AJ Perez
ISANG DAGOK ang mawalan ng minamahal sa buhay, lalo pa’t sinasabi nating napaka-untimely ng pagkakamatay ng mga ito. Ganito ang nangyari sa young actor na si AJ Perez na sumakabilang-buhay bunsod ng isang aksidente. Namatay ang batang aktor makaraang maaksidente ang sinasakyan nilang nirentahang van na bumangga sa isang truck at pampasaherong bus sa Tarlac. Ayon sa lumabas na autopsy report, hindi multiple head injuries ang sanhi ng agarang pagkamatay ni Perez kundi ang pagtusok ng ribs niya sa kanyang puso at kaliwang baga, dahil sa lakas ng pagkakasalpok ng sasakyan nila sa nakabanggaang bus. Kasama ng namayapang aktor sa naturang van ang kanyang ama at security personnel na kagagaling lang sa isang show sa Dagupan City. Ikinalungkot ng kanyang buong pamilya at mga kasamahan sa industriya ang maaga niyang pagyao sa murang edad. Si AJ Perez ay isa sa mga bago at sumisikat na young actors ng ABS-CBN. Matatandaang isa siya sa leading men ni Jessy Mendiola sa seryeng Sabel at member din siya ng boy group na Gigger Boys, na napapanood sa ASAP Rocks. Kamakailan ay kinilala ng ENPRESS ang husay ni Perez sa katatapos na Golden Screen Awards for TV sa nakuha nitong nominasyon bilang Outstanding Performance by an Actor in a Single Drama/Telemovie Program para sa pagganap sa ‘Tsinelas’ episode ng Maalaala Mo Kaya.
Lito Calzado
PUMANAW NA rin ang aktor, direktor at choreographer na si Lito Calzado na ama ng Kapuso actress na si Iza Calzado. Sumaka-bilang-buhay ito dahil sa liver cancer sa edad na 65. Noon pa man, mahilig na sa pagsasayaw si Lito, kaya naman sumali siya sa dance troupe ng University of the East noong nasa kolehiyo siya. Bilang patunay pa sa kanyang husay sa pagsasayaw, naatasan siyang maging dance choreographer para sa ilang pelikula mula noong late 60s hanggang 80s. Bukod dito, nagpakita rin ng angking talento si Lito bilang aktor, at nakasali rin ito sa ilang pelikula. Bilang isang ama, supportive si Lito sa mga napiling propesyon ng kanyang mga anak na sina Iza at Dash especially kay Iza sa pagiging active nito sa showbiz. Kamakailan ay ginawaran ng posthumous award ang namayapang si Direk Lito sa katatapos na 2011 PMPC Star Awards for Television na tinanggap naman ng anak nitong si Iza.
Anthony Linsangan
MALUNGKOT DIN ang kinasapitan ng aktres na si Camille Prats matapos pumanaw ang asawang si Anthony Linsangan dahil sa sakit na nasopharyngeal cancer. Matatandaang dalawang beses pinatunayan ni Camille at Anthony ang pagmamahal sa isa’t isa nang magpakasal sila ng dalawang beses. Unang nagpalitan ng “I dos” ang mag-asawa noong January 5, 2008 sa civil rites at ang church wedding naman ay naganap noong March 5, 2010. Maliban kay Camille, inulila ni Anthony ang kanilang anak na si Nathaniel Caesar. Kung gaano naman sinuportahan at inalagaan ng aktres ang asawa ay ganoon din ang ipinakitang walang-kupas na suporta ni Anthony kay Camille. Sa ngayon ay hindi pa raw lubos maunawaan ng anak nilang si Nathan na wala na ang kanyang ama at mahirap para kay Camille na ipaunawa ito sa batang anak. Lubos naman ang pagpapasalamat ni Camille sa mga taong nagmamahal sa kanila, gaya ng pamilya at mga tagasuporta niya na dumamay sa kanya sa pagsubok na ito sa kanyang buhay.
Direk Boots Plata
NAMAALAM NAMAN ang beteranong direktor na si Direk Boots Plata sa edad na 68 sa hindi malinaw na dahilan. I-binilin na ni Direk Boots sa naiwan niyang pamilya na sina Dolor Guevarra, Joana Paula, at Venessa, na ayaw niyang paglamayan. Kaya after i-declare na patay na, agad siyang ipina-cremate at isinaboy ang kanyang abo sa Pasig River. Pero nagkaroon muna ng misa bago ginanap ang cremation. Maraming mga nagawang pelikula si Direk Boots noon. At siya ang director ng kauna-unahang movie nina Judy Ann Santos at Wowie de Guzman with Gladys Reyes na Sana Naman sa Regal Films, kung saan nag-umpisa ang pagsikat ni Juday. Si Direk Boots ang direktor ng mga pelikulang Bakit ‘Di Totohanin, Ayos na ang Kasunod, Isusumbong Kita sa Tatay Ko, Muling Ibalik ang Tamis ng Pag-ibig, at iba pa.
Parazzi Chikka
Parazzi News Service