LUNES SANTO na, parekoy, umpisa na naman ang kabi-kabilang penitensya ng ilan nating kababayan. Iba’t ibang estilo ang ginagawa nila para maipakita lamang ang pagtitika ngayong Mahal na Araw.
Para maipakita nila ang pakikidalamhati sa kamatayan daw ng Panginoong Hesus. May lumalakad nang paluhod, may humahampas at nagpapahampas sa kanilang likod. May lumalakad nang napakalayo o sumasabay sa prusisyon at hindi kumakain ng karne.
Pero ang pinakamatindi ay ang mga nagpapa-pako sa krus!
Hehehe, kumbaga, isang taon na gagawa ng kasalanan ang katumbas ng ilang araw na penitensya.
Sa mga magnanakaw, isang linggong lalamon ng pinagpawisan ng iba ang katumbas ng ilang araw na pagtitika.
Sa mga opisyal ng pamahalaan, isang taon na pangungurakot at pagpapasarap sa kaban ng bayan ang katumbas ng ilang araw na pagpapakatino raw!
Pero sa totoo lang, parekoy, sa panahon ngayon ay hindi na dapat nagpi-penitensya ang mga Pinoy.
Bakit? Aba eh, matagal na tayong nagpi-penitensya sa mga pangungurakot ng mga demonyong opisyal ng ating pamahalaan!
Wala nang silbi, ‘ika nga, ang ating mga pagpapahampas! Dahil matagal na tayong hinahambalos ng walang humpay na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin!
Wala nang k’wenta ang ating mga pagsusugat ng katawan! Dahil matagal na tayong sugatan sa pakikipagsabwatan ng mga taong-gobyerno sa mga hinayupak na may-ari ng mga kumpanya ng langis!
At lalong wala nang halaga ang ating pagpapapako sa krus! Bakit pa? Para que? Ano ang silbi? What for?
Aba eh, matagal na, parekoy… matagal na tayong naka-bayubay sa krus ng kahirapan na dulot ng mga eskriba’t pariseong taga-Malakanyang, habang ang ating mga tagiliran ay walang habag na sinusundot ng mga mapagkunwaring mga kongresista.
Na habang ipinapako nila si Corona sa hindi pagdedeklara ng mga pag-aari, sila man ay ayaw ring ilabas ang kani-lang mga SALN.
Tama na parekoy! Itigil na ‘yang peni-penitensya na ‘yan! Dahil mula pa noon ay araw-araw na tayong nagpi-penitensya sa sobrang kahirapan!
Isama na lang natin sa ating mga dalangin na sana… sa araw ng muling pagkabuhay ay muli tayong bigyan ng Diyos na panibagong kalakasan.
Panghanda, parekoy, sa darating na isang taon na naman na puro penitensya!!! Hu, hu, hu!!!
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09098992775/ 09166951891.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303