NAPALUHA AKO sa sobrang awa at panghihinayang nang unang mapanood sa isang television news report ang kuwento ng pitong taong gulang na si Nicole Ella.
Si Nicole ay isang consistent honor student mula preschool hanggang Grade 1 na pinutol ang napakamurang edad at napakaganda sanang kinabukasan ng isang ligaw na bala sa kasagsagan ng kasiyahan sa pagsalubong nitong Bagong Taon.
Pagkatapos ng nasabing insidente, nagsulputan ang samu’t saring suhestiyon mula sa iba’t ibang grupo para ‘di na maulit pa ang karumal-dumal na krimen. May mga nagsabing dapat raw magkaroon ng total gun ban sa tuwing panahon ng Kapaskuhan. May mga nagmungkahi rin ng total gun ban sa lahat ng sibilyan. May mga nagkomento rin na dapat ipatigil na ang mga gun show sa mga mall.
Pero kung titignan ang datos, halos lahat ng mga tinamaan ng ligaw na bala sa buong isang taon ay na-ging biktima sa kasagsagan ng putukan sa pagsalubong sa Bagong Taon. Ito ay dahil nakakakita ng oportunidad ang mga trigger happy na walang habas na magpaputok ng kanilang baril ng hindi napupuna sapagkat naisasabay nila ito sa mga paputok ng firecracker.
‘Di tulad kapag sila ay nagpaputok ng kanilang baril sa isang pangkaraniwang araw na siyang babasag ng katahimikan ng kanilang komunidad at agad silang mapupuna ng kanilang mga kapitbahay.
Hindi ko na mabilang ang reklamong natanggap ng programa kong WANTED SA RADYO laban sa mga abusadong pulis at gun owner na nagpaputok ng kanilang baril sa isang pangkaraniwang araw.
Ngunit lahat sila ay agad na natutukoy at nakakasuhan. At sa dami ng bilang ng indescriminate firing na ito, wala pa akong matandaan na may mga nasawi maliban lang sa ilang mga inatake ng nerbiyos at nagalusan.
Ito ay marahil sa isang bala lamang ang kanilang pinapaputok sanhi ng kalasingan at kayabangan, ‘di tulad kapag sila’y nagpapaputok sa pagsalubong ng bagong taon na inuubos nila ang kanilang mga bala na parang wala nang bukas sanhi ng kasiyahan at paniniwala ng mapurol nilang kukote na kanilang pinagbabaril ang malas.
KUNG ANG nais natin ay matigil na ang pagkakaroon ng mga biktima ng ligaw na bala, at hindi mapunta sa wala ang alaala ni Nicole, kailangan nang tuluyang magkaroon ng total firecracker ban sa bansa lalo na sa Metro Manila.
Kung maipatutupad ito, matitigil na rin ang bilang ng mga biktima ng paputok. ‘Di na natin kinakailangan pang sa tuwing sasapit ang Bagong Taon ay mag-aalala kung tataas ba o bababa ang bilang ng mga madadala sa ospital dahil nasabugan ng firecracker.
Kung nagawa ito sa Davao City na ilang taon nang may total ban sa firecracker, bakit hindi kayang gawin ito sa mga siyudad dito sa Metro Manila kung saan naitatala ang may pinakamataas na biktima ng mga nasasawi at nasusugatan sanhi ng mga paputok at ligaw na bala sa tuwing pagsapit ng Bagong Taon?
Sa Davao City, wala kang mababalitaan na may tinamaan ng ligaw na bala o naputulan ng kamay o biktima ng anumang paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Anong meron sa Davao City na wala sa mga city mayor sa Metro Manila at sa ibang lugar? Ang sagot, political will ng namumuno.
Ang WANTED SA RADYO ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo