
Bukod dito, amin ding paiimbestigahan sa Bureau of Immigration kung ano nga ba ang status nitong mokong na ito at aming susubaybayan at aalamin kung maaari siyang ma-deport dahil sa ginawa niyang kalokohang ito.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa AksyonTV Channel 41. Sa mga nais magsumbong o magreklamo, magsadya lamang sa WSR Action Center na matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City. O hindi kaya’y mag-text sa aming text hotline sa 0917-7WANTED.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo