HINDI RAW big issue kay Iza Calzado ang billing nito sa pelikulang Ang Panday 2 na entry ng Imus Productions at GMA Films sa taunang Metro Manila Film Festival. Mas partikular daw si Iza sa trabaho, mas mahalaga raw sa kanya na may trabaho siya kaysa bigyang-pansin ang tungkol sa billing.
Alam naman daw niya na hindi siya pababayaan ng kanyang home studio, ang GMA-7 na siyang may-ari ng GMA Films at ng Imus Production ni Sen. Revilla pagdating sa billing, kaya naman daw hindi niya ito pinu-problema.
“Wala talaga akong… hindi naman kasi ako particular diyan. Mas particular ako sa trabaho ko. Eh, ‘yan ang binigay nila sa akin. Kung may reklamo kayo, kayo na lang ang magreklamo para sa akin,” pabirong pahayag ni Iza.
“Basta ako, okay na ko. Kapag napanood ko siya, matinu-tino naman ang ginawa ko. Mas okay na ko sa ganoon kesa naman, hindi maganda ang pagtatrabaho ko. Ayoko no’n.”
Proud daw si Iza to be part ng Ang Panday 2 dahil sa mataas na quality ng kanilang movie na trailer pa lang ay hinahangaan na ng mga nakapanood nito.
“Proud ako, of course. Noong nagda-dub ako kagabi, ang ganda ng effect. It’s like a good film. I’m happy. Sana mag-number one,” patapos na pahayag ni Iza.
NAGULAT DAW ang CEO/President ng Focus E na si kaibigang Joy Cancio sa lumalabas na balita na kesyo nagtatago raw siya at naghihikahos na sa buhay sa pagkawala ng kanyang show sa GMA-7, ilang buwan na ang nakakalipas.
Ayon kay Ms. Joy, papa’no naman daw mangyayari na nagtatago siya ay araw-araw siyang nakikita sa “Happy Yipee Yehey, kung saan head choreographer siya rito. Kaya naman daw sa nagsasabing nagtatago siya, punta lang daw ang mga ito sa ABS-CBN sa oras ng nasabing noontime variety show at makikita siya roon.
Tungkol naman daw sa naghihikahos na siya sa buhay, hindi naman daw sa naghihikahos, mahirap talaga ang buhay ngayon at hindi lang naman daw siya ang nakakaramdam nito kung hindi ang buong Pilipinas. Pero malaking kawalan din daw para sa kanyang kumpanya ang pagkawala ng kanyang show sa GMA-7, ang Daisy Siete, na tumakbo ng kung ilang taon bago ito napalitan ng Danz Showdown na maaga ring namaalam.
Nakaka-survive pa rin naman daw siya at nandyan pa rin ang kanyang Focus E na siyang humahawak sa career ng Sex Bomb Girls, kung saan ang iba ay sumasabak na rin sa pagso-solo like Mia Pangyarihan (Amaya), Sunshine Garcia (Banana Split), Aira Bermudez (Party Pilipinas), child star na si Julian Trono, atbp.
PINASOK NA rin ang showbiz via Asiong Salonga ng anak nina Gov. ER Ejercito at Maita Sanchez na si Jericho Ejercito Estrada, kung saan ginagampanan nito ang batang Asiong Salonga na ayon na rin sa trailer na napanood namin ay pasado ang acting at napakaganda ng rehistro ng mukha nito sa screen.
Puwedeng-puwede nga itong makipagsabayan sa mga baguhang aktor ngayon sa industriya at hindi ito padadaig pagdating sa pag-arte at ganda ng mukha na artistang-artista ang dating.
At kahit nga in person, guwapo ito at laging may nakahandang ngiti sa mga press people na nag-i-interview sa kanya . Tsika nga ng ibang kapatid sa panulat na papabol daw ang dating sa kanila ng guwapitong anak ni Gov. ER.
Tsika nga ni Jericho na dream come true para sa kanya ang pagkakasama niya sa pelikula ng kanyang ama. Kaya naman daw thankful ito sa kanyang Daddy ER at Mommy Maita, dahil binigyan siya ng pagkakataong maka-arte at makasama sa Asiong Salonga na mapapanood na sa Dec. 25.
John’s Point
by John Fontanilla