ISANG LUMA nang modus operandi na ginagamit ng mga kawatan ng motorsiklo ang muling namamayagpag ngayon. Ang pinupuntirya ng mga kawatang ito ay ang mga motorsiklong nakaparada sa mga pay parking ng mga mall, airport, supermarket, ospital at iba pang business establishments.
Kung tutuusin, madaling maaktuhan ang mga sindikatong ito habang tangay nila ang mga ninakaw nilang motorsiklo kung hindi lang sana tanga ang mga nangangasiwa sa mga nasabing pay parking area.
O baka naman nagtatanga-tangahan lamang ang mga bantay na security guard dito sapagkat sila ay pasok din sa sindikato.
SUNUD-SUNOD NA naman ang sumbong na natatanggap ng Wanted Sa Radyo mula sa mga nawalan ng motorsiklo habang nakaparada sa loob mismo ng pay parking ang kanilang motor. Hawak pa nila ang kanilang parking stub nang magsumbong.
Ang nakawang ganito ay makailang beses ko nang paulit-ulit na pinasadahan sa WSR maraming taon na ang nakararaan para bigyang-babala ang mga nangangasiwa sa iba’t ibang pay parking area, lalo na ang mga security guard na nakaposte rito.
Pero tila ayaw talaga nilang umaksyon dahil hanggang ngayon wala pa rin ni isa sa mga kawatan na kumakana sa loob ng kanilang binabantayan ang kanilang naaaktuhan. Ang mga kawatan ang kusang nagpapalamig matapos ang sunud-sunod kong pag-eere sa kanilang modus operandi.
MAPAPANSIN NINYO bago kayo pumasok sa isang pay parking area – tulad na lang sa isang mall halimbawa – na pinabubuksan ang trunk o likuran ng inyong mga kotse o van para inspeksyunin bago kayo mabigyan ng parking stub.
At mapapansin ninyo rin na sa inyong paglabas pauwi hindi na pinabubuksan ang likuran ng inyong mga sasakyan. Dito nagkaroon ng ideya ang mga kawatan.
Papasok sila sa isang pay parking area dala ang isang malaking van gamit ang nakaw na plaka para kung sakali mang may CCTV roon, ‘di sila matutunton.
Pagdating sa loob ng parking area, tatapatan ng van ang mga kursunadang motor. At gamit ang mga instrumentong pamputol ng kadena o bakal na pang-lock sa motor, matatangay nila ang mga nakaparadang target nilang motor. Agad nilang isasakay ito sa loob ng kanilang van.
Sapagkat hindi naman iniinspeksyon ang mga sasakyang lumalabas ng mga parking area, madaling naipupuslit ng mga kawatan ang mga ninakaw nilang motor dito. Makailang beses na akong nagbigay noon ng suhestyon, at naiparating ko na ito sa noo’y SAGSDI at ngayon ay SOSIA, para alertuhan ang mga security guard na nagbabantay sa mga pay parking para makapag-ingat sa ganitong modus operandi.
Ang Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ay isang ahensya sa PNP na nagbibigay-lisensya at nangangasiwa sa lahat ng security agency sa bansa.
Simple lang talaga ang solusyon kung tutuusin. Dapat magkaroon din ng pag-iinspeksyon sa mga sasakyan partikular na sa mga van na lumalabas ng mga pay parking area. Kapag ipinatupad ito, nakasisiguro tayong wala nang mana-nakaw na motor sa nasabing mga lugar.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 p.m. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV Channel 41. Ugaliin ding manood ng T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 p.m. at ng Aksyon Weekend Balita tuwing Sabado naman, 6:30-7:00 p.m.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo, mag-text sa 0908-87TULFO, 0917-7WANTED, 0918-983T3T3 o 0949-4616064.
Shooting Range
Raffy Tulfo