NAPANOOD NAMIN ANG episode ng Midnight DJ noong Sabado, na pinagbibidahan ni Oyo Boy Sotto at isa ito sa longest-running shows ng Kapatid network. Napukaw ang aming interes nang mapanood namin ang nasabing episode dahil nakita namin sa trailer si Jade Lopez, na kasama noon sa unang batch ng Starstruck.
Matagal-tagal na ring hindi napapanood sa isang regular show si Jade. Kilala siya noon ng mga die-hard Starstruck fans bilang isa sa pinaka-palaban pagdating sa sayawan at aktingan. Kahit papaano’y nabigyan din ito ng ilang character roles sa Siyete bago ito nag-concentrate sa kanyang pag-aaral. Dati itong na-link sa kapwa niya Starstruck graduate na sina Rainier Castillo at Christian Esteban.
Nagawang ipagsabay ni Jade ang pag-aartista at pag-aaral. Kumuha ito ng kursong Psychology sa San Beda College at ga-graduate na ito next year. Hindi pa alam ng dalaga kung ano ang kanyang magiging career plan, pero hangga’t maaari ay gusto pa rin nitong ipagpatuloy ang kanyang pag-aartista.
Sa totoo lang, manghihinayang kami kung hindi itutuloy ni Jade ang kanyang karera sa showbiz. Maganda ito sa personal at lalo pa itong sumeksi. May ibubuga rin naman ito sa sayawan (isa siya sa mga nakapasa sa mapanuring mata ni Douglas Nieras noon) at versatile din ito sa pag-arte, dahil kaya nitong mag-drama at swak din ang kanyang timing sa pagpapatawa.
Hindi namin alam kung ang paglabas nito bilang guest sa Midnight DJ ay hudyat na tuluyan na siyang magiging miyembro ng Kapatid network. Sana nga ay mabigyan pa ng ikalawang pagkakataon ang Starstruck avenger, na talaga namang may angking galing at talino. Puwedeng-puwede ito sa PO5, o ‘di kaya ay sa mga sitcoms ng istasyon. Pasado rin naman ito na maging regular sa mga upcoming drama shows ng Singko. Puwede rin siyang ipares sa mga dating kasamahan na sina JC de Vera at Rainier Castillo. Sayang naman kung hindi ito mapakikinabangan.
For comments, questions and suggestions, kindly e-mail us at [email protected] and visit Pinoy Fans Club.
Showbiz Blogster
by Mica Rodriguez
Pinoy Fans Club