MABUTI NAMAN at nahimasmasan itong si Kabataan party-list Representative Raymond Palatino at binawi na niya ang kanyang isinusulong na anti-God bill sa Kamara. Kapag kasi nakalusot ang istupidong panukalang ito at naging batas, bawal na ang anumang uri ng religious rites at relics sa lahat ng gusali ng gobyerno. Kasama na rito ang mga public schools at state universities.
Nang makapanayam ko si Palatino sa Radyo5 dalawang linggo na ang nakararaan, iginiit niya na ang layunin ng kanyang panukala ay para siguraduhin na sa lahat ng government building, mapapanatili ang separation of church and state. Nais din daw niya kasing magkaroon dito ng pantay-pantay na pagtingin sa lahat ng relihiyon at paggalang na rin sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos.
Sa madaling salita, nais ding kilalanin ni Palatino ang damdamin ng mga taong walang paniniwala sa Diyos. Kasama na rin dito, halimbawa, ang mga hindi naniniwala sa Diyos pero naniniwala naman kay Satanas – ang tawag sa relihiyon ng mga taong ito ay Satanic.
WALA AKONG nakikitang problema na ipagbawal ang anumang uri ng religious relics o ‘yung mga tinatawag na rebulto bilang pagrespeto sa ibang mga relihiyon na hindi naniniwala rito. Ngunit hindi na ako sang-ayon na pati ang Bibliya ay nais na ring ipagbawal ni Palatino sa lahat ng establisimyento ng gobyerno sa panukala niyang ito.
Pero ang labis na nakababahala sa akin ay pati ang mga katagang Diyos ay nais ding ipagbawal ni Palatino sa nasabing panukala. Ibig sabihin, maging ang panunumpa sa Bibliya ng mga taong isinasalang sa witness stand sa korte, halimbawa, ay bawal na rin. Dahil sa dulo ng panunumpa, binabanggit ang mga salitang “so help me God”.
Matapos ang aking panayam na iyon kay Palatino, binaha ang tatlong text hotlines ng aking programa mula sa mga listener na nag-react. Lahat ng mga texter ay umuusok sa galit at ang iba pa nga ay pinagmumura si Palatino.
MABUTI RIN naman at umatras si Pasay City Mayor Antonio Calixto sa kanyang balak na ipatupad ang 1999 pang ordinansa sa kanyang siyudad na nagpapataw ng buwis sa lahat ng nagmamay-ari ng mga aso at bisikleta. Kasunod nito, hiniling din ni Calixto sa konseho na i-repeal na rin ang ordinansang ito.
Nais kasi ni Calixto na makakalap daw sana ng karagdagang kita ang kanyang lungsod galing sa mga buwis na ibabayad ng mga nag-aalaga ng aso at gumagamit ng bisikleta. Salamat naman at nagbago ang isip ni Calixto.
Pero kung talagang nais ni Calixto na lumago ang revenue collection ng kanyang lungsod, makabubuti sigurong i-monitor niya ang mga casino sa Pasay, baka may mga tauhan siyang madalas tumatambay rito at nagpapatalo ng limpak-limpak na salapi gabi-gabi.
Kasi, kung meron man, malaking sayang din ang limpak-limpak na revenue na nakakalap ng lokal na pamahalaan ng lungsod mula sa buwis na ibinabayad ng mga casino na nakapaligid dito at naisusugal din lang pala sa mga casinong ito.
SIMULA SA araw na ito, mamayang 5:30pm muling mapapanood ang programang T3 “Kapatid, Sagot kita” sa TV5. Ito ay matapos katigan ng Court of Appeals ang petisyon ng TV5 na kinukuwestyon ang pagsuspinde ng MTRCB sa nasabing programa ng 90 days.
Maaasahang mapapanood nyo ang mas pinaigting, mas pinalakas at mas pinatapang na T3.
Shooting Range
Raffy Tulfo