SI PO1 BOUCHARD Ramos ay klasikong ehemplo ng isang istupidong hulidaper. ‘Di tulad kasi ng ibang mga kabaro niya na kapag nanghulidap ay mayroong game plan. Bago nila hinuhuli ang kanilang biktima, mayroon silang ginagamit na modus operandi tulad halimbawa ng pagpaplanta ng ebidensiya o dili kaya ay paggagamit ng kasabwat na magsisilbing complainant laban sa kanilang target para may dahilan silang dalahin ito sa presinto.
Sa kaso ni Ramos, kapag sa oras na sinumpong siyang manghulidap, basta na lamang niyang tinututukan ng baril ang kanyang biktima sabay na kaladkarin ito patungong presinto.
Noong April 4, ang taxi driver na si Emilio Vera ay papunta sa isang tindahan sa Pasay para bumili ng call card. Bago siya makabili ng call card, dalawang motor na lulan ang apat na pulis – ang tatlo ay nakasibilyan at ang isa ay nakauniporme – ay humarang sa kanyang dinadaanan. Bumaba ang isang nakasibilyan na ‘di naglaon ay nakilalang si Ramos at walang sabi-sabi, kinasahan at tinutukan siya ng baril.
Sinabihan siyang sumama sa presinto. Nang tanungin ni Emilio kung ano ang kanyang kasalanan, mura ang isinagot sa kanya. Walang magawa si Emilio kundi ang sumunod na lang.
Minaneho ni Ramos ang taxi, sakay si Emilio, habang nakasunod naman ang tatlong kasamahang pulis ni Ramos.
Pagdating ng presinto, dinala si Emilio sa isang kuwarto, at doon ay pinaghubo’t hubad. Sa puntong iyon pa lamang sinabi sa kanya na kaya siya dinala roon dahil pusher daw siya ng Shabu.
Kinalkal ng mga pulis ang mga bulsa sa kanyang mga damit pati na wallet at sinamsam ang kanyang perang P5,700. Kinuha rin ang kanyang cellphone at relo. Pagkatapos noon, inutusan si Emilio ng mga pulis na umikut-ikot habang sinusuri naman ng mga ito ang kanyang hubo’t hubad na katawan.
Nang walang makitang shabu sa bulsa’t katawan ni Emilio, hinalughog pa ng mga kasamahan ni Ramos – na nakilalang sina PO2 Richmond Tobio, PO1 Lolito Quintana at isa pang hindi nakikilalang pulis, ang taxi.
Walang nakitang Shabu sa taxi ni Emilio ngunit si-nabihan pa rin ito na siya ay dadalahin sa inquest fiscal at ipapakulong dahil sa hinala na siya ay isang drug pusher. Sinabihan din siya na kung ayaw niyang mabulok sa bilangguan magtawag ito ng kamag-anak para sumuka pa ng pera.
Sa takot na baka kaya ngang gawin iyon ng mga pulis, tinawagan ni Emilio ang kanyang kapatid at mangiyak-ngiyak siyang humiling dito na puntahan siya sa presinto at magdala ng halaga ng pera na makakaya niya.
Nagdala ng P7,500 ang kapatid ni Emilio at iniabot ito sa mga pulis. Saka pa lamang siya pinakawalan. Umabot sa P13,200 ang perang nahuthot ng mga pulis – hindi pa kasama rito ang cellphone at relo. Pagkalabas ng presinto agad na dumiretso si Emilio sa WANTED SA RADYO (WSR).
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm. Ito ay kasabay na mapapanood sa Aksyon TV – channel 41. Sa Cignal Cable ito ay nasa channel 1 at channel 7 naman sa Destiny. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED.
Ang ITIMBRE MO KAY TULFO ay mapapanood naman sa TV5, sa newscast na Balitaang Tapat, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 – 12:00. Ang text hotline dito ay 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo