LINGID SA kaalaman ng marami, si Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon ay isang dating magaling na kolumnista. Pareho kaming nagsulat noon sa nagsarado nang pahayagang Iskandal.
Nang mga panahong iyon, si Ruffy ay isa ring magaling at respetadong representante ng Muntinlupa sa Kongreso.
Kapag may mga katiwalian akong binabatikos noon sa Wanted sa Radyo, nagte-text siya sa amin para magkumento at magbigay ng papuri.
Noon iyon. Ngayon, si Ruffy ang nababatikos sa mga pahayagan, radyo at telebisyon dahil sa talamak na katiwaliang nangyayari sa ahensiya na kanyang pinamumunuan. May mga bumabatikos din tungkol sa kanyang kakayahang linisin ang bureau at pataasin ang tuluy-tuloy na pagbagsak ng revenue collection nito.
Noong nakaraang Linggo, sa programa ni Dick Gordon na Duelo sa Aksyon TV, panauhin ang ilang pinuno ng alyansa ng mga magsasaka. Sa episode na iyon, binatikos si Ruffy dahil sa talamak na smuggling ng mga karne at iba pang farm products.
At dahil daw sa kapabayaan ni Ruffy, maraming mga magsasaka ang lalong nalulugmok sa kahirapan dahil hindi nila kayang makipagsabayan sa bagsak-presyo na mga karne, gulay at bigas na nagkalat ngayon sa merkado. Kaya ang kanilang mga produkto ay nabubulok na lamang dahil mas tinatangkilik ng mga mamimili ang sobrang murang smuggled na produkto.
ANG DATING sikat na mga bigtime smuggler ang siya pa ring namamayagpag sa Bureau ngayon. Ang mga smuggler na ito ay kakutsaba ng mga kawani ng BoC na matagal nang nanunungkulan dito bago pa man dumating si Ruffy.
Ang mga kawaning ito ang bumubulag kay Ruffy. May ilan pa ngang mga taga-Bureau ang nagsasabing tinatadtad daw ng bukol ang kanilang Commissioner. Ang salitang bukol ay madalas na ginagamit ng mga taong kalye upang tukuyin ang ‘di patas na hatian at pangungupit sa isang tao ng kanyang mga kasamahan.
In fairness naman kay Ruffy, ilan na ring mga kawani ng Bureau ang kanyang sinibak matapos mapabalitang ginagamit ang kanyang pangalan sa kalokohan.
Kamakailan, pumutok sa balita ang tungkol sa ilang container ng mga smuggled na bigas na naharang sa Pier.
Pero ayon sa ilang mga taga-Bureau, ito ay ginamit na trophy lamang daw para makabawi sa mga sunod-sunod na batikos na tinatamo ng BoC mula sa mga magsasaka.
NOONG MGA nakaraang buwan, tahasang sinabi ni P-Noy na si Ruffy ay isa sa mga sigurado nang makakasama sa senatorial slate ng administrasyon sa darating na 2013 elections. May ibig sabihin dito si P-Noy na mukhang hindi nage-gets ni Ruffy.
Si P-Noy kasi ang presidente na hindi marunong magsibak ng tauhan nang diretsuhan. Idinadaan niya ito sa mga pahiwatig at bahala na ang taong pinahihiwatigan niya kung ito ay marunong makaramdam.
In fairness kay Ruffy, hindi niya hinangad ang puwesto sa Bureau, ito at inalok sa kanya. Pero ngayon na hindi na gusto ni P-Noy ang pamamalakad ni Ruffy sa BoC, nagpapahiwatig na ito at inaalok si Ruffy ng graceful exit sa pamamagitan ng pagtakbo sa Senado.
Commissioner Ruffy, alam kong isa kang taong may prinsipyo at naniniwala akong ‘di pa rin ito nawawala dahil lamang sa mga pagsusubok at tukso na naranasan mo sa BoC. Huwag mong tanggihan ang alok ni P-Noy na graceful exit kundi, iisipin ng mga tao na kapit-tuko ka sa puwesto. At ang magi-ging katanungan nila ay bakit? Bago pa sa filing ng deadline sa Comelec ng Certificate of Candidacy, give it up my friend.
Shooting Range
Raffy Tulfo