ANG KANTA ng Sex bomb dancers na sumikat noon sa isang noon-time show ay maaaring maglarawan sa itinatakbo ng satisfactory rating ni Pangulong Noynoy Aquino. Sa isang linya ng kanta ay binanggit na “ispageting pataas, pataas nang pataas!” na maaaring naglarawan sa mataas na satisfactory rating noon ng Pangulo. Sa unang dalawang taon kasi ni PNoy ay pataas nang pataas ang naging resulta ng survey sa satisfactory rating ng Pangulo. Minsan na ring itinuring na pinakamataas na satisfactory rating ang nakuha ni PNoy na halos umabot sa +80.
Gaya ng isang linya rin sa kantang ito na “ispageting pababa, pababa nang pababa!”, ganito naman ang naging takbo sa mga sumunod na taon ng panunungkulan ng Pangulo. Sa ikatlong taon ay nagsimula nang bumaba nang bumaba ang satisfactory rating ni PNoy. Nito lang nakaraang Disyembre ay sumadsad muli ang rating ni PNoy sa +56 at +59. Patuloy ang pagbaba ng rating na ito at kamakailan lamang, nagsagawa ng bagong survey ang SWS sa satisfactory rating ni Pnoy mula March 1-7, kung saan sumadsad sa pinakamababang marka ng pangulo ang satisfactory rating ng +36 at +38.
Bakit nga ba patuloy ang pagbaba ng rating na ito? Bakit ba kahit anong gawin na “effort” ng administrasyong Aquino para muling bumango ang pangalan nito ay tila walang epekto sa tao ang lahat? May isang taon pang itatakbo ang administrasyon ni PNoy at maaaring mas bumaba pa ang kanyang satisfactory rating base sa mga nangyayari ngayon sa ating bansa.
MARAMING MGA political analysts at experts ang nagsasabing malaki ang kinalaman ng Mamasapano incident sa pagbulusok pababa ng satisfactory rating ng Pangulo. Ang hindi umano pag-amin ng Pangulo sa kanyang kamalian at responsibilidad sa naturang isyu ang labis na ikinagalit ng mga mamamayang Pilipino. Dagdag pa ang hindi paghingi ng “sorry” o paumanhin ni PNoy ang nagpaalab sa galit na ito ng mga tao. Lumalabas kasi na pinatutunayan lang ni Pnoy ang kanyang pagiging mayabang at saradong isip mula sa mga hinaing ng taong bayan.
Hindi katanggap-tanggap sa kulturang Pilipino ang pagiging hambog at mayabang. Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging mapagkumbaba at bukas ang isip sa mga kritisismo. Palibhasa’y nasanay tayo sa mga kalupitan at pang-aapi ng mga bansang sumakop sa atin. Natutunan natin ang pagpapakumbaba at pagtanggap ng mga kritisismo sa ating mga kamalian. Hindi ito nakikita ng mga tao ngayon kay PNoy kaya bagsak ang grading na ibinigay sa kanya.
Madalas ay pinagmumukha rin niyang hindi mahalaga ang mga sinasabi at damdamin ng mga mamamayan. Tanging mga kaibigan lamang ng Pangulo na nakasasama niya sa kanyang inuman at kabarilan ang kanyang pinakikinggan. Ipinakikita rin ni PNoy ang katigasan ng ulo nito at hindi pagpansin sa mga payo ng mga nakatatandang haligi ng ating politika sa bansa gaya ni dating Pangulong Fidel Ramos.
ANG SINUSULONG din na Bangsamoro Basic Law (BBL) ng administrsyong Aquino ang nakadaragdag sa pagbagsak ng kanyang satisfactory rating. Halatang-halata kasi na mayroong itinatagong motibo ang administrasyong Aquino sa pagmamadaling maipasa ang BBL. Nakaiirita rin ang ginagawang pananakot ng MILF at mismong mga inatasang representante ng gobyerno sa Bangsamoro committee panel, kung saan na iginigiit nila ang pagsiklab ng mas malalang giyera sa Mindanao kung hindi maisasabatas ng Kongreso at Senado ang BBL nang buong-buo.
Hindi ba malaking kalokohan ang ganitong argumento? Pananakot ito sa mga tao at pamahalaang Pilipinas. Ang isang napaka-ironic dito ay mismong gobyerno ang nananakot sa kanyang mga mamamayan. Pinipilit nilang gawing batas ang BBL nang hindi gagalawin o babaguhin ng ating mga mambabatas.
Kung ganito ang sistema ay parang bumabalik tayo sa panahon ni Marcos, kung saan ay hindi pinapahalagahan ang lehislaturang sangay ng pamahalaan. Matatandaan pa nating tuluyang giniba ni Pangulong Marcos ang Kongreso at Senado, kung saan ay ipinalit niya ang Batasang Pambansa na pinamumunuan din niya.
Halos ganito ang gustong palabasin ng administrasyong Aquino sa pamimilit na huwag baguhin at bawasan ang BBL na ginawa ng gobyerno at MILF. Inaalis nila ang kapangyarihan ng mga mambabatas ng gumawa ng batas. Nararamdaman ng mga tao ang pagka-atat ng Pangulo sa BBL kaya naman mababa ang ibinigay na grado rito.
ANG PATULOY na pagbaba ng satisfactory rating ni Pangulong Noynoy ay may malaking epekto sa susunod na liderato ng bansa. Marami na rin ang nagsasabi na hihilahin lang ng bumababang rating ni PNoy ang kandidatong kanyang iiendorso gaya ng naging epekto ng mababang rating noon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kandidatong kanyang sinuportahan. Sa katunayan ay pumangalawa pa si Joseph Estrada kay Noynoy Aquino noong 2010 presidential election.
Pinangangambahan din na baka mangyari kay PNoy ang sinasapit ngayon ni Arroyo na nakapiit dahil sa patung-patong ng mga kaso laban sa kanya. Kung hindi mananalo ang isang kapartido ni PNoy ay malamang na masampahan din ito ng maraming kaso at isa na rito ang isyu ng DAP. Kung magkakataon, ang mga survey sa satisfactory rating ng Pangulo ang magiging salamin sa kanyang kinabukasan pagbaba nito mula sa kapangyarihan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napanonood at napakikinggan sa Aksyon TV Channel 41 at 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo