IT’S TRUE! Hindi fake news na trending sa Netflix ang pelikulang ‘UnTrue’ na pinagbibidahan nina Xian Lim at Cristine Reyes na mula sa direksyon at panulat ni Sigrid Andrea Bernardo (Kita-Kita, Ang Huling ChaCha ni Anita, Mr. and Mrs. Cruz).
Masaya kami dahil hindi namin napanood ang pelikula nang magkaroon ito ng regular theater run noong Pebrero. Maagang na-pull out ang pelikula dahil na rin sa epekto ng Covid-19 pandemic scare, na kahit wala pang in-implement na Enhanced Community Quarantine o ECQ ay hindi na kampante ang mga moviegoers na makipagsapalaran sa mga sinehan.
Panalo ang ‘UnTrue’ dahil sa over-all experience ng manonood habang pinapanood sina Joachim (Xian Lim) at Mara (Cristine Reyes). Sa He-Said-She-Said film na ito ay mapapaisip ka kung sino nga ba ang nagsasabi ng totoo sa kanilang dalawa? Dagdag pa suspense ng pelikula ang naturally quaint and gloomy location na T’blisi, Georgia. Sa nasabing bansa ay 30 lamang ang mga Pinoy at lahat sila ay nakilala at nakausap mismo ng direktor bago sila nag-shooting ng pelikula.
Ngayon ay gets na namin kung bakit hindi pinakawalan nina Xian at Cristine ang proyekto. Hindi sila ang original choices para sa lead roles (Intended dapat ito kina Claudine Barretto at Mark Anthony Fernandez – grand reunion movie sana nila), pero halatang ibinigay nila ang lahat para magampanan ng tama ang kanilang papel. Dahil sa performance ni Cristine sa pelikula ay nanalo na ito bilang Best Actress sa Porto International Film Festival sa Portugal.
Mahirap magbigay ng maraming detalye dahil baka maging spoiler pa ito, ngunit may special participation dito si Rhen Escano na hindi rin naman nagpahuli sa dalawang mas beteranong lead stars.
Deserve na deserve ni Cristine ang kanyang parangal at hindi na kami magtataka kung manominate rin ito at manalo sa ating local award-giving bodies. ‘Di na rin kami magtataka kung makakuha ng Best Actor nominations si Xian at Best Supporting actress naman para kay Rhen Escano.
Congratulations kina Xian, Cristine, Rhen at lalong lalo na sa direktor/writer nito na si Sigrid Andrea Bernardo. Sana’y gumawa ito ulit ng suspense-thriller films dahil mas kailangan natin ng mas maraming Pinoy films na ganito ang genre. ‘Yung tipong mapapakapit ka na lang at mapapaisip kung sino nga ba ang tunay na kontrabida sa kuwentong ito?
Panoorin na ang ‘UnTrue’ sa Netflix! Kung hindi ito available sa bansang kinaroroonan ninyo, kalampagin niyo na ang Netflix sa kanilang social media accounts! Pak!