NAGSISIMULA PA lang i-enjoy ni Iwa Moto ang pagi-ging pinakabagong co-host ni Willie Revillame sa Wil Time Big Time, tila namimiligrong mamaalam na kaagad siya sa top-rating primetime show ng TV5. Balitang sumulat daw kasi ang GMA-7 sa Wil Productions at sa Kapatid Network para ipagbigay-alam na may kontrata pa pala sa kanila ang young actress.
Siyempre sa ganitong usapin, gustuhin man ng Wil Production o ng management ng Singko na magpa-tuloy sa pagko-co-host si Iwa sa Wil Time Big Time, kung magkakaroon naman ng sabit pagdating sa legal aspect, wala silang magagawa.
Katuwiran naman ni Iwa, walong buwan daw siyang hindi nabibigyan ng trabaho sa Siyete. Kaya nang alukin siya to co-host with Willie, go kaagad siya.
Lambing na tanong nga ni Iwa kay Willie, sakali bang talagang kinakailangan niyang huminto sa pagku-co host sa Wil Time Big Time nang dahil sa existing contract niya sa GMA, puwede raw ba siyang bumalik in case hindi pa rin siya nabigyan ng trabaho sa Siyete?
Siyempre ang sagot ni Willie, bakit hindi. ‘Yon nga lang, kung wala nang problema when it comes to legalities or technicalities.
Katuwiran pa ni Willie, lagi naman daw nandiyan ang Wil Time Big Time para magbigay ng oportunidad sa sinumang kuwalipikadong gustong maging bahagi ng show.
At ito nga ang labis na ipinagpapasalamat naman daw ni Iwa. Sa sandaling panahon pa lang ng pagku-co host niya sa programa, talagang na-enjoy umano niya ito. Masaya raw siya na napatunayan niyang hindi lang siya sa pa-sexy at pagpu-portray ng mga kontrabida roles puwede kundi maging sa paghu-host din.
In fairness, magaling ngang mag-host si Iwa. Nakakasabay siya nang bonggang-bongga sa hosting kina Willie at Mariel.
Ano kaya kung magpa-relase na lang siya sa GMA-7? Kung gano’ng sa Wil Time Big Time at sa TV 5 siya nakaramdam ng kakaibang saya.
EXCITED DAW si Heart Evangelista sa pagsisimulang umere ng Legacy, ang pinakabagong primetime series ng GMA 7 kung saan isa siya sa cast.
Binigyang-linaw ni Heart ang isyung nagplano na silang pakasal ng boyfriend niyang si Daniel Matsunaga for this year pero biglang nag-decide umano silang huwag na lang munang ituloy.
“No. That’s not true. Iyon ‘yong something na ayaw naming pag-usapan or sabihin kasi, ang priority namin, trabaho.”
Hindi ba siya nao-offend na may ibang lagi na lang parang ini-small si Daniel kapag tungkol na sa financial aspect ang napag-uusapan? Na galing siya sa isang mayamang pamilya at alangan ang Brazilian-Japanese model-actor sa kanya?
“Sila naman ‘yong mga mukhang ano, eh. Kasi sila ‘yong may ibang ugali kaya sila ang dapat na ma-offend.”
Nahi-hurt ba siya sa gano’n?
“Of course, I’m hurt. Pero, kung sino naman ‘yong inaapi, ‘yon naman ang ibi-bless. So, okey lang na maliitin siya (Daniel). Pero grabe naman ang blessing niya, eh. Okey lang.”
Mas napapamahal pa si Daniel sa mga gano’ng pagkakataon?
“Oo. Siyempre. Oo.”
Paano kung biglain siya ni Daniel na mag-propose na lang one of these days?
“Hindi niya ako puwedeng biglain! Ha-ha-ha! Huwag muna. Ayoko. No. Not yet. Cannot be! And he’s too young pa also. 23 lang siya.”
Nangyayari sa ibang magka-relasyon, nauuna ang baby kesa sa kasal.
“Ah, my God, hindi ah! Pero kung mabubuntis ako, mabubuntis ako, ‘noh? But, no. I’m very careful. RH bill, you know!” natawa ulit na biro ni Heart.
“Don’t forget the RH bill. Also the anti-abortion. Na, you know, you should be responsible. Kung hindi pa panahon, huwag muna. Yeah! Be careful. And be responsible.”
Ganyan?
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan