MATAPOS ANG pagpupumilit ng German national na si Marc Sueselbeck na makapasok sa kinaroroonan ni PFC Joseph Scott Pemberton sa loob ng Camp Aguinaldo at hindi kilalanin ang pagiging sundalo ni Technical Sargent Mariano Pamittan dahil sa pagtulak-tulak nito rito ay gagawaran naman ng Arm Forces of the Philippines si Pamittan ng isang plaque of recognition o pagkilala sa kanyang pagiging propesyonal sa tungkulin. Ito ang hakbang ng AFP para suportahan ang mga sundalong nanatiling kalmado at nagpapairal ng tinatawag na maximum tolerance sa pagkakataong hinihingi ito ng kanyang tungkulin.
Mas malalim kung tutuusin ang isyu ng panunulak na ito ni Sueselbeck sa isang sundalong Pinoy. Sinasalamin nito ang kawalang respeto ng mga dayuhan sa ating bansa at mga mamamayan. Kung kayang itulak ng isang dayuhan ang unipormadong sundalo ay mas kayang gawin niya ito sa mga ordinaryong Pilipino. Kahit pa sabihing nagawa niya ito bunsod ng kanyang pagiging emosyonal sa mga pangyayari.
Ang artikulong ito ay tututok sa tila mababang respeto ng mga dayuhan sa ating batas at pamahalaan. Sisiyasatin natin ang pinag-uugatan ng kababaang respetong ito. May tatlong punto tayong babalangkasin upang masiyasat ang ating hinahanap.
Una ay may kinalaman sa ekonomiya, pangalawa ay sa isyu ng defence treaty at pangatlo ay ang politika. Ang tatlong puntong ito ang maaaring mga salik kung bakit tila nawawala ang respetong dapat ay mayroon tayo sa ating mga sarili bilang mga Pilipino.
WALANG DUDA na dapat parusahan ang dayuhang si Sueselbeck dahil sa kapangahasang ipinakita nito sa loob ng Camp Aguinaldo kung saan nananatili ang Amerikanong akusado sa kasong pagpatay kay Jeffrey Laude o mas kilala sa pangalang Jennifer na isang transgender. Bukod sa iligal na pagpasok nito sa Camp Aguinaldo dahil hindi pinahihintulutan ang mga dayuhan dito nang walang permiso mula sa administrasyon ng kampo, nagpakita rin si Sueselbeck ng kawalang respeto sa kapangyarihan at awtoridad ng AFP sa pag-akyat nito ng bakod kasama ang ilang kapamilya ni Jennifer. Seryoso ang paglabag na ito at dapat na ipatupad ang pangil ng batas ng Pilipinas sa dayuhang si Sueselbeck.
Ngunit gaya ng nabanggit ko kanina, may mas malalim na pinag-uugatan ang kawalang respetong ito ng mga dayuhan sa ating mga mamamayan at bansa. Maaaring ang ekonomiya ay isang salik sa isyu na ito. Dahil marami sa ating mga kababayan ang nasa iba’t ibang bansa sa buong mundo bilang mga manggagawa at kadalasan ay mga kasambahay pa ang marami sa kanila, ang pagtinging tayo ay mababa sa kanila ay napapaloob sa kaisipan ng mga dayuhang ito. Wala namang masama at kahamak-hamak sa pagiging OFW at kasambahay, ngunit ang kaisipang sila’y nakaaangat sa atin bilang mga tao ang siyang dahilan ng pagbaba ng kanilang respeto sa atin.
Kung ang ating ekonomiya ay malago at may mga trabahong maibibigay sa ating mga kababayan ay hindi na sila magpapaalipin pa sa ibang bansa. Tayo ay hindi na tatawag ng sir at madam sa mga dayuhan at hindi na nila tayo uutus-utusan na parang mga alipin. At kung ang mga dayuhang ito ay tutungo rito, hindi na nila iisiping mas mataas sila bilang tao kaysa sa atin. Magkakaroon sila ng pantay na kaisipan ng pagkatao sa pagitan nilang mga dayuhan at tayong mga Pilipino.
ANG PAGKAKAROON ng ugnayang militar ng Pilipinas at Amerika ay isang salik din ng pagbaba ng resperto ng mga dayuhan sa atin. Natural na iisipin nilang tayo ang may pangangailangan sa kanila dahil tayo ang mahina at may malaking kakulangan sa mga gamit pandigmaaan at kaalaman dito. Karaniwan nang mataas ang tingin nila sa kanilang mga sarili bilang dayuhan at sa atin ay mababa. Nag-uugat din ito sa kasaysayan ng ating mga ninuno nang sakupin tayo ng mga Kastila.
Mas bumababa pa ang tingin nila sa atin dahil sa umaasa ang marami nating kababayan sa Olongapo sa mga Amerikanong dumadaong ng kanilang mga barkong pangdigmaan. Ang pagbibigay ng aliw sa mga dayuhang sundalo bilang pinagkakakitaan ng mga tao sa Gapo at pagsahod ng kanilang mga kamay sa mga baryang dolyar na kanilang kinikita ay talagang nakabababang-uri.
ANG POLITIKA sa ating bansa ay isang salik din ng pagkawala ng respeto natin sa ating mga sarili. Hinahayaan nating tayo ay lokohin ng mga politikong kilala na nating nagnakaw at umapi sa atin ngunit patuloy parin natin silang iniluluklok sa kapangyarihan.
Galit-galitan lang tayo sa mga trapo o traditional politicians at political dynasty ngunit iilang pangalan lang ang nasa politika mula noon hanggang ngayon. Mga asawa at anak ay senador, kongresista, mayor, gobernador, bise gobernardor hanggang sa pinakamababang puwesto sa gobyerno ay magkakaanak lahat. Ang hayaang tayo ay lokohin at abusuhin at maniwalang puwede na ‘yan dahil wala namang iba ang sanhi ng tunay na kawalang-respeto sa sarili.
Kung hindi natin bibigyang-dangal at respeto ang ating sarili sa pamamagitan ng hindi pagpayag na tayo ay lokohin ng mga bulok at trapong politiko ay mahirap na asahan nating rerespetuhin tayo ng ibang lahi. Sabi nga ng mga matatanda, ang respeto ay dapat nagsisimula sa sarili.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo