NAIS KONG MAGPASALAMAT nang taos-puso sa lahat ng mga nagtitiwala sa inyong SHOOTING RANGE at nagpapadala ng kanilang mga sumbong sa programang ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT), isang segment sa noontime newscast na Balitaang Tapat sa TV5.
Dahil sa inyong patuloy na pagtitiwala at suporta, sumipa ang ratings ng IMKT nitong mga nagdaang araw. Nag-steady na ito sa average na 20% pagdating sa audience share. Kung ikukunsidera na may mga kasabay itong mga sikat na noontime show sa dalawang karibal na istasyon, maituturing na ito ay isang extra ordinary accomplishment para sa isang baguhang newscast.
Patunay na marami sa inyo ang nagtitiwala sa IMKT dahil pagdating sa minute to minute rating, pumapalo hanggang sa 25% ang audience share pagdating sa segment na ito. Tulad halimbawa noong Miyerkules, March 16, pumalo ito hanggang 25.9%.
Dahil dito, mas lalo pang paiigtingin ng lahat ng bumubuo ng Balitaang Tapat at ng IMKT ang pagbibigay ng walang humpay at aksyon agad na serbisyo-publiko. Maraming salamat sa patuloy ninyong pagsuporta at pagtitiwala. Mabuhay tayong lahat.
BUKOD SA IMKT, isang public service show pa rin ng inyong SHOOTING RANGE sa TV5 ang dahan-dahang umuusbong ang ratings. Ito ay ang WANTED na mapapanood tuwing Biyernes, pagkatapos ng Aksyon Journalismo.
Nitong nakaraang dalawang Biyernes, hindi bumababa sa 15% ang audience share nito. Tulad ng IMKT, bago pa lamang ang WANTED – nasa 8th episode pa lamang ito noong nakaraang Biyernes.
At kung ikukunsidera rin na may mga kasabay itong mga matagal nang kilalang show sa dalawang kabilang istasyon, ang 15% ay maituturing na rin na isang magandang accomplishment.
LABIS-LABIS DIN ANG pasasalamat ng inyong SHOOTING RANGE sa lahat na patuloy na sinusundan ang programang WANTED SA RADYO (WSR) saan mang istasyon ito napapadako. Ngayon ito ay mapapakinggan na sa 92.3 News FM, 2:00 – 4:00 pm, Lunes hanggang Biyernes.
Maraming taon na ring namamayagpag sa ratings ang WSR, palagi itong nangunguna at consistent na nasa number one ang ranking pagdating sa timeslot nito.
Pero ang lahat ng ito ay dahil na rin sa inyong patuloy na tiwala at pagsuporta. Maraming salamat po.
MAMAYANG GABI, SA WANTED sa TV5, mapapanood ang episode tungkol sa pang-aabuso ng mga pulis sa Caloocan at ang kanilang mga “striker” o police aide.
Pinasok ng mga pulis ang bahay nina Jennylyn Cabuang kasama ang ilang mga armadong striker na mas kilala sa tawag na Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT). Walang dalang search warrant ang mga pulis na mga naka-jacket na itim at may bitbit na mga armalite, kasama ang ilang mga taga-BPAT na may mga dalang side arms naman nang pasukin nila ang bahay ng mga Cabuang.
Ang BPAT ay hindi nire-recognize ng mga taga-barangay dahil ayon na rin mismo sa mga kawani ng barangay, ang mga miyembro nito ay mga abusado at walang pagrespeto sa mga opisyales ng barangay lalo na sa mga tanod.
Panoorin kung paano inaksyunan ng inyong SHOOTING RANGE ang kasong ito.
PARA SA INYONG mga sumbong at reklamo, maaari ka-yong mag-text sa 0908-87-TULFO o 0917-7-WANTED. Maaari rin kayong pumunta sa action center ng WSR at WANTED sa 163-E Mother Ignacia Ave., Brgy. South Triangle, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo