Dear Atty. Acosta,
ISINANGLA NG aking mga magulang ang aming bahay. Ang kanilang kasunduan ay kailangan na magbayad ang aking mga magulang ng isang libo kada buwan. Dahil sapat lamang ang kinikita namin sa pang-araw-araw naming pangangailangan, mayroong mga pagkakataon na hindi kami nakakabayad. Ang sumunod na kasunduan na kanilang pinirmahan ay isang libo at limang daang piso na ang kailangan naming bayaran kada buwan. Lumobo na po ang utang nila sa halagang P25,000. Kung hindi po ba kami makakabayad ay maaaring mapunta ang aming bahay sa pinagkakautangan ng aking mga magulang?
Lubos na umaasa,
Paulo
Dear Paulo,
MASASABI NAMIN na ang kasunduan sa pagitan ng iyong mga magulang at ng taong pinagsanglaan ay ang tinatawag na contract of mortgage. Karaniwan, ang layunin ng ganitong kasunduan ay ang pagbibigay ng security ng taong umutang na kanyang mababayaran o tutuparin ang isang prinsipal na obligasyon, katulad ng pagbabayad ng utang. Subalit upang maging balido ang kasunduang ito, mahalaga na ang taong nagsangla ay ang siya mismong may-ari ng bagay na isinangla at maaari niya itong ipagbili o ipamigay. (Artikulo 2085, New Civil Code of the Philippines) Maliban dito, kailangan din na ang kasunduan ng pagsasangla ay nakarehistro sa Registry of Deeds ng lugar kung saan matatagpuan ang bagay na isinangla o, katulad sa inyong sitwasyon, kung saan matatagpuan ang isinanglang bahay. Ang dahilan sa likod nito ay upang maging binding ang nasabing kasunduan sa mga taong hindi partido ng kasunduang ito. Subalit kahit hindi nairehistro ang sanglaang naganap, mayroon pa rin itong legal na epekto sa pagitan ng mga partido. (Artikulo 2125, id)
Sa inyong sitwasyon, isinangla ang inyong bahay ng iyong mga magulang. Kung silang dalawa ang nagmamay-ari nito at malayang pinagkasunduan ang nabanggit na kontrata sa pagitan nila at ng taong napagsanglaan, masasabing balido ang naturang kasunduan. Kung kaya’t kailangan nilang magbayad ng napagkasunduang halaga bilang pagsasakatuparan sa kanilang kasunduan. Ang hindi pagtalima ng mga partido sa probisyon ng kanilang kontrata ay maaaring magbunga ng legal consequences. Katulad sa sitwasyon na inilapit mo sa amin, maaaring mailipat ang pagmamay-ari ng inyong bahay na isinangla sa taong pinagsanglaan kung hindi mababayaran ng iyong mga magulang ang kanilang prinsipal na obligasyon sa itinakda nilang panahon. Ayon sa Artikulo 2087, id, “It is also the essence of these contracts that when the principal obligation becomes due, the things in which the x x x mortgage consists may be alienated for the payment of the creditor.” Kung kaya’t kailangan mong ipaalala sa iyong mga magulang na magbayad sa tamang panahon, alinsunod sa kanilang napagkasunduan. Batid namin na mahirap kumita ng salapi sa panahon ngayon, ngunit kailangan ninyong tuparin ang pagbabayad ng utang nang sa gayon ay hindi mailipat ang pagmamay-ari ng inyong bahay sa taong inutangan ng iyong mga magulang.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta