Mangiyak-ngiyak na nagbigay ng kanyang eulogy si Manila Vice Mayor Isko Moreno (Francisco Domagoso) para sa namayapang si German “Kuya Germs” Moreno sa necrological services na ginanap kagabi, January 13, sa Studio 7 ng GMA Network.
Sa kanyang eulogy, nagbalik-tanaw si Isko Moreno kung paano siya nadiskubre noong 1993. Aniya, “After ng live broadcast ng That’s [Entertainment], meron nang audition. Nasa entablado ka, kukunan ka ng video, iinterbyuhin ka. Tinanong niya ako, ‘Marunong ka bang kumanta?’ ‘Hindi ho.’ ‘Marunong ka ba umarte?’ E, kapag hindi ko sinagot kung marunong ako umarte, hindi na ako matatanggap. So, sabi ko, ‘Marunong po.’ There’s a skit na gagawa ka ng character. Nagawa ko naman.”
Hindi na raw inaasahan ni Isko na mapipili siya out of 300 auditionees ng “That’s Entertainment”. “May dala silang shortlist. ‘Ikaw, ikaw… Bata, lalaki…’ Nung malalagpasan ako, ‘Sige na nga, ikaw na nga.’ If not for that opportunity, wala ako sa harapan ninyo ngayon. Malamang basurero pa rin ako… I am a nobody. But he gave me an opportunity,” nangigilid na ang luha ni Isko.
Ibinaghagi rin ni Isko ang mga turo sa kanya ng Master Showman noong nagsisimula pa lang siya.
Madalas na bilin umano ni Kuya Germs sa kanya ang pagiging propesyunal sa trabaho. “Pakatatandaan mo ito, ha? Mas mabuti nang ikaw ang naghihintay kaysa ikaw ang hinihintay.’ Palagi niyang sasabihin sa akin, ‘Huwag ka maging pasakit sa set. Sa bawat oras na pagde-delay ng artista, gumagastos ang producer. ‘At next time di ka na nila kukunin kasi pasakit ka.'”
Gayundin ang kung paano maging maingat sa kanyang mga kinikita. “Sabi niya, ‘Kasi alam mo, Isko, kapag nagka-wrinkles ka na, may papalit sa ‘yo na bata, mas guwapo sa ‘yo, mas magaling sa ‘yo. ‘Darating ang oras sila naman ang sisikat. Kaya dapat maghanda ka.'”
Huling nakitang buhay ni Isko si Kuya Germs nang samahan niya itong magpatingin sa doktor at noong December 27 nang bumisita ang bise alkalde sa opisina ng Master Showman sa GMA Network. Nagkausap din daw sila sa telepono isang araw bago ang bagong taon.
Nakatakda namang ihatid sa kanyang kuling hantungan si Kuya Germs sa Loyola Memorial Park sa Marikina City ngayong Huwebes, Januray 14.
Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores