MUKHANG MAGANDA ANG magiging pagtatapos ng 2010 ni Iza Calzado, dahil bukod sa pamamayagpag ng show nitong Beauty Queen sa rating game at pagiging new face of Sabella na pag-aari nina Mr. Ramon Sabella at Mr. Joel Cristobal, balitang gagawa ito ng pelikula sa Thailand, kung saan magiging leading lady ito ng Thailand Superstar na si Ananda Everingham, itinuturing na Robin Padilla ng nasabing bansa.
Nag-usap na raw ang kampo ni Iza kasama si Direk Tikoy para sa posibleng pagsasama sa isang proyekto ni Iza at Ananda nang bumisita rito ang sikat na aktor. Pero ayon sa Sabella image model, ayaw pa raw nitong idetalye o pag-usapan ang nasabing proyekto hangga’t hindi pa plantsado ang lahat.
Bahala na raw ang GMA Artist Center at si Direk Tikoy ang magbalita nito kapag tuloy na tuloy na. Basta sa ngayon daw, happy si Iza sa magandang takbo ng kanyang career.
WALA RAW BALAK makipag-agawan sa pagiging prinsesa ng drama ang young star at isa sa pambato ng tweenstars na si Bea Binene, dahil mas trip daw nito ang maging action star para na rin daw magamit nito ang kanyang galing sa martial arts.
Sa mga kapanabayan kasi ni Bea, siya lang ang may angking talent sa martial arts, kung saan bata pa raw ito ay nag-a-undergo na ng training sa Wu Shu na natutunan na nga nitong mahalin. Kaya naman daw kahit busy ito sa trabaho,hindi nito kinakalimutang mag-Wu Shu paminsan-minsan na maari niyang magamit everytime na kakailanganin sa eksena. Kung mabibigyan nga raw si Bea ng solo project, may temang aksiyon ang gusto nitong proyekto. Ibibigay na lang daw nito sa iba niyang mga kasamahan ang titulong Drama Princess at sa kanya na lang daw ang titulo ng Prinsesa ng Aksiyon sa bakuran ng Kapuso Network.
Sa ngayon, regular na napapanood si Bea sa Party Pilipinas at Tween Hearts.
SA NAGLIPANANG YOUNG actor sa ngayon, isa sa may malaking potential na sumikat at makilala ay ang Fil-Am na si Ivan Dorschner kung pagbabasehan ang looks at dedikasyon sa trabaho. Bilang paghahanda nga raw sa mga trabahong ibibigay sa kanya ng ABS-CBN, nag-aaral na mag-Tagalog si Ivan. Kaya naman kung dati-rati ay English ang sagot nito ‘pag tinatanong, ngayon ay medyo matatas na ito sa Pananagalog.
Sa ngayon, dalawa na ang regular shows ni Ivan, ang Shout Out, kung saan napapanood siya tuwing Thursdays at Fridays, at ang malapit na ring mapanood na teen show ng Dos, ang Good Vibes.
John’s Point
by John Fontanilla