HINDI RAW NAIWASANG manlamig at pagpawisan ng isa sa bida sa bagong soap ng TV5 na Mga Nagbabagang Bulaklak na si Arci Muñoz sa ilang ulit na kissing scene nila ni Victor Basa.
Tsika ni Arci, ito raw kasi ang kauna-unahang kissing scene niya on-screen, kaya naman ninerbiyos siya ng husto. Pero thankful daw siya kay Victor dahil very gentleman ito at hindi nag-take advantage. Ang aktor raw ang nag-guide sa kanya para mas maging maganda ang nasabing eksena.
In good taste daw ang nasabing eksena. Pero hindi pa raw ready talaga si Arci sa mas matitinding halikan sa telebisyon. Ayaw raw kasi nitong maapektuhan ang planong pagsali sa Binibining Pilipinas next year.
TOTALLY OUT NA pala sa Sexbomb ang original member nito na si Rochelle Pangilinan. Solo flight na raw ito ngayon, kaya naman medyo nalungkot ang magaling na dancer-singer-actress. Desisyon daw ito ng Focus E ni Joy Cancio. At inayunan naman ito ni Rochelle. Kunsabagay, matagal-tagal na rin naman siyang nagsosolo.
Kasama si Rochelle sa epic-serye ng GMA-7, ang Amaya, kunsaan ga-gampanan niya ang isa sa kapatid ni Marian Rivera na siyang bida sa programa.
Bukod dito, regular pa ring napapanood si Rochelle sa Party Pilipinas tuwing Linggo at sa Show Me Da Manny. Marami ring out-of-town at mall shows si Rochelle.
VINDICATED ANG GMA Artist Center star na si Jackie Rice sa balitang hindi natuloy ang kanyang pagbibidahang afternoon soap na Sisid. Hindi raw matutong sumisid si Jackie, kaya raw nagdesisyon ang management na huwag na muna itong ituloy at unahin ang My Lover, My Wife ni Maxene Magalona.
Pero sorry na lang sa mga bumabatikos sa aktres, dahil tuloy na tuloy na ang pagsisid ni Jackie. Makakasama niya pa rito ang mga hunks na sina JC Tiuseco, Ian Batherson at Dominic Roco, with Rich Asuncion as her kontrabida.
Ito raw ang maituturing ni Jackie na very challenging role niya at proyektong napunta sa kanya. Aminado naman kasi siya na hindi siya marunong lumangoy. Pero dahil mahal niya ang kanyang trabaho at gusto talaga niyang ma-push ang proyekto, kaya ginawa raw niya ang lahat ng kanyang makakaya para matutong lumangoy at sumisid.
JAPANESE PERO PUSONG Pinoy ang international actor na si Jacky Woo. Pruweba na ang matagal niyang pamamalagi sa Pilipinas at ang pagkuha sa mga Pinoy talents para mapasama sa kanyang mga proyektong ginagawa. At everytime na may gagawin itong international film, lagi niyang iniri-request sa kanyang producer na kumuha ng Pinoy actors at subukang mag-shooting sa Pilipinas.
Kapag walang project si Jacky sa’Pinas, sa ibang bansa naman siya gumagawa ng movie. Pero, take note, kahit saang bansa siya magpunta ay inaalok niya pa rin ang foreign producers na sa ‘Pinas mag-shooting dahil napakaganda raw ng ating bansa. Isang pelikulang ginawa niya sa bansa at nakasama sa Osaka Asian Film Festival ang Liberacion.
John’s Point
by John Fontanilla