MAS NAGING maingay ang talakayan ngayon kaugnay sa pagbabago ng pasukan mula buwan ng June palipat sa September. Ang mga malalaking unibersidad gaya ng UP, ATENEO, La Salle at UST ay nagpahayag na ng kanilang paghahanda sa pagbabagong ito.
Sa artikulong ito ay maghahayag ako ng dalawang puntos na gusto kong pag-usapan kung saan ipaliliwanag nito ang mga maaaring makuhang benepisyo para sa mga mag-aaral at bansa ng paglilipat ng pasukan sa September.
Minsan ko na ring tinalakay ang usaping ito at doon ay pinunto ko ang mga dahilang historikal kung bakit sa buwan ng June nagsimula ang klase sa Pilipinas.
ANG PAGBABAGO ng academic calendar ng mga unibersidad ay preparasyon para sa tinatawag na “economic integration of the Southeast Asian region in 2015”. Ito ang unang punto.
Tunay ngang ipinagbubuklod ng globalisasyon ang mga bansa sa Asia. Malaking bahagi ng pagsasanib ng mga Asyanong ekonomiyang ito ang edukasyon. Ang ekonomiya ay umuunlad dahil sa bilis at tagumpay ng mga makabagong teknolohiya. Ang lahat naman ng uri ng teknolohiya ay nag-uugat at binibigyang buhay at pagtutuklas sa mga laboratory at research ng mga unibersidad.
Sa economic integration na ito ng mga bansa sa Southeast Asia, kailangang makasabay ang ating mga unibersidad sa takbo at timing ng academic calendar ng mga unibersidad nila. Mala-king pagkakataon ang mabuksan natin ang ating mga paaralan sa mga foreign students. Ganoon din ay magkakaroon ang ating mga propesor ng oportunidad na maisanib ang kanilang mga research sa mga foreign faculty reasearchers.
Sa pagsasanib na ito ay mas mapapabilis ang pag-unlad ng ating sariling tubong teknolohiya. Halimbawa ay baka maaari na tayong magkaroon ng sarili nating bersyon ng commercial na sasakyan tulad ng Hyundai at Kia ng Korea, Cherry at Foton ng China, at Toyota, Mitsubishi, Honda at Nissan ng Japan.
Sa pagsabay natin sa kanilang academic calendar ay magbubukas din ang pinto ng mga Asian universities na ito para makapasok ang ating mga Pilipinong mag-aaral bilang foreign students o exchange students sa kanilang mga bansa.
ANG PANGALAWANG punto ay tututok sa epektong ng mga pagbagyo at pagbaha na nagiging dahilan ng pagkakaantala ng mga klase.
Ang kadalasang epektong ng mga pagsuspinde ng klase tuwing may pagbaha at bagyo ay ang pagiging kulang ng mga araw na kailangan ipinasok ng mga mag-aaral. May mga lesson din na mabilis na lang itinuturo at hindi na nabibigyang diin, dahilan para hindi gaanong matutunan ng mag-aaral ang konseptong ito.
Sa bagong academic calendar ay maiiwasan ang mga buwan na bahain at bagyuhin. Sa ganitong sistema ay hindi na gaanong maaantala at hindi na mababawasan ang mga araw na dapat ay ipinasok ng mga mag-aaral.
Ang mga nasasayang na pera para sa baon ng mga mag-aaral dahil pinauuwi rin sila at iba pang mga ekstrang gastusin dulot ng epekto ng bagyo sa panahon ng pasukan ay sumatutal matitipid ng mga magulang sa bagong academic calendar.
KUNG KAILANGAN talaga ng ganitong pagbabago ay hindi dapat tayo mangamba sa mga maliliit na epekto nito. Ang mga schedule ng board exams ay madali lang namang mailipat. Katunayan, halos buong taon din naman ang pag-schedule ng mga ito ay hindi “seasonal” kung tawagin.
Ang Department of Education ay pinag-aaralan na rin naman ang paglilipat ng pasukan sa September dahil bahagi sila ng epekto at benepisyo ng ikalawang puntos na pinag-usapan natin.
Ang paghahanda sa pagbabago ay kailangan dahil ang pagbabago ay hindi kailanman mapipigilan.
Shooting Range
Raffy Tulfo