NAKAUSAP NAMIN si Iza Calzado sa set ng Mga Mumunting Lihim, kung saan isa siya sa apat na bida kasama nina Janice de Belen, Judy Ann Santos, at Agot Isidro. Ayon kay Iza, masaya siya dahil sunud-sunod na pelikula ang gagawin niya ngayong taon. Una na nga rito ang Mga Mumunting Lihim na entry sa Cinemalaya 2012, directors’ showcase under Direk Joey Javier Reyes.
Nakapag-shoot na rin si Iza para sa third installment ng John Lloyd Cruz-Sarah Geronimo movie, ang sinasabing blockbuster tandem ngayon. Tanong namin sa kanya kung siya ba ang magiging ‘the other girl’ sa puso ni Lloydie sa movie, pero sabi niya, hindi pa siya puwedeng magbigay ng detalye.
Aniya, “Basta ako sobrang masaya at makakasama ko ang blockbuster duo nina John Lloyd at Sarah.”
MAS PULIDO na ‘ika nga ang pagiging ‘best actor’ ni Edgar Allan Guzman dahil dalawang beses na siyang ginawaran ng award sa kanyang magaling na performance sa Cinemalaya entry niya last year na Ligo Na U, Lapit Na Me. Una na nga riyan ang kanyang parangal bilang best actor sa 2011 Cinemalaya, New Breed Category at ang pangalawa ay sa katatapos lamang na 9th Golden Screen Awards, kung saan ginawaran naman siya ng Best Actor in a Leading Role Musical or Comedy ka-tie ang isa pa ring Kapatid star na si Martin Escudero para naman sa Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington.
Nakaugnayan namin si Edgar sa pamamagitan ng text messaging kahapon ng tanghali at nagpaabot kami ng pagpupugay sa kanyang pagkapanalo. Isang mabilis na sagot ng pasasalamat naman ang agad ang itinugon ni Edgar sa text namin.
Ano ba ang naramdaman niya ngayong dalawang beses nang na-recognize ang acting niya sa Ligo Na U, Lapit Na Me? “Ang sarap ng feeling ng pagkapanalo ko ulit ng award for best actor. Nakaka-proud and mas lalo akong na-inspire para mas pagbutihan ko pa ‘yung talent ko sa pag-arte.”
Dagdag pa niya, “Ipinagpasalamat ko sa daddy ko, sa family ko, dahil sila ang naging inspirasyon ko. Kay Sir Noel (Ferrer, his manager), dahil nagtiwala siya sa akin and sa walang sawa niyang suporta.”
Hindi naman daw magiging dahilan ang kanyang pagkapanalo upang maging mapili na siya sa mga proyektong tatanggapin. Aniya, “Ay hindi po, sabi ko nga before, kahit anong ibigay sa akin na role basta maipakita ko ‘yung talent ko sa pag-arte, go ako.”
NAKAUSAP NAMIN ang miyembro ng XLR8 na si Arkin del Rosario via Facebook messaging kung saan nilinaw namin sa kanya kung may katotohanan nga ba ‘yung mga tsismis na iiwan na niya ang grupong XLR8? Lumabas kasi ang ganu’ng mga isyu sa mga internet sites kaya minarapat naming kunin ang kanyang panig tungkol dito.
Ani Arkin, “Meron nga po akong naririnig at nababasa sa mga dyaryo,internet sites na iiwan ko raw ang XLR8 dahil siguro sa mga solo projects na naka-line up sa akin. Nag-start po yata nu’ng nag-guest ako sa TV5 show na Untold Stories, tapos sunud-sunod na po na solo projects. Sa ganyang bagay po, manager ko po ang bahalang magdesisyon d’yan or VIVA. Siyempre sila po ang may hawak ng career ko po at susunod lang po ako bilang artist. Kung ano man siguro ‘yung ikabubuti ko, yun’ yung gusto nila para sa ‘kin.”
Masaya naman niyang ibinalita sa amin na may gagawin siyang international indie film. Aniya, “Yes, may gagawin po akong indie film na ipalalabas din sa Indonesia. ‘Mohammad at Abdulla’ po ang title. Makakasama ko po rito si TeeJay Marquez bilang Mohammad at gagampanan ko naman po ang Role na Abdulla. Istorya po ito ng dalawang magkababata na mag-bestfriend, lumaki sila nang sabay at karamay ang isa’t isa sa lahat ng bagay. Basta maganda ang twist ng istorya nito, saka may mapupulot na aral ang mga manonood. Kakaiba siya for me at challenging ‘yun role ko rito. Kaya nagpapasalamat po ako sa tiwalang binigay sa akin ng producer namin, consultant, at ni Kuya Germs dahil isa po ako sa napili nilang gumanap dito sa project na ito.”
Congrats
and goodluck!
Sure na ‘to
By Arniel Serato