ISANG MODUS operandi na ginagamit ng mga mandurugas para sa mga mahihilig makipag-chat sa internet ang nagiging talamak ngayon. At sa kabutihang palad para sa mga kawatang ito, marami ang minamalas at nagiging biktima nila.
Magpapakilala ang grupong ito sa kanilang mga chatmate bilang isang working professional na foreigner na nakabase sa Amerika. ‘Pag naging kampante na sa kanila ang kanilang mga ka-chat – pagkalipas ng ilang linggo – pa-ngangakuan ang mga ito na reregaluhan ng laptop computer.
Pagkaraan ng ilang araw, masosorpresa na lamang ang napangakuang chatmates pagkatapos makatanggap ng isang e-mail mula sa nagpapakilalang empleyado ng Bureau of Customs sa NAIA.
Sa nasabing email, nakasaad na may package na ipinadala sa kanila ang kanilang ka-chat na foreigner. Ang laman daw ng package ay hindi lamang mamahaling laptop computer kundi pati cash na $1,000. Pero bago nila ma-claim ang kanilang package, kinakailangan daw nilang magbayad ng unpaid duties and taxes nito na ang computation ay u-mabot sa P25,000.
Tiyempo namang magpapadala ng mensahe ang foreigner kuno sa kanyang mga ka-chat na napadalhan ng package na ang $1,000 na nakalakip ay para raw talaga sa duties and taxes na sadyang hindi niya binayaran sapagkat hindi raw niya alam ang tax computation sa ating bansa.
Nakasaad din sa e-mail ng nagpapakilalang taga-Bureau of Customs na kailangang ipadala ang P25,000 sa Western Union. At sa oras na matanggap ang bayad na ito, makakatanggap daw agad ng claim number ang package recipient sa pamamagitan pa rin ng e-mail.
Sa pag-aakala na kapag sila ay nagpadala ng P25,000 sila’y makaka-jackpot dahil bukod sa may laptop computer na, may ganansiya pa sila mula sa cash na $1,000 – kaya agad silang magpapadala ng pera.
Pagkatapos nilang makapagpadala ng pera’t makatanggap ng claim number at tumungo ng Bureau of Customs, doon pa lamang nila malalaman na ang kanilang inaasam na jackpot ay isa palang malas.
ISA NAMANG modus operandi sa text messaging na kalalakihan ang tinatarget na biktima ng mga kawatan ay nagiging talamak na rin.
Ang text message na ipinapadala ng grupo sa mga random number ng cellphones ay “hello poh”. Kapag may mga sumagot sa kanilang mga napadalhan at nabatid nilang ito’y mga lalaki, magpapakilala ang kunwari’y naligaw na texter na isang dalagitang estudyante sa probinsiya na gustong makipagkaibigan.
At kapag may mga kumagat sa patibong na ito, makakatanggap sila ng litrato mula sa internet ng nagpapakilalang dalagita. Ang litratong ito ay larawan ng isang maganda at animo’y inosente ngunit kaakit-akit na batang babae.
Kapag naging regular na textmate na ng mga target na biktima ang “dalagita”, sasabihin ng huli sa una na siya’y pilit na ipinapakasal ng kanyang amain sa isang matandang mayamang lalaki na kinasusuklaman niya kaya humihingi siya ng saklolo.
Ang ibig sabihin ng saklolo ay magpadala ng halagang P3,000 ang ka-text ng “dalagita” para ito ay may pamasahe at panggastos sa kanyang pagtakas paluwas ng Maynila kung saan mayroon daw siyang mga tita.
Pagkatapos makapagpadala ng P3,000, magugulat na lamang ang textmate ng mga “dalagita” dahil makakatanggap sila ng text mula sa nagpapakilalang amain nito. Sasabihin ng amain kuno na dismayado na siya sa lalaking pilit na ipinapakasal niya sa anak niyang “dalagita” at nasusuklam na rin daw siya sa suwail na anak niyang ito.
Kung nais daw ng ka-text ng kanyang anak, magpadala ito ng P10,000 bilang dowry para sa “dalagita” at kanyang-kanya na ito. Nakakalungkot dahil maraming mga tanga ang napapaniwala.
Shooting Range
Raffy Tulfo