SA DIGITAL mediacon para sa drama-thriller movie ng Vivamax na Tahan ay nagpaalala ang Cannes best actress na si Jaclyn Jose sa mga magulang na huwag gamitin ang kanilang mga anak na puhunan para magkaroon maginhawang buhay.
Nasabi ito ni Jaclyn dahil ang istorya ng Tahan ay tungkol sa isang ina na ipinasok ang sariiing anak sa prostitusyon para kumita ng pera. Si Jaclyn ang ina sa pelikula at si Cloe Barreto naman ng gumaganap na anak.
“Huwag nating gawing puhunan ang ating mga anak sa kabuhayan, sa kinabukasan. Hindi nila problema ang naging problema ng magulang,” paalala ni Jaclyn.
Dugtong niya, “It is the responsibility of the mother or the parents to take care of their children, not the other way around, kasi bata pa ang mga yan. Dapat yan inaaruga mo pa. Inaalagaan mo pa at tinutulungan.”
Aware ang award-winning na maraming ganitong pangyayari sa Pilipinas lalo na sa entertainment world.
“I’m sorry to say this, pero hindi lang sa Pilipinas, sa buong mundo, ginagawang puhunan ang ating mga anak para sa ating magandang buhay — pageant, kung anu-anong reality show whatever, ipino-post yung mga bata. Younger age ito ha?
“So, parang prostitution na rin yon, di ba? That is so sad. Siguro sa kahirapan ng buhay. Pero sana, through this movie, mabigyan natin ng lesson yung mga nanay na ito ang mangyayari sa anak mo kapag nagpatuloy ka na gawin yan.
“Higit sa lahat, hindi sila ang kailangang maging puhunan o itulak sa kapahamakan para ka umangat,” mariin niyang pahayag.
Streaming ang Tahan sa Vivamax on July 22.