MAY MAHALAGANG paglilinaw ho tayong gagawin sa kolum na ito upang masiguro na ang bawat miyembro ng PhilHealth ay makagamit ng benepisyong pangkalusugan. Ito ay may kinalaman sa tamang pagbilang ng sapat na hulog na prima upang magamit ang benepisyo.
Sa mga pagkakataong ako ay naimbitahan bilang ‘resource speaker’ sa mga pagpupulong sa iba’t ibang paaralan o organisasyon, isa sa mga importanteng naitatanong ay kung ilang buwang hulog ang kailangan upang matiyak na magagamit ng miyembro ang kanyang benepisyo mula sa PhilHealth.
Ang dating bilang ay tatlong buwan sa loob ng pinakamalapit na anim na buwan, bago ang buwan ng pagpapaospital. Subali’t sa bisa ng PhilHealth Circular No. 32,s. 2014, ang buwan ng pagpapaospital ay maaari na ring isama sa bilang ng anim na buwan kung ito ay nabayaran bago ang unang araw ng confinement ng miyembro.
Ano ang epekto ng bagong polisiya na ito, lalo na sa mga miyembro ng PhilHealth mula sa Formal at Informal Economy? Ngayon, mas may pagkakataon nang magamit ng miyembro ang kanyang benepisyo lalo na sa oras ng pagpapaospital. Mas may tsansa na silang mapakinabangan ang kanilang pagiging miyembro ng PhilHealth dahil mas pinalapit na sa araw ng pagpapaospital ang bilang ng kaukulang hulog na dapat mayroon ang isang miyembro upang magamit ang benepisyo.
Karagdagang impormasyon pa – ang mga kontribusyong ibinayad naman sa araw ng pagpapaospital mismo, o habang naka-confine na o pagkatapos ma-discharge ay hindi ibibilang sa qualifying contributions ng miyembro, maliban na lamang kung ang nagkasakit ay ang mga sumusunod:
1) Dependent na anak na naging 21 taong gulang habang naka-confine at dali daling nagparehistro sa ilalim ng Informal Sector – ang ibinayad niya habang siya ay naka-confine ay ibibilang sa qualifying contribution;
2) Dependent na asawa ng dating PhilHealth member at nagparehistro bilang Primary member;
3) Dependent na bagong empleyado sa isang tanggapan;
4) Sponsored member na hindi pa nabayaran ang kasalukuyang taon ng kanyang sponsor. Maaari muna siyang magbayad para sa unang quarter ng taon;
5) Miyembro na nabibilang sa seasonal employment at kasalukuyang nawalan ng trabaho nguni’t nakapagbayad ng natitirang unpaid na buwan sa loob ng calendar quarter ng separasyon sa trabaho; at
6) Overseas Filipino Worker na nag-expire na ang payment coverage at hindi na rin babalik sa abroad para magtrabaho ay dapat na nakapagbayad din sa loob ng calendar quarter kung kailan huminto ang kanyang coverage.
Muling paalala po na ang polisiyang ito ay angkop lamang sa mga miyembro sa ilalim ng Formal at Informal Economy tulad ng mga manggagawa sa pampribado at pampublikong ahensiya, mga propesyonal, tricycle driver o may sariling negosyo. Dahil sa may sariling validity ang coverage ng mga land-based OFWs, hindi sila sakop ng polisiyang ito.
Hindi lamang ang kontribusyon ang isasaalang-alang ng miyembro upang matiyak ang availment ng mga benepisyo kundi dapat ding tiyakin na ang pasilidad at ang doktor na titingin at gagamot ay accredited ng PhilHealth.
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayong Miyerkules, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7444 o magpadala ng email sa [email protected].
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas